Kabanata 70

177 8 0
                                    

Sabrina

          "Sabrina, anong ginagawa mo rito?"

          Hindi ako sumagot at nanatiling nakatingin kay Devon. Maayos na ang lagay niya at walang bakas ng naganap kahapon. Ang itsura niya'y tila hindi siya nabugbog dahil kahit isang pasa ay walang makikita. Nasa gilid siya ng mesa gayon din sila Alena, Arlo at Kalmiro. Samantalang tila bagot na bagot na nakaupo sa dulong gitna ng mesa si reyna Satana. Nakahalumbaba pa siya. May mga kakaibang papel sa ibabaw ng mesa at kagamitan. Nagpupulong kasi sila nang bigla na lamang akong pumasok.

          Gusto ko ng makausap si Devon pero... hindi pa pwede. Hindi ko pa kaya. Nalipat ang tingin ko kay reyna Satana. "Pwede ba kitang makausap?"

          Hindi sumagot si Satana at nanatiling nakatingin sa itaas. Naningkit ang mga mata ko. Hindi ko alam kung paano ko nagawang tumungo rito sa silid nang walang pagdadalawang isip at wala man lang paghahanda. Hindi ko alam. Basta gusto ko ng matapos 'to. Gusto ko ng maayos ang lahat. Hindi ko alam kung anong mangyayari sa'kin pagkatapos nito pero... wala na kong pakialam.

          "Sabrina, hindi mo ba nakikitang nagpupulong kami ngayon? Kung may kailangan ka ay isantabi mo muna----"

          "Gusto kong malaman ang kapangyarihan ko."

          Napatigil sa pagsasalita si Devon. Napatigil din sila Alena sa ginagawa nilang pagguhit sa papel samantalang tuluyan ng tumingin sa'kin si Reyna Satana.

          Hindi ko magagawang malaman ang totoo dahil pinipigilan ako ng takot. Malakas si Devon pero hindi ko pa rin siya kilala. Hindi ko pa rin alam kung anong kaya niyang gawin. Idagdag pa na sunod-sunuran sila Alena sa kaniya. Kung lalabanan ko sila, umpisa pa lang ay talo na ko.

          Hindi ko rin magagawang malaman ang totoo mula kay Noah dahil tulad ng sabi niya, buong kaharian ang kalaban niya. Hindi niya magagawang magsalita kahit na sabihing kaming dalawa lang ang magsama. Hindi mababago ang katotohanang nasa kaharian kami ng sorcerer. Lahat ay nakikita ng mga pinuno. At oras na malaman nila Devon na magkasama kami ni Noah, hindi ko alam kung ano ang pwede nilang gawin.

          At kung totoo man ang iniisip ko na ako ang dahilan kung bakit naririto si Noah. Na ako ang kinikilala nilang pag-asa ng mga shin. Ibig sabihin ay makapangyarihan ako. Kakaiba ang lakas ko.

          Ibig sabihin... may laban ako kila Devon. Kaya ko silang talunin. Kaya kong talunin ang buong kaharian. Kaya kong baliktarin ang lahat. Magagawa ko na silang mapakanta at magagawa ko ng makasama si Noah.

          Kailangan ko lang malaman kung anong magagawa ko. Kung ano ang kapangyarihan ko.

          Walang emosyong sinalubong ko ang gulat na tingin ni Devon. Magkatitigan lang kami nang ilang segundo bago nalipat ang tingin ko kay Satana. Titig na titig siya sa'kin na tila hindi makapaniwala sa sinabi ko.

          Napahinga ako nang malalim. Ito lang ang naiisip kong paraan.

          "Tulungan mo kong ilabas ang kapangyarihan ko, Satana."

          Isang ngiti ang gumuhit sa labi ni Satana. Agad siyang tumayo at naglakad palapit sa'kin. Mabilis namang gumilid sila Alena na halatang gulat pa rin.

          Sinalubong ko ang tingin ni Satana. Hindi ko pa siya ganoong kilala. Hindi ko rin alam kung anong magagawa niya. Ang katotohanang siya ang reyna ng mga sorcerer at lamia ay sapat na upang hindi ako magtiwala sa kaniya pero... siya lang ang makakatulong sa'kin ngayon. Pero pagkatapos nito, ituturing ko na siya bilang kalaban ko.

Nirvana IITahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon