December 25, 2003

11.7K 545 45
                                    

Dear Diary,

Merry Christmas!

Dahil wala kaming masyadong handa ngayong pasko, pinayagan ako ni nanay na sumama kay Lotlot pamamasko. Pinuntahan namin 'yong mga ninong at ninang ko kahit ayaw ko. Nakakahiya kasi buong taon ko silang hindi nakakausap tapos bigla akong sisipot sa bahay nila para makikain at mamasko. 

Pero buti na lang sumama ako kay Lotlot kasi nakapamasko ako ng tig-iisang daan. Si Lotlot, binigyan din ng bente. Tapos ang dami pa naming nakain. Halos limang bahay yata na sunod-sunod, pare-parehas ng handa. Puro spaghetti, fried chicken, buko salad, saka broas.

Huli naming pinuntahan 'yong bahay ni doktora. Gusto raw kasing makita ni Lotlot si Robbie. Tinawag si Robbie ng tita nya. "Nandito ang mga kaklase mo," sabi nito kay Robbie.

Lumabas naman si Robbie tapos nang makita kami, tinanguan lang kami tapos pumasok ulit ng kwarto. Nanakit ang braso ko dahil sa pagkakapisil ni Lotlot, diary.

Masarap ang mga handa kina Robbie. Doon lang ata kami nakakain ng cake na may icing. Sa iba kasi, basta sponge cake lang. Tapos may leche flan din sa kanila. Hati kami ni Lotlot sa isang lyanera. Binigyan pa kami ng chocolates bago kami umuwi!

Kaso, pag-uwi ko, kinuha ni nanay lahat ng napamaskuhan ko. Itatabi nya raw para pambaon ko sa January. :(


Wala nang pera,

Ylona


The Misadventures of Finding Mr. Right 3Where stories live. Discover now