♦ FAB: Chapter 21

2.2K 109 44
                                    

=♦=♦=♦=♦=♦=♦=♦=♦=♦

Chapter Twenty One

=♦=♦=♦=♦=♦=♦=♦=♦=♦

"BON, halika na umalis na tayo rito!" si Mavz iyon. Kasama si Jack.

Tinignan lang sila ni Osmond nang makalapit na silang dalawa sa kinauupuan niya. Malalim ang tingin niya. Malungkot. Parang nawalan ng natitirang pag-asa sa mundo. Matamlay. Ganito yung naramdaman niya bago siya humiling na sana mapunta siya sa ibang katawan. 

Nagtataka at nagtatanong siya sa sarili. Bakit hindi nga siya masaya ngayon? Hindi pa rin. Mali ba ang desisyon niya? Mali ba na humiling siya ng ganun? Wala na nga ba talagang pag-asa na makabalik siya sa orihinal niyang katawan? Nagsisisi siya.

"Ibang klase ka Bon, anong eksena yung ginawa mo sa TV kanina!? Wahahaha!" natatawa na bungad ni Jack.

"Buti napanood namin yun sa balita at nalaman namin kung nasaan ka. Bon, tara na uwi na tayo, ha." malambing at nag-aalala ang tono ni Mavz.

Syempre hindi naiintindihan ni Osmond ang mga pinagsasabi nila. Pero parang may kung anong nagtulak sa kanya, konsensya o mismong pagod, uhaw at gutom ng katawan niya hindi siya sigurado, para buong puso na lang na sumama sa mga ito.

Niyakap siya ni Mavz. Nabigla siya. Parang naramdaman ni Mavz ang labis labis na lungkot na dala dala ngayon ni Osmond sa katawan ni Bonbon. Kinomfort siya ni Mavz na ang buong akala ay ito ang kapatid niya. Naiyak na lang si Osmond sa ginawa ni Mavz na pag-comfort sa kanya habang nakaupo sila sa isang bench. Umiyak rin si Mavz kahit wala siyang idea sa tunay na dahilan ng pag-iyak ni Osmond. Nakatulong para kay Osmond kahit papano ang sandaling ito para mabawasan ang nararamdaman niya.

"Pang-MMK na drama naten ah? Sayang wala na yung mga camera kanina. Ang saya niyo panoorin!" biglang asar ni Jack na nakatayo sa harap nila.

Pagkabitaw ni Mavz sa pagkakayakap agad nitong sinatsatan si Jack. "E kung ipang-SOCO ko naman yung drama ng buhay mo? Jack! Hindi mo ba nakikitang may pinagdadaanan yung kapatid natin?!"

"Ikaw ate, hindi ka naman mabiro e! Sige na tara na uwi na kasi tayo. Gabi na masyado!" at umuwi na sila sa bahay kasama na si Osmond.

PAGDATING na pagdating nila sa bahay, sinalubong si Bonbon ng mga nag-aalala ring sila George at Kevin. Si LL at Delay ay maagang pinatulog na sinabayan rin ni Aldo na parang walang kapaki-pakialam sa nangyayari kay Bonbon. Pareho lang sa tatay nilang si Mang Roberto na hindi pa rin hinaharap ang sariling anak. 

Agad kinausap ng dalawang kaibigan ni Bonbon ang bagong dating ng makita itong malungkot. Nakatayo silang lahat sa may sala.

"Boss, ibang klase ka talaga! Napanood namin yung sa TV nung niligtas mo yung kawawang lolo! Akala ko nga binugbog mo e yun pala binato mo lang raw sa ulo! Hahaha!" bungad ni George na tumatawa.

"Tapos ingglesero ka na talaga! Ikaw nga ang pinag-uusapan ng lahat ng mga kapitbahay namin kanina! Pati mga ka-eskwela natin! Kaso sabi nila para ka raw baliw boss? Iba raw ang sagot mo sa tanong ng reporter! Hahaha!" kwento naman ni Kevin at tumawa rin.

Hindi sila pinapansin ni Osmond. Sa palibot ng buong bahay siya nakatingin. Parang sinusuri niya ang lahat at kasuluk-sulukan ng bahay. Malungkot pa rin ang mga mata. Pero maya-maya nagsalita uli siya. Nasa mabait naman na tono. "I hope this will be the last time I have to tell you all that you should speak to me in English, at least for now. Give me so\e time to learn your language."

