Kabanata 1

688 18 0
                                    

Shizuka

          Ilang buwan na rin ang itinagal ko sa mundong kahit kailan ay hindi ko inaasahang mapupuntahan ko. Maraming nangyari. Marami akong nakasalamuha. Maraming naganap na konektado sa tunay kong katauhan. Maraming naganap na bunga ng kataksilan at kasakiman.

          Sa ilang buwan ko rito sa Nirvana ay marami akong natutuhan. Kung paano magpahalaga. Kung paano lumaban. Kung paano maging matatag. Kung anong gagawin mo sa gitna ng kapahamakan. Kung anong pipiliin mo, buhay mo o buhay ng nakararami.

          Mahirap magkaroon ng kakaibang responsibilidad at kapangyarihan. Mahirap gawin ang bawat inaasahan sa iyo. Mahirap tanggapin na hindi magaganap ang isang bagay kung hindi ka kikilos....

         .. Ngunit sa lahat ng nangyari sa akin dito sa mundong Nirvana. Isa lang ang masasabi kong pinakamahirap na tanggapin.

         Na itinago sa iyo ang totoo mong pagkatao sa loob ng napakaraming taon. Itinago sa iyo kung sino ka talaga. Itinago ang mga impormasyon karapatan mong malaman. Itinago sa iyo ang lahat.... nang nilalang na labis mong pinagkakatiwalaan.

         Mahirap tanggapin na sa buhay ng bawat nilalang ay mayroong katotohanang itinatago sa likod nila. Katotohanang ang malapit pa sa iyo ang nagtatago nito. Katotohanang sasagot sa tunay mong pagkatao.

         Ako... sasabihin kong natanggap ko dahil matagal ko ng naiisip ang posibilidad na yun. Pero... ang dalawang prinsipe... sigurado akong mahihirapan sila.

          "Hikari!" Malakas na sigaw ko na umalingawngaw pa sa mahabang pasilyo. Nagbabakasali akong marinig niya ko at bumalik siya o kahit sinong makarinig sakin. Langya kasi! Bigla biglang tumakbo palayo si Hikari. Eh naliligaw nga ko diba? Hindi ko alam kung nasaang parte ako ng pasilyo.

          Naghintay ako ng ilang minuto sa pagbabalik ni Hikari o paglapit man lang ng kahit na sino. Lumipas na ang kinse minuto pero nakatayo pa rin ako rito sa harap ng pinto.

          Napabuntong hininga ako. Bahala na nga si Batman. Lalakbayin ko nalang ang mahabang pasilyo. Baka swertihin ako at mahanap ang silid ng Shindae.

         Nagsimula na kong maglakad. Ang tahimik ng pasilyo. Tanging yabag ko lang ang naririnig. Mabuti nga at hindi sumasakit ang ulo ko dahil sa katahimikan. At isa pa... hindi ako nakakaramdam ng kahit na ano tulad ng panghihina. Naalala ko kasi ang epekto ng pasilyo na ito sa mga nilalang na hindi pa ganoong kontrolado ang kapangyarihan.

          Napahinto ako at napasimangot. Bakit may dalawang daan dito? Saan ako pupunta? Kaliwa? Kanan?

          Tinaas ko ang kamay ko. Bahala na. "Ini, mini maynimo. Saan sa daan ang tutunguhin ko? Ito ba o ito?----"

          "Kaliwa."

          Pusang gala!

          Napatakip ako sa bibig ko para hindi mapasigaw. Muntik pa kong matumba dahil sa biglaan kong pag-atras.

          Masamang tingin ang pinukol ko sa nilalang na biglang sumulpot sa likod ko. Ang nakasimangot kong mukha ay napalitan ng gulat at.... pagtataka.

         "S-sino po kayo?"

         Ngayon ko lang nakita ang lalaking to. Medyo may katandaan na siya pero mahahalatang malakas siya. Maganda ang ngiti na ibinibigay niya. Hindi ako nakararamdam ng takot at kaba sa kanya. Mukha namang wala siyang gagawing masama sakin.

          "Kailangan mo pa bang malaman kung sino ako?"

          Eh? Syempre naman no. Kinakausap niyo ko kaya dapat lang na kilala ko kayo.

Nirvana IIOnde histórias criam vida. Descubra agora