PROLOGUE

1.7K 128 11
                                    


Hindi ko alintana ang mga luhang tumatakip sa aking mga mata dahil kadiliman lamang ang tangi kong nakikita. Ramdam na ramdam ko ang sakit na nanunuot sa aking katawan dahil sa punyal na nakatarak sa aking kalamnan. Hindi ako makagalaw; hindi ako makawala. Sarili ko lamang ang nakakarinig sa aking mga panaghoy.

Gustuhin ko mang matulog at magpahinga ay hindi ko magawa. Ipinikit ko ang aking mga mata. Nasaan ka? Bakit hindi ka nagpapakita?

Narinig ko ang mahihinang yabag palapit sa akin. Unti-unti kong iminulat ang pagod kong mga mata. Naaninag ko ang isang babaeng matagal ko nang kilala.

Bahagya akong napangiti. Sa wakas nandito na siya!

Lumapit siya sa akin at hinaplos ang aking mga pisngi.

---The Soul---


Nagising ako sa kadiliman. Naaninag ko ang isang babaeng nakatayo sa hindi kalayuan. Inihakbang ko ang aking mga paa palapit sa kanya. Dumaan ako sa kanyang likuran; lumingon siya pero hindi niya ako nakita.

Unti-unting lumitaw sa kanyang paligid ang mga itim na anino. Nakaramdam ako ng takot nang magsimulang gumalaw ang mga ito; isa, dalawa, tatlo, apat, lima!

Gumagalaw ang mga anino kahit nakatayo lamang ang babaeng nakatalikod sa akin. Muli akong dumaan para makita ang kanyang mukha. Sa aking pagdaan ay sakto naman ang kanyang paglinga sa kabilang direksyon. Hindi ko siya nakita!

Humiwalay ang isang anino, sumunod ang isa, isa pa, at ang isa. Lumakad silang palayo na parang walang pakialam sa lahat ng nasa paligid. Sinundan ko sila ng tingin hanggang mawala sila sa aking paningin.

Bumaling ako sa babae. Nakita ko ang unti-unti niyang paglubog. Sumisigaw siya pero walang tinig na lumalabas sa kanyang bibig. Kinakabahan ko siyang nilapitan. Pag-apak ko ng aking paa ay naramdaman ko ang napakalambot na sahig na aking inaapakan. Unti-unti rin akong lumubog.

Pilit kong nilapitan ang babae. Inabot ko ang kamay niyang nakalahad at nag-aabang ng tulong. Nang makalapit ako ng husto ay saka ko siya mariing tinitigan. Nagkaroon ng anyo ang kanyang mukha mula sa kanyang mga mata, ilong, at bibig.

Nagtama ang aming paningin. Hindi naman ako namamalikmata; bakit kamukha ko siya!

Siya at ako; bakit kami magkapareho?

---The Body---

I AM NINA: Truth & LiesUnde poveștirile trăiesc. Descoperă acum