Alam ni Osmond na madali lang sa kanya aralin ang isang language kung gugustuhin niya. Kung sa isip lang rin, matalas ang sa kanya. Lalo pa't mahilig siyang magbasa. Gusto niya ang natututo sa mga binabasa niya.

"Narinig niyo? Speak in english!" utos ni Mavz kala George at Kevin.

Pero wala ng sumagot sa kanila. Nagkatinginan na lamang ang dalawa at natahimik.

"HAHAHAHA!" si Jack naman ang tumawa. "Ano? Natahimik rin kayo? Hahaha!"

"Jack, maingay ka na! Baka magising si Papa!" si Mavz.

"Ako na naman." sumimangot si Jack pero nagsalita ulit agad. Para pa ngang nagulat lahat sa kanya. "SANDALI!"

"Ano na naman yun?" bwisit na si Mavz sa boses ni Jack.

"Sino kaya yung Osmond Smith na binanggit nitong si Bonbon?! Bakit kaya sinabi niyang siya yun? Bakit siya nanawagan ng ganun? Nakakapagtaka! Naku! Bukas na bukas rin iimbestigahan ko talaga ang misteryosong lagay ng ating kapatid! Hindi kaya siya nababaliw?!"

Binatukan si Jack ni Mavz. "Ang sabihin mo! Bukas na bukas rin ikaw ang sasama kala Bonbon na magpa-enroll sa school dahil papasok ako sa school at pinagrereport na kami ng principal para sa opening ng class! Pinagsasabi mong baliw si Bonbon!"

"ANO BA HINDI BA KAYO TITIGIL SA MGA INGAY NIYO DYAN HA!" nagulat silang lahat ng may sumigaw galing sa isang kwarto. Walang iba kundi yung papa nila Bonbon. Naistorbo na yata ang tulog dahil sa mga ingay nila sa sala. Pagkatapos nun, umuwi na sila George at Kevin. Sinamahan na ni Jack si Osmond sa kwarto nila. Pumasok na rin si Mavz sa kwarto nila ni Delay.

KINABUKASAN ng umaga, maraming text at tawag ang natatanggap ng bawat isa sa miyembro ng pamilya nila Bonbon. Mga kamag-anak, kapitbahay, kaeskwela at kung sino pang kakilala nila na kilala rin si Bonbon. Puro usisa. Maraming tanong. Lahat gusto ng tsismis. Pero walang sumasagot sa kanila sa mga ito. Lalo na yung papa nila na wala pa rin atang pakialam. Syempre, tulad ni Aldo.

"Kuya Bon, I'm glad you're finally home!" bati kay Osmond ni LL nung umaga. Pagod na pagod si Osmond kaya nakalimutan na nito ang gutom at uhaw nang nakatulog. Nakalimutan na rin nito ang pamamahay. Nitong pagmulat niya ng mata saka lang muli siya tila nakapag-isip isip. Ito na ba ang bagong buhay niya ngayon? Magiging mas masaya kaya siya? Matatagalan niya ba ang hindi na makasama ang mga mahalagang tao sa buhay niya na naiwan sa Amerika?

"Hindi kayo maniniwala sa sasabihin ko! Ate Mavz punta ka rito bilis!" sabay sigaw ni Jack ng pumasok sa kwarto galing labas. Mabilis naman pumunta si Mavz sa kwarto ng mga lalaki. Nagising naman si Aldo dahil kay Jack.

"Ano ba kuya Jack ang ingay-ingay mo lagi!" iritableng sinabi ni Aldo.

Pero hindi pinansin ni Jack si Aldo at nagpatuloy pa rin sa gustong sabihin. "Bumili lang ako ng pandesal tapos nalaman ko na kalat na kalat na sa buong barangay na nahagisan ka ng bola sa ulo at na-ospital. Tapos napanood pa nila na nag-iinggles ka na, na ikinagulat nilang lahat dahil alam nilang mahina raw ang ulo mo. Alam niyo ba kung ano yung nangyayari ngayon sa court ha!?"

"Ano?!" sabay na tanong ni LL at Mavz. Samantala deadma lang ang reaksyon ni Osmond at ni Aldo na nakabusangot pa rin.

"YUNG MGA NANAY LANG NAMAN E PINAGBABATO NG BOLA SA ULO YUNG MGA TAMBAY NILANG MGA ANAK!"

At sabay-sabay silang naghalakhakan.

#MMK

***

Show your support to this story by giving VOTE, leaving COMMENT and SHARING this to others. Thank you for your love and generosity! 

FIL-AM BOYSWhere stories live. Discover now