CHAPTER 50

7 0 0
                                    

Kinabukasan ay nagpasya akong pumunta ulit sa aking ina kung saan ko naman siya nakita. Nagsuot lang ako ng isang simpleng jeans, t-shirt at rubber shoes. Ilang minuto pa akong naghintay ay nakita ko na siyang bitbit ang dala niyang basket at nagtitinda na ulit ng mga kakanin.

Napangiti naman ako at kaagad siyang nilapitan. Nagulat pa siya pagkakita sa akin at ako nama'y malapad na ngumiti sa kaniya. Sa pagkakataong ito gusto ko siyang tawaging mama pero natatakot ako dahil baka itaboy niya lang ako at hindi kilalaning anak. Sinabi kasi sa'kin ni Mother Perfecta na nabuntis lang siya ng dati niyang amo kaya siguro ay iniwan na lang niya ako sa bahay ampunan.

Gusto ko malaman mula sa kaniya ang dahilan nang pag-iwan niya sa'kin at gusto ko rin malaman kung sino ang tatay ko. Ang totoo niyan ay gusto ko na siyang tawaging mama at maramdaman man lang kahit papaano ang pagmamahal niya na hindi ko naranasan noong bata ako. Ang tagal ko siyang hinintay na makita at ito na ang pagkakataon na ipakilala ko ang aking sarili.

Ang sabi ko sa sarili ko ay kuntento na ako na makilala siya at makita siya kahit na hindi niya ako kilalanin bilang anak. Pero ngayon gusto ko siyang makasama at tawaging mama.

"O hija ikaw pala, ano pala ang ginagawa mo rito?"

"Napadaan lang po ako ma__ I mean Aling Salve, may dinaanan po kasi ako malapit dito eh"

"Ah ganoon ba? Kumain ka na? Gusto mo ba magmeryenda nitong kakanin?" nakangiting wika niya.

"Hindi na po Aling Salve ang totoo niyan gusto ko po kayo makausap eh"

"Tungkol saan hija?" Huminga muna ako nang malalim at kinakabahan ako kung sasabihin ko na ba sa kaniya kung sino ako.

"Anong totoo po kasi niyan__"

"Aling Salve 'yong anak niyo po!" sabay kaming napatingin sa kung sino ang tumawag.

"Bakit anong nangyari kay Isay?" May pag-aalalang wika niya sa batang lalaki nang makalapit na ito sa amin.

"Si Isay po nawalan nang malay." Napatakbo naman kaagad si Aling Salve at sinundan ko naman siya.

Pagkarating namin sa kanilang bahay ay nakita namin ang kaniyang anak na nakahiga sa sahig at walang malay. Kaagad niya itong pinuntahan at inangat ang ulo at kita ko ang pag-aalala niya sa kaniyang anak.

"Anak gumising ka anak!" umiiyak niyang turan.

"Aling Salve sandali po at hihingi lang ako ng tulong para mabuhat siya at dalhin natin siya sa ospital." Hindi ko na siya hinintay pang makapagsalita ay kaagad akong humingi ng tulong sa mga tao na makasalubong ko.

At sa wakas ay nakahingi na rin ako ng tulong at kaagad naman binuhat ang anak ni Aling Salve. Isinakay siya sa kotse ko at kaagad naman kaming umalis. Nasa likod sila at kita ko mula sa rear view mirror kung paano siya mag-alala sa kaniyang anak.

Napabuntong hininga na lang ako at mahigpit akong napakapit sa manibela dahil ramdam ko ang sakit na nararamdaman niya ngayon. Siguro ay hindi na niya kailangan malaman na ako ang anak niya na iniwan niya sa bahay ampunan dahil ayoko nang dagdagan pa ang mga isipin niya kapag nagkataon.

Mabilis naman kaming nakarating sa ospital at kaagad naman kami inasikaso ng mga doctor. Magkatabi kami ni Aling Salve at pansin ko ang panginginig ng kaniyang kamay dahil sa sobrang pag-aalala sa kaniyang anak.

Kinuha ko ang kamay niya at napatingin naman siya sa akin. Tipid akong ngumiti sa kaniya at hinaplos ang kamay niya. Ito na lang ang magagawa ko sa kaniya bilang isang anak at masaya na ako na makilala siya kahit na hindi na niya ako makilala bilang anak niya.

"Huwag po kayong mag-alala magiging maayos po siya"

"Hindi ko kaya na mawala ang anak ko, nag-iisang anak ko siya at nawalan na ako ng asawa at ayokong mawalan din ng anak!" Humagulgol siya at napayakap na lang sa akin.

My Last Love (Mazer & Kristine)Where stories live. Discover now