October 29, 2004 11:02PM

12.4K 609 43
                                    

Dear Diary,

Sobrang daming nangyari kanina. Awarding ng cheerdance at lahat ng laro. Kagaya pa rin ng last year 'yong pagkakasunod-sunod ng overall wins. Kagaya last year, panalo ulit ang fourth year, pero nanalo sa cheerdance ang third year. Third kami... sa halos lahat.

At least hindi kami kulelat.

Tapos, halloween party namin kanina. Dahil hindi na principal si Sister Norma (hindi ko yata nasabi sa 'yo. Umalis na si Sister last year. Si Sister Nena na 'yong principal namin. Araw-araw umiiyak tuwing flag ceremony), pwede na kaming mag-costume... na ikinatuwa ng lahat maliban sa 'kin. Diary, unang-una, wala akong pera pambili ng gagamiting costume. Pangalawa, hindi ako creative.

Dahil wala talaga, bumili na lang ako ng headband na may bunny ears. Tapos nilagyan ni Lotlot ng pentel pen ang ilong ko tapos may whiskers sa tigkabilang pisngi. Ang hirap ngang tanggalin, e! Galit na si nanay kanina pagkukuskos ng mukha ko! Ang sakit! Hanggang ngayon yata namumula pa rin ang mukha ko.

Tapos ano... uhm... isinayaw ako ni Robbie kanina. Grabe 'yong kaba ko, diary. Ang dami kasing nakatingin. Nakakahiya. Habang ako nanghiram lang ng palda saka blouse tapos sobrang pinaghirapan ng costume ko, sya effortless na bampira. Ang ganda ng kapa nya tapos pati 'yong long-sleeves at pantalon, sakto. Tapos may dugo pa sa gilid ng labi. Tapos pangil.

Mukha talaga syang bampira, diary. Sabi nga ni Lotlot, bagay daw kasi karaniwan daw na gwapo at charming 'yong mga bampira.

Nga pala, may swimming uli kami bukas. Pero di ako pupunta. Baka matuluyan na ang mukha ko kapag nagbilad ako sa araw.


Magpapatong muna ng yelo sa mukha,

Ylona

The Misadventures of Finding Mr. Right 3Where stories live. Discover now