CHAPTER 56

6 0 0
                                    

Pagkapasok ko ng aking boutique ay kaagad naman akong sinalubong ng isa kong emplayado na si Mhera. Wala si Leslie ngayon dahil uuwi raw muna siya sa kanilang probinsya para dalawin ang lola niyang may sakit. Pansamantala ay si Mhera muna ang makakasama ko ng ilang araw.

"Good morning po Miss Kristine," bati niya sa'kin.

"Good morning din Mhera"

"Ma'am may naghihintay pong kliyente sa opisina niyo pinapasok ko na po siya dahil kilala niyo naman daw siya eh." Kunot-noo ko naman siyang hinarap at nag-isip kung sino ang bisita ko.

Imposibleng si Macelyn dahil bago siya pumunta rito ay tumatawag muna siya sa akin kung nasa opisina na ako. Kung si Franco naman ano naman ang sadya niya sa akin?

"Sino raw?"

"Mazer Brilliantes daw po kasama niya 'yong asawa niyang si Jillian." Nanlaking bigla ang aking mga mata at mahipit kong nahawakan ang aking pouch bag.

"A-anong g-ginagawa nila rito?" kinakabahan kong wika sa kaniya.

"Magpapagawa raw po ng wedding gown." Para naman akong binuhusan ng malamig na tubig sa aking narinig mula kay Mhera.

Tila ba'y nanlambot ang aking mga tuhod at pakiramdam ko ay babagsak na lamang ako. Hindi na ako sumagot sa kaniya at dumeretso muna ako sa comfort room. Itinukod ko ang dalawang palad ko sa sink at malalakas ang aking paghinga habang nakapikit ako.

Pagmulat ko ng aking mga mata ay napatingin ako sa salamin at tinitigan ang aking sarili. Sa mga oras na ito ay mukha akong nakakaawang tingnan. Hanggang kailan ba ako magiging ganito? Hanggang kailan ba ang paghihirap kong ito dahil kay Mazer? Kailangan ko nang isuko ang pagmamahal ko sa kaniya dahil tila wala na talaga kaming pag-asa pa. Kinalimutan na niya ang lahat sa akin, ang pagmamahal niya at kung gaano ko siya kamahal ay wala na ring halaga pa.

I want to give up because this is the right thing to do. Sobra na ang pasakit na dinanas ko at tama na ang paulit-ulit akong nasasaktan dahil baka ikamatay ko na ito.

Inayos ko muna ang aking sarili at naglagay ng kaunting make up at lipstick na kadalasan kong ginagamit. Gusto kong ipakita sa kanila na ang natural na ako, iyong walang bahid na nasasaktan sa tuwing makikita ko sila.

Pagkatapos kong mag-ayos ay pinasadahan ko muna ang itsura ko sa salamin at ngumiti nang tipid. Mukha lang akong okay sa panlabas pero sobrang sakit ang nararamdaman ko ngayon dahil ang lalaking minahal ko ng buo ay tuluyan nang mawawala sa'kin.

Nang nasa may pintuan na ako ng aking opisina ay huminga muna ako nang malalim para mawala kahit papaano ang nerbyos ko dahil gusto kong umakto sa kanila ng natural. Hinawakan ko na ang seradura at binuksan ang pintuan. Kaagad na bumugad sa akin si Mazer na nakaupo at napatingin sa akin, samantalang si Jillian ay naka-angkla sa isang braso kay Mazer at malapad ang ngiti sa akin na tila nang-aasar.

Deretso akong pumasok at tinungo ang aking lamesa. Ipinatong ko naman doon ang aking gamit at naupo sa aking swivel chair.

"Anong maipaglilingkod ko sa inyo?" walang emosyon kong tanong.

Tumayo si Jillian at naupo naman sa aking visitors' chair. "Gusto kong magpagawa ng wedding gown. Ikakasal na kasi kami ni Mazer in three weeks," nakangiting wika niya.

"Anong design ang gusto mo?"

"Gusto ko 'yong bongga, iyong tipong ako ang pinaka magandang babae sa araw na 'yon right hon?" baling niya kay Mazer.

Napatingin siyang bigla sa akin at ako nama'y nag-iwas nang tingin. Parang mababali naman ang pagkakahawak ko sa lapis dahil sa gigil ko. Hindi dapat ako magpatalo sa aking damdamin at dapat ay ipakita ko sa kanila na balewala na lang si Mazer sa akin.

My Last Love (Mazer & Kristine)Where stories live. Discover now