KABOG NA ASWANG

8 0 0
                                    

Nang sumunod na bakasyon ni Angkol Miyong at ng aking ina dito sa amin sa Calatrava ay hindi na sumama ang kaibigan nilang si Nick. Nagkaroon ito marahil ng trauma sa nangyari noong magbakasyon ito at nagtungo sa kabilang isla. Isa pa...nawalan na rin ito ng komunikasyon kay Belen at nahulog ang loob kay Hilda, isa sa mga tindera sa bakery na pinagtatrabahuan nila.

Dahil sunud- sunod ang mga pista noong panahong iyon dito sa Calatrava...sunud- sunod na naman ang mga pabayli. At gaya ng nakagawian, madalas na naman doon si Angkol Miyong at ang kanyang mga pinsan.

Nanang: Huwag kayong basta kakain sa mga handaan lalo na kung hindi niyo kilala ang may handa dahil baka mabayunro kayo.

Si Nanang naman ay hindi rin nakakalimot magpaalala.

Ang bayunro ay kapag kumain ka sa pagkain na aswang ang may handa...pag- uwi mo raw ay maglalaglagan lahat ng mga ngipin mo. Kaya naman, ingat na ingat si Angkol at ang mga kasama niya pagdating sa mga kakainan.

Hanggat maaari, kung kayang tanggihan ay iyon ang ginagawa nila sa mga nag- iimbitang kaklase na taga- ibang barrio. Minsan naman ay gumagawa na lamang sila ng alibi at sa kabutihang- palad ay di naman sila pinipilit ng mga ito.

Nanang: Mag- ingat din kayo sa kilkig. Kapag ganyang mga pista, maraming mga taga- ibang lugar ang dumadayo rito sa atin. Delikado ang kilkig, maaari ninyo iyong ikamatay!

Isang araw, maaga pa ay naging bisita na ni Nanang ang mga pamangkin nito na sina Angkol Andong at Angkol Kanoy.

At dahil madalas na nasa baybay si Angkol Miyong ay kasabay din siyang dumating ng kanyang mga pinsan.

Nanang: Wala talaga kayong pinalalampas na piyesta, mga toto. Kahit makusog (malakas) ang bayor (alon) ay sumugod pa rin kayo rito.

Miyong: Eh itong si Andong kasi Nang...may natitipuhang rayaga na nakilala niya nung nakaraan. Kaya hindi mapakali at pabalik-balik dito.

Nahihiyang napakamot naman si Angkol Andong sa ulo. Inutusan ni Nanang si Angkol Miyong na magkatay ng manok dahil magluluto raw ito ng tinola para sa kanyang mga bisita.

Magkakatulong ang mga binata sa paghahanda ng tanghalian, si Angkol Miyong at Angkol Andong sa pagkakatay ng manok at si Angkol Kanoy sa paggagayat ng papaya na ilalahok sa tinola.

Tumulong naman si Mamay Consuelo kay Nanang sa pagluluto. At pagkatapos ay masaya nilang pinagsaluhan ang masarap na pananghalian.

Bandang alas dos ng hapon, masayang nagkukuwentuhan ang magpipinsan sa pantaw (terrace).


Andong: Paano ba 'yan , bisperas na ng koronasyon mamayang gabi. May mga isusuot na ba kayo? Dapat ay maaga tayo mamaya para hindi tayo maunahan sa pagdiga (panliligaw) sa mga rayaga (dalaga).

Miyong: Oo nga...type na type ko pa naman iyong isang rayaga na taga- Carmen.

Andong: Wag ka ng bumili ng pomada, Miyong. Marami akong baon.

Nagtawanan sila dahil sa sinabi ni Angkol Andong. Talagang pinaghandaan nito ang pagpunta sa baylihan.

ALAS singko pa lang ng hapon ay nasa bahay gumagayak na ang apat. Dahil ilang taon din silang nagtrabaho sa Batangas, nakabili sila ng mga damit, pantalon at sapatos na siyang ginagamit nilang pamporma.

Mayroon din silang mga pabango at pomada. Sa likod na bulsa ng pantalon ay may nakasuksok ding suklay na ginagamit nila sakaling magulo ang kanilang buhok. Para naman gwapo pa rin sila sa paningin ng mga rayaga lalo pa at minsan ay nagboboluntaryo sila na ihatid pauwi ang mga nililigawan nila.

Tales Of YGWhere stories live. Discover now