IAR [2]

201K 5.8K 1K
                                    

-2-

MARAHAS KONG pinunasan ang mga mata nang maalimpungatan. Nakatulog pala ako. Tiningnan ko ang repleksyon sa salamin. Namumugto ang aking mga mata. Hindi ko alam kung ilang balde ang iniyak ko pero dehydrated na yata ako. Kumakalam na rin ang sikmura sa gutom.

Hindi ko nakausap si Silver kagabi. Ewan ko kung ilang oras kami sa park. Kahit hindi siya magtanong... alam na niya ang rason. Tahimik lang siya na nakaupo sa tabi ko. Wala siyang ginawa kung hindi ang himasin ang aking likod at pisilin ang kamay ko.

Hinatid niya ako malapit sa bahay namin ni Grant kahit hindi pa rin ako nagsasalita. Iyak lang ako nang iyak na parang sira.

Inayos ko ang sarili. Sa sobrang hilo at sama ng pakiramdam, hindi na 'ko nakaakyat sa k'warto namin. Bumagsak na lang ako sa sofa.

Pumanhik ako sa itaas. Marahan kong pinihit ang pinto. Kinakalma ang sarili. Dasal ko lang na sana wala na ang babae. Hindi ko na kakayanin kung meron pa akong makikita.

Kaso nandiyan pa rin sila. Mahimbing na natutulog sa 'ming kama. Hindi ko na naman napigilan ang pag-agos ng mga luha.

Hanggang kailan ba gagawin sa 'kin ni Grant 'to? Papatayin niya ba ako sa sakit?

Ang ibinubulong ng isip ko, iwanan ko na siya. Kaso ang palaging nangingibabaw ay ang puso ko na nagsasabing... 'di ko kaya.

Kung iiwanan ko siya, paano naman ako? Okay na sa 'kin na hindi niya ako kayang mahalin at least nakakasama ko pa rin siya. Eh, 'pag iniwanan ko siya... hindi na nga niya ako mahal, hindi ko pa siya nakikita at nakakasama. Mas masakit 'yon, eh.

Kaya ko 'to. 'Di ako susuko.

Kaya ko pa naman talaga, eh. Kakayanin ko.

Napansin ko ang mga bubog ng vase sa paanan ng kama. Ito ang nasagi ko. Gaano ba sila kabusy kagabi at hindi man lang ito napansin? Sa ideyang naisip ko... pinipiga na naman ang puso ko.

Tahimik akong naglinis. Ayoko silang mabulabog. Kaso napabalikwas ako nang malakas na tumunog ang alarm clock sa gilid ng lampshade. Bago pa ako makatago, nagising na sila.

Bigla ko na namang naalala ang nangyari. Paulit-ulit lang itong nagpi-play sa utak ko na tila sirang plaka. Lahat nakatatak na sa 'king isipan. Hindi na mabubura.

Agad kong pinunasan ang sulok ng mga mata. Ayokong makita ni Grant na susuko na ako.

Tumayo siya mula sa pagkakahiga nang nakaboxer lang at pinatay ang alarm clock na automatic na tumutunog tuwing alas sais ng umaga. Sunod-sunod akong napalunok habang pinagsasawaan ang kabuoan ng katawan niya.

Naikuyom ko nang mariin ang mga kamao. Hindi ko matanggap na nahawakan ng ibang babae ang lintek na katawan na 'yan. Nahalikan ng iba ang mga labing 'yan. At higit sa lahat... ayoko nang isipin.

Ang sarap lang pumatay.

"G-good morning... kagigising ko lang din. Ano'ng gusto mong kainin?" Nginitian ko siya. Titig na titig ako sa abuhin niyang mga mata na hindi ko mabasa. Ganito naman palagi ang ginagawa ko, eh. Nagkukunwaring okay lang sa 'kin ang lahat kahit hindi naman talaga. "Hindi pala natin nakain ang niluto ko kagabi. Sayang naman 'yon. Iinitin ko ba o magluluto na lang ako ng bago?"

Naghihiyawan at sigawan ang mga demonyo at masasamang elemento sa impyerno. Nagdiriwang sila dahil nagsisinungaling na naman ako. Ang galing kong magpanggap. Siguro 'pag namatay ako matutuwa ang mga demonyong 'yon dahil makakasama na nila ako.

Hindi siya sumagot. Kahit na ang sulyapan ako 'di niya na naman ginawa. Nilagpasan niya lang ako na para bang isa akong multo o 'di kaya hangin na hindi niya naman nakikita.

In a REALationSHIT (Trese Series #1) - PUBLISHED (PSICOM)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon