July 16, 2005

10.6K 544 28
                                    

Dear Diary,

Sabado ngayon pero nasa school kami. Required kasi, kapag third year o fourth year ka, na kasali ka sa banda o sa CAT. Parehong tinutusta sa ilalim ng araw ang dalawa, pero okay na akong mag-CAT kesa mag-banda. Para naka-t-shirt at pantalon lang ako, pero sabi ni Lotlot, mabigat daw 'yong rifle kaya hinila nya ako sa pagbabanda.

Gusto ni Lotlot na maging majorette. Pinag-audition din niya ako kaso hindi ko mapaikot nang maayos 'yong baton. Aayawan ko na sana kaso pinag-try akong mag-flaglette. Pinaikot-ikot ko lang tapos... ayun... nakuha ako. :(

Kaninang umaga ang first practice namin. Kaninang hapon naman, nag-ayos kami ng altar para sa misa bukas. Ganito ang ginagawa ng mga catechist tuwing hapon. Nagli-letter cut kami, nagwawalis sa altar, inihahanda 'yong mga bulaklak para bukas.

Dahil nagsu-supervise si Sister Macrina, walang masyadong pasaway kanina. 

Bukod pa pala roon, diary, naglinis din ako ng hallway kasama ang iba kong ka-scholar kasi scholar pa rin ako. Kaya sobrang pagod na pagod ako ngayong araw.

Pero napawi ang lahat ng pagod ko nang kumain kami tapos libre nila ako. Ang saya!

Una, nag-halo-halo kami. Naglakad-lakad kami paikot ng bayan hanggang sa mapadaan kami sa isang lugawan na bagong bukas yata. Naglugaw kami. Uuwi na dapat kami nang mapadaan kami sa pantalan. Sabi ni Robbie, uuwi daw muna sya sa kanila. May kukunin lang daw. Habang naghihintay kami, hinayaan ko munang mag-usap 'yong dalawa. Mukhang crush na crush ni Lotlot si Derrick. Lahat ng sinasabi, tinatawanan. Kahit 'yong hindi nakakatawa. Parang baliw. 

Pagbalik ni Robbie, may dala syang maliit na camera. Nagpicture-picture kami. Tapos tumambay kami sa pantalan. Nang gumabi na, kumain naman kami ng isaw.  

Ang daming bulalakaw kanina, diary.


Naka-limang wish,

Ylona


P.S. Sinabi ko kay nanay na sure na akong flaglette. Akala ko magagalit sya, pero hindi. Excited na raw syang magpatahi ng uniform ko. Hindi na ako makakapag-back out talaga.

The Misadventures of Finding Mr. Right 3Onde histórias criam vida. Descubra agora