Kabanata 61

223 7 5
                                    

Third Person

          Tahimik lamang na kumakain ang grupo. Kasalukuyan silang nasa silid ng Shindae at nakaupo sa harap ng mesa na kung saan mayroong hindi mabilang na pagkain. Wala kahit isa ang nais bumasag sa katahimikan, maski ang kanilang pagnguya at hawak na mga kutsara ay hindi gumagawa ng ingay.

          Hindi pa rin kasi mawala sa kanilang isipan ang mga nangyayari. Oo't alam na nila na darating ang panahon na magkakaroon muli ng digmaan laban sa mga shin at taksil ngunit hindi nila inaasahan na mangyayari agad ito. Tila napakabilis ng mga pangyayari. Idagdag pa ang naganap kay Shizuka at pagsunod ni Noah. Umalis ang pinakamalakas sa kanilang grupo at wala rin ang kanilang pinuno.

          Sa hindi malamang dahilan ay may kung ano ring kakaibang nagaganap sa bawat kaharian kaya hinihingi ang kanilang tulong. Kung tutuusin, mas marami ang sumusugod sa bayan ng Fudoshin kaya mas kinakailangan na rito sila lumaban ngunit dahil sa mga kakaibang kaganapan sa bawat kaharian, doon napupunta ang kanilang atensyon.

          Simula ng bumalik sila, hindi pa rin nila nakikita ang kanilang mga magulang. Ang tanging alam lang nila ay patuloy daw itong lumalaban sa mga taksil at nakakalat sa buong Nirvana.

          Napakarami na nilang iniisip ngunit dinagdagan pa ito ng mga sinambit na salita kanina ng reyna. Kailangan nilang maghanda na kalabanin si Shizuka. At hindi nais ng reyna na matulad sa kaniya si prinsipe Noah? Bakit at paano? Kung ang pinili ni Noah ay ang pag-ibig... maaari bang ang pinili noon ng reyna ay responsibilidad? At ito ang tinutukoy niyang hindi nais magaya ni Noah?

          Napasandal si Hikari habang hawak hawak ang baso ng kaniyang inumin. Ngayong nasa palasyo ng mga taksil si Shizuka at Noah... ano na ngayong mangyayari? Walang alaala si Shizuka at ang kahinaan ni Noah ay ang dalaga. Hindi naman siguro tama ang ibinanggit ng reyna na may posibilidad na kumampi ang dalawa sa kalaban. Sana.

          "Shindae."

          Napalingon ang tatlo kay Daisuke na ngayon ay nakayuko at nakatulala sa kaniyang plato. Ubos na ang laman nito ngunit hawak pa rin ng binata ang kutsara at tinidor. Hindi sumagot ang mga kasama kaya nag-angat ng tingin si Daisuke.

          "Natatandaan niyo ba ang pangyayari bago tayo mahulog sa tulay?"

          Napakunot ang noo ni Honoka. Bakit bigla biglang nagtatanong ng ganitong bagay si Daisuke?

          "Oo naman," sagot ni prinsipe Sheun.

          "Hindi ba't pinapahanap nila sa'tin noon ang hari dahil nakaharap daw ito ni Shizuka... pero bakit kay Regina sila magtutungo?"

          Muling tumahimik sa silid. Panibagong katanungan nanaman. Panibagong katanungan na tanging si Shizuka at Noah lamang ang makasasagot.

          "Kung nagawa sana muna nating tanungin si Noah bago siya tinulungang makatakas," mahinang saad ni Honoka at napabuntong hininga.

          "Hindi rin tayo sigurado kung masasagot tayo ni Noah, masyado siyang nasaktan dahil sa nangyari kay Shizuka," sagot naman ni prinsipe Sheun.

          "Kung tayo na lang kaya ang umalam."

          Napalingon ang tatlo kay Hikari.

          "Hindi niyo ba napapansin? Tanging si Noah at Shizuka lamang ang kumikilos kaya sila lang ang nakaaalam. Umaasa lamang tayo sa kanilang ibinabahagi na impormasyon."

          Lahat ng kaganapan ay umiikot sa dalawa. Ang tanging nagagawa lamang nila ay ang tumulong.

          "Ngunit wala tayong kakayahan, idagdag pa ang sitwasyon ngayon. Kung naisip natin 'yan noong hindi pa tuluyang nagbabalik ang mga taksil, may posibilidad pa na makatulong tayo. Kung gagawin man natin 'yan ngayon ay hindi rin maari, mas kailangan tayo ng mga shin," sagot ni Daisuke dahilan upang muling tumahimik.

Nirvana IIWhere stories live. Discover now