Kabanata 77

159 9 1
                                    

Third Person

          Agad na napadilat si Sabrina at hinabol ang kaniyang hininga. Pakiramdam niya ay matagal siyang pinagkaitan ng hangin. Napatigil siya nang mapansin ang paligid. Wala siya sa bayan ng Fudoshin kundi... sa lugar sa kaniyang panaginip. Napatingin siya sa kaniyang harapan at nandoon ang kakaibang puno. Ang kumikislap na tubig. Ang usok sa paligid at naroon din ang babaeng kamukha niya na nakaupo pa rin at nakasandal sa puno.

          Unti-unti siyang napa-atras ngunit napatigil siya nang may matamaan. Agad siyang napalingon at-- "Satana?" Mabilis siyang lumayo. Nakatayo sa likod niya si Satana na walang emosyong nakatingin sa kaniya. Nagliliwanag nang mahina si Satana ng kulay berde. Bumakas ang inis sa mukha ni Sabrina. "Anong ginagawa mo rito? At bakit tayo nandito?!"

          Isang ngisi ang sumilay sa mga labi ni Satana dahilan upang biglang kabahan si Sabrina. "Hindi ba inisip mo kanina... na lumabas ang lahat ng kapangyarihan mo?"

          Huh?

          "Tutuparin ko Sabrina. Ilalabas natin ang lahat ng kapangyarihan mo."

          Ang inis sa mukha ni Sabrina ay napalitan ng galit. Umayos siya ng pagkakatayo at hinarap si Satana. "Hindi mo ko maloloko Satana. Gusto mo lang ako gamitin para sa mga nais mo! Sinasabi ko sa'yo, hindi ako magiging parte upang makuha mo ang korona sa pagiging pinuno ng Nirvana!"

          "Bata, sa pagkakataong sabihin mo sa'king ilabas ang kapangyarihan mo, may pananagutan na ko rito."

          Napakunot ang noo ni Sabrina.

          "At ayaw mo man o hindi, kung gusto ko, ilalabas mo ito," sambit ni Satana. Nawala ang ngiti niya at walang emosyong sinalubong ang galit na tingin ni Sabrina. "At kung gusto ko, gagamitin mo 'to upang mangyari ang nais ko. Wala ka ng magagawa."

          "Ayoko," mabilis na sagot ni Sabrina. "Ialis mo ko rito!"

          Natahimik sandali si Satana dahil sa pagsigaw ni Sabrina. Natawa siya nang mahina. "Nasa loob tayo ng isipan mo, bata."

          Huh?

          Itinaas ni Satana ang kaniyang mga kamay. "At ito? Ito ang lugar kung nasaan ang kapangyarihan mo. Nakamamangha, di'ba?"

          Hindi sumagot si Sabrina at tila nababaliw na tinignan si Satana.

          Ibinaba ni Satana ang mga kamay at tinuro ang likuran ni Sabrina gamit ang kaliwang kamay. "At iyun... iyun ang siyang kapangyarihan mo."

          Mabilis na napalingon si Sabrina at sa gulat niya... ang babaeng nakaupo sa ilalim ng puno ay ngayo'y nakatingin sa kaniya. Unti-unting nakaramdam ng takot si Sabrina nang makita ang kakaibang mata ng babae.

          Purong kulay lila lamang ito.

          Lumapit si Satana kay Sabrina at itinapat ang kaniyang bibig sa tainga ng dalaga. "Lapitan mo siya, Sabrina."

          "Ayoko," sagot ni Sabrina pero nanatili ang tingin niya sa babaeng nasa puno. "Hindi ako susunod sa'yo."

          "Gagawin mo, Sabrina."

          Hindi alam ni Sabrina kung bakit pero nakaramdaman siya nang kakaiba sa kaniyang katawan. Agad siyang napayuko at... pinalilibutan siya ng berdeng liwanag.

          "Ilabas mo ang tunay at buo mong kapangyarihan, bata."

          Hindi man nais... ngunit kusang gumalaw ang katawan ni Sabrina palapit sa babaeng nakaupo. Pinilit na Sabrina na makawala sa kontrol ni Satana at maglabas ng kapangyarihan pero bigo siya.

Nirvana IIWhere stories live. Discover now