TAGAPAGMANA 3

3 0 0
                                    

Sakay ng pampasaherong bangka pauwi ng probinsya, nakangiti ako habang pinagmamasdan ang mga along nagtatalsikan tuwing madadaanan ng katig. Hindi ko mapigilang makadama ng pagkasabik , halos katulad ng pakiramdam ko noong unang beses kong bumiyahe patungong Batangas.

Ilang taon na rin kaming hindi nakakauwi kaya sabik na sabik na akong makatuntong muli sa aming mala-paraisong isla. Ngunit ang mas higit kong pinananabikan ay ang muling makita, mayakap at makasama ang pinakamamahal naming ina.

Kasama ko si Manong Ben at ang panganay niyang si Junior. Hindi muna sumama si Manang Marilyn dahil may dalawa pa siyang maliit na anak.  At siyempre, kasama ko rin ang aking nobya, si Rosaly. Balak na naming magpakasal at gusto kong humingi muna ng basbas mula kay Mamay.

Mahaba ang biyahe kaya halos gabi na ng marating namin ang isla. Umarkila kami ng isa sa nga motorsiklong nakapila pagbaba ng daungan na sadyang nag-aabang sa mga pasahero. Hindi pa uso noon ang mga cellphone , wala ring telepono sa aming lugar. Sulat ang tanging nagsisilbing komunikasyon namin sa aming mga mahal na naiiwan sa probinsya. Kaya siguradong magugulat si Mamay sa aming pagdating.

Inihatid kami ng inarkila naming motorsiklo sa aming barangay. Kahit marami kaming dalang bagahe ay kasyang-kasya kami lahat. Pitong tao ang ang madalas na pasahero ng mga motorista sa amin at walang dapat ipag-alala dahil bukod sa maingat ay sanay na sanay silang magmaneho kahit madilim at makipot ang daan.

Matapos magbayad ay nagpasalamat kami sa drayber na hindi ko man alam ang pangalan ay namumukhaan ko pa rin kahit matagal akong namalagi sa Batangas.

"May! May!"

Sunod-sunod na pagtawag kasabay ang hindi kalakasang mga katok ang ginawa namin ni Manong Ben. Malayo naman ang kapitbahay kaya wala kaming mabubulabog kahit pa dis oras na halos ng gabi.

Matagal din bago magising ang aming ina. At gaya ng inaasahan, matinding pagkabigla ang rumehistro sa kanyang mukha na nakita ko sa tulong ng liwanag na nagmumula sa dala niyang gasera.

Belen: B-Ben? Carlito?!

Agad kong ibinaba sa lupa ang dala kong bag at sinugod ng yakap si Mamay! Noon ko mas lalong naramdaman ang labis na pagkasabik at pangungulila sa kanya. Mula kasi ng umuwi siya ng isla noong buntis pa lamang ang asawa ni Manong Ben, hindi na siya bumalik pang muli sa Batangas. Tila hinaplos rin ang puso ko nang maramdaman ko ang marahang paghaplos ng aking ina sa likod ko.

Belen: Kasama niyo rin ba sina Rico at Roma?

Ben: Hindi, May...wala kasing kasama ang mag-iina ko. Sa susunod na buwan ay sila naman daw ang magbabakasyon dito.

Ramdam kong nalungkot bigla si Mamay dahil kulang ang kanyang mga anak. Ngunit agad ding napalitan iyon ng saya ng makita nito ang aking pamangkin.

Belen: S-siya na ba ang a-anak mong panganay, Ben?

Ben: Oho, May. Si Junior. Nak...magmano ka muna sa lola mo. Diba sabi mo, gusto mo siyang makita kaya sumama ka sa amin ng  Angkol Carling mo?

Dahan-dahan namang lumapit ang noon ay inaantok ng si Junior sa kanyang lola. Maagap kong kinuha sa kamay ni Mamay ang hawak niyang gasera para mayakap niya ang kanyang apo na alam naming matagal na niyang pinananabikang makita.

Belen :Kaytagal kong hinintay ang sandaling ito, apo! Sa wakas ay nasilayan na rin kita at nayayakap!

Hindi napigilan ni Mamay ang mapaluha
Marahil ay nagbalik sa kanyang alaala ang muntik ng pagkapahamak noon ni Manang Marilyn habang ipinagbubuntis si Junior.
Kaya maging kami ni Manong Ben ay hindi rin napigilan ang pamamasa ng mga mata dahil sa mainit na tagpong iyon sa pagitan ng maglola.

Tales Of YGWhere stories live. Discover now