IAR [18]

78.5K 2.5K 157
                                    

-18-

NANGINGINIG ANG mga tuhod nang pumasok ako sa loob ng bahay. Nakapatay ang mga ilaw. Muntik na akong madulas nang maapakan ang basahan sa may pintuan. Hindi mawala sa isip ko ang taong nagpadala ng text at nagpapabigay ng bulaklak. Alam kong siya ang humalik sa 'kin.

Binuksan ko ang dim light sa sala. Ang tahimik ng paligid. Inilapag ko ang pouch at cellphone sa sofa at naglakad patungo sa kusina.

Natutop ko ang bibig. May mga nakahain na iba't ibang putaheng lutong bahay. May tatlong wine glass na nakataob, nasa loob ng mga 'to ang kulay fuchsia na kandila na naupos na at wala ng apoy. Bumaling ang mga mata ko sa taong nakasubsob sa mesa.

Si Grant, natutulog. May suot na apron at hawak-hawak ang cellphone.

Napatukod ako sa isang upuan para kumuha ng suporta. Kinagat ko ang labi para mapigilan ang mapahikbi. Pinaghintay ko siya. Alas kwatro na.

Natabig ko ang isang wine glass kaya nahulog. Nabasag.

Naistatwa ako nang mag-angat ng ulo si Grant. Tumayo siya nang makita ako. "Heather!" Napapitlag ako nang hapitin niya para yakapin. "Where have you been?" Hinimas niya ang buhok ko at hinalikan ako sa noo. "Kumain ka na ba? Anong oras na."

Nilinis ko ang lalamunan. "K-kumain na ako, kanina pa. Kumain ka na?"

"Sino'ng kasama mong kumain? Si Angel? Bakit naka-off ang phone mo? Hindi ka man lang nagsabi na may pupuntahan ka pala. Nag-alala ako."

Bumaliktad ang mga lamang-loob ko. "Hindi si Angel ang kasama ko. S-Si Brix." Kinagat ko ang labi nang bitiwan niya ako.

"Si Brix?" mahinang sambit niya. Nakita ko ang pag-igting ng kanyang panga. Yumuko ako. Hindi ko kayang salubungin ang kanyang mga titig. Ang daliri kong naglalaro sa buhok, dinala ko sa bibig at kinagat. "Ilang oras kayong magkasama?"

Bakit niya tinatanong? May pakialam na ba siya sa 'kin ngayon?

Parang may nakabarang kung ano sa 'king lalamunan. Tinalikuran ako ni Grant. Kinuha niya ang trash bin sa gilid ng refrigerator. Pinulot niya isa-isa ang bubog sa nabasag na wine glass.

"G-Grant!" Hinawakan ko ang kanyang braso. Wala siyang kahit na anong proteksiyon sa kamay. Baka masugatan siya. "Pumunta kami sa Flores de-trese Resort. Kumain lang kami at nag-ice skating. 'Y-Yon lang naman, eh. 'Wag ka nang magselos."

Napuna ko ang pagngiwi niya. "Hindi ako nagseselos." Tiningnan niya ang palad at napatingin din ako doon. May dugong tumutulo mula sa kanyang kaliwang hintuturo.

"Grant..." Hinawakan ko ang kamay niya para tingnan pero tinabig niya ang kamay ko.

"I'm okay, Heather." Tinapos na niya ang pagpupulot sa mga bubog. Pumunta siya sa tapat ng sink at hinugasan ang kamay. Sinundan ko siya kahit na nanginginig ang aking mga paa. "I'm fine. I'm not jealous. Okay?"

Mukha akong sira kasi pinipigilan ko ang mapangiti. Baliw nga yata talaga ako. "Hindi ka nagseselos. Sabi mo, eh."

Tinitigan niya ako nang matiim. "Hindi nga sabi."

"Oo nga. Hindi ka nagseselos. Naniniwala naman ako." Nilabanan ko ang titig niya. Ewan ko ba kung paano ako nakatagal kasi siya ang unang umiwas ng tingin.

Napahawak siya sa ulo niya. Ginulo ang kanyang buhok. "'Di nga ako nagseselos. Ang kulit." Tumalikod siya.

Hindi ako nagsalita. Kasi kapag umimik pa ako baka bigla akong matawa. Leche! Ang cute niya.

"Gamutin natin 'yang sugat mo." Sinundan ko na lang ulit siya. Lumapit siya sa mesa at isa-isang kinuha ang mga pagkaing nandoon at inilagay sa loob ng ref. "What are you doing? K-kakainin ko pa 'yan!" pigil ko sa kanya.

In a REALationSHIT (Trese Series #1) - PUBLISHED (PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon