IAR [53]

50.4K 1.5K 453
                                    

Copyright © chiXnita

PUTING SILID. Puting kasuotan. Iyon ang una kong nakita pagmulat ng mga mata. May nakakabit na dextrose sa’king pulso. Tila binibiyak ang aking ulo. Mabigat ang katawan at masikip ang dibdib ko. Ilang beses akong kumurap at saka ko lang napansin na nasa loob ako ng Loriete’s hospital.

Madali akong bumangon at binaklas ang dextrose. Nanghihina ang mga tuhod na lumabas ako ng kinaroroonang silid. Wala akong kasama. Walang naghihintay sa paggising ko. Masama ang kutob ko. Inatake na naman ako ng takot.

Wala akong suot na tsinelas. Ngunit wala akong pakialam, tinahak ko ang mahabang pasilyo kaso hindi ko alam kung saan ako pupunta. Parang may nakapatong sa magkabilang balikat ko na tig-iisang toniladang semento dahil ang bigat ng bawat hakbang ko.

May nakasalubong akong nurse. Pinapabalik ako sa silid pero hindi ko siya pinansin. Tinulak ko siya at nagpatuloy sa paglalakad. Dinadala ako ng mga paa patungo sa emergency room.

Bakit wala akong kasama? Na saan na si Angel? Na saan sina mommy at daddy? Nakabalik na ako! Dapat binabantayan nila ang paggising ko!

Tumigil ako sa paglalakad nang makita ang buong pamilya El Grandia na nakaupo sa bleachers sa tapat ng isang emergency room. Si Cyclone, Irish at ang mga magulang nila. Hindi nila ako napansin. Nakayuko kasi si Cyclone at si Irish ay niyayakap ng mommy niya. Si tito naman ay may kinakausap na nurse.

May sampung emergency rooms ang hospital, lima sa bahaging ito at okupado ang apat na silid. Wala akong maramdaman na kung ano. Nakatitig lang ako sa kanila. Hindi kumukurap. Ayaw tanggapin ng isip ko… ng puso ko, kung ano’ng nangyayari. Alam ko naman… pero hindi kasi p’wede. Hindi ‘to p’wede.

Kaya walang nagbabantay sa’kin kasi nandito sina mommy at daddy. Nandito rin si Angel, si Papa Greg at Mama Tracey. Aligaga sila. Panay ang lakad kung saan. Si Angel umiiyak.

Bakit siya umiiyak?

Dumating ang magkapatid na Zyle at Denice. Dumaan sila sa tagiliran ko. Hindi ako napansin ni Zyle kasi tumakbo siya palapit sa isang silid. Pero si Denice ay huminto. Nagulat ako nang bigla niya akong niyakap.

‘Tapos bigla na lang din siyang umiyak. Bakit ba nag-iiyakan sila? Nakakainis naman! Nakakairita!

Walang salitang binibigkas si Denice. At ngayon lang yata siya naubusan ng sasabihin sa buong buhay niya dahil napakadaldal niya. Hinahagod niya lang ang likod ko habang patuloy ang paghikbi sa balikat ko.

Hindi ako gumagalaw. Ayokong makita ang lungkot sa kanilang mga mata. Ayokong pakinggan ang malakas na hagulhol nila. Wala namang nangyari na hindi maganda, ‘di ba? Wala…

Kung hindi ako yakap ni Denice baka natumba na ako kasi hanggang ngayon ay nanginginig pa rin pala ang buong katawan ko. Saka niya lang ako binitiwan nang sabay na dumating sina Jerson, Serg at Dew. Magkasama na naman silang tatlo. Pero ba’t ba nandito sila? Bakit hindi maipinta ang kanilang mga mukha?

Ni hindi nila nagawang kumustahin kung okay lang ako. Kahit ang tanungin kung masama ba ang pakiramdam ko.

Nawala ako, ‘di ba?

Muntik na akong mapahamak, pero bakit tila isa lang akong basahan sa sahig na kanilang dinadaan-daanan? Ba’t wala silang pakialam?

Sumunod ako sa kanila. Inalalayan ako ni Denice. Mabuti pa siya. Kahit umiiyak may pakialam sa’kin.

Nang makarating ako sa tapat ni Angel ay nag-angat siya ng tingin. Tumayo siya at sunod-sunod na umiling. Bumuka ang kanyang bibig na parang ang dami niyang gustong sabihin pero itinikom din.

In a REALationSHIT (Trese Series #1) - PUBLISHED (PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon