CHAPTER 19: Sleeping Beauty

1.1K 127 37
                                    

Reyden

Hindi ko nakita kung saan nanggaling ang isang batang lalaki na sumulpot sa kung saan at tumulak sa batang babae palayo sa pedestrian. Patumbang bumagsak ang babae sa simento habang tumilapon ang batang lalaki nang mabundol ito ng van.

Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang duguang bata na nakahandusay sa kalsada. Narinig ko ang malakas na paghagulgol ng batang babae. Nang lingunin ko siya ay nakita ko ang isang lalaking lumapit sa kanya. Kinawit ng lalaki ang malalaki nitong mga braso sa beywang ng batang babae sabay marahas na binuhat ang bata palayo sa kalsada.

Nagpupumiglas ang batang babae pero wala itong nagawa. Tumakbo ako para sundan sila pero agad silang nawala sa aking paningin.

Umikot ako sa aking kinatatayuan. Nag-iba at nagdilim ang paligid. Nasaan na naman ako? Nasa paanan ako ng bundok. Napansin ko ang malaking bato sa hindi kalayuan; pamilyar ang batong iyon.

Naalala kong bigla ang lugar kung saan natagpuan ang kalansay ng dalawang bata. Bakit ako nandito? Napatingala ako nang makarinig ng ingay mula sa itaas. Nakita ko ang isang van na bumubulusok paibaba.

Nakakabingi ang tunog nang sumalpok ang van sa lupa. Lakas loob akong lumapit at nakita ang lasog lasog at duguang mga bangkay na nagkalat sa paligid.

Aatras na sana ako nang makarinig ako nang naghihingalong hininga.

Sa di kalayuan ay nakita ko ang isang pamilyar na hugis at mukha. Nanginginig akong lumapit sa duguang babae na nakahandusay sa lupa.

"Nina." Tangi kong nabigkas sa gitna ng aking pagkagimbal.

Hindi ito maaari! Ito ba ang sinasabi nilang aksidente na mangyayari sa 25th birthday ni Nina! Hanggang ngayon ba ay ito pa rin ang nasa panaginip niya?

Tumalikod ako at tumakbo palayo. Hindi ako pwedeng magpadala sa mga nakikita ko. Hindi pa nangyayari ang aksidenteng iyan! Maaari pa naming baguhin ang takbo ng buhay ni Nina!

Habang tumatakbo ako ay unti-unti kong naramdaman ang pagdampi ng malakas at malamig na hangin sa aking balat. Nilamon ang paligid ng kadiliman. Wala akong makitang kahit ano kundi kulay itim na hindi ko malaman kung saan ang hangganan.

Muli akong nagising sa gilid ng kama. Hawak-hawak ko pa rin ang kamay ni Nina; mahimbing pa rin siyang natutulog. Napadako ang paningin ko sa bakanteng espasyo sa tabi niya. Nasaan si Ate Bel?

Tumayo ako at luminga-linga sa paligid. Nasaan si Ethan?

Narinig kong may tumatawag sa aking pangalan. Napalingon ako sa closet mirror. Hindi ko reflection ang nakikita ko sa salamin. Lumapit ako. Bumilis ang tibok ng aking puso nang makita ko si Nina sa loob ng salamin. Nasa loob pa rin ba ako ng panaginip?

"Nina!" Tawag ko sa kanya.

Nakita ko ang suot niyang kwintas. Siya nga talaga si Nina! Umaalon sa hangin ang mahaba niyang buhok at para siyang hanging lumulutang sa alapaap.

Inilapat niya ang kanyang palad sa salamin. Tinapat ko ang aking palad kung saan nakalapat ang sa kanya. Hindi nagkadikit ang aming mga kamay; may nakaharang na kung anong enerhiya sa pagitan naming dalawa.

"Reyds, wake Ate Bel up. She needs to wake up!" Utos niya.

Namuo ang luha sa kanyang mga mata. Anong ibig niyang sabihin? Naramdaman kong muli ang malakas na hangin sa paligid.

Unti-unti akong umangat sa aking kinatatayuan. Hinihigop ako ng hangin.

Kumapit ako sa cabinet. "Please go, help Ate Bel!" Umiiyak na pakiusap ni Nina.

I AM NINA: Truth & LiesWhere stories live. Discover now