Kabanata 44

317 14 0
                                    

Shizuka

          Napabuntong hininga na lang ako habang nakatingin sa Shindae. Ayokong lumapit, paano kung magalit sila sa'kin? Itaboy ako? Tas sasagot ako at magtatalo kaming lahat? At biglang sumugod ang napakaraming lamia at halimaw? Tapos masaktan sila? Manghina? Hindi na makalaban? Anong gagawin ko?!

          "B-binibining Shizuka... medyo masakit."

          Napalingon ako kay Juanito at nagtaka ako nang ngitian niya ko ng pilit. Yumuko siya at tinignan ang braso niyang hawak ko-- agad akong napabitaw sa braso niya ngunit napahawak din ako ulit, pero hindi madiin ang pagkakahawak ko hindi tulad kanina na nagpamula sa braso niya.

          Ang pamilyang tumulong sa'kin, si Juvia at iilang nagpresintang mamamayan ng Fudoshin kanina ay kasalukuyang nakikipaglaban ngayon. Tingin ko'y makakaya naman nila kahit wala ako kaya naman dumiretso na ko rito sa Shindae, pero sinundan ako ni Juanito na siyang ikinatuwa ko naman.

          Kung sakaling may mangyaring masama sa'kin, atlis may kasama akong kawal.

          Kasalukuyan kaming nagtatago sa isang patay na halimaw. Hindi ko nga alam kung bakit nagtatago pa kami samantalang invisibility naman ang kapangyarihan ni Juanito. Invisible rin ako kasi nakahawak ako kaniya.

          Nginitian ko muna si Juanito bago muling sinilip ang Shindae. Kasalukuyan silang nakikipaglaban sa mga lamia at halimaw. Napakabilis nila, napakagaling.. sa totoo lang ay magagawa kong manatili silang panoorin ng ilang oras sa sobrang pagkahanga. Ang mga kawal na Fudoshin sa paligid ay isa isa lang ang nilalabanan at nagtatagal pa, samantalang sila.. nagagawa pagsabay-sabayin at napapatay agad nila ang kalaban ng wala pa sa minuto.

          Sa paligid ng Shindae ay napakaraming buhangin, siguradong abo iyun ng mga napaslang nilang lamia. Marami ring patay at halos patong patong na halimaw na siguradong ang Shindae ang nakatalo.

          Kahit kailan ay hindi nabigo ang Shindae na pahangain ako--- samantalang ako... nabigo ko sila. Arghh! Bakit ko ba kasi 'iyun ginawa? Iniwan ko sila.. natakot lang naman kasi eh. At tulad ng sabi ko noon, natural lang sa isang nilalang na matakot. Natakot akong masaktan sila pero hindi ako natakot na masaktan silang muli ni Satana!

          "Magtatago lang po ba kayo, binibining Shizuka?"

          Napabuntong hininga na lang dahil sa sinabi ni Juanito. Kanina pa kami naririto, sa gitna ng kaguluhan. Walang ginagawa, pinagmamasdan ang bayan ng Fudoshin na tuluyan ng nasira, pinagmamasdan ang mga shin na nahihirapan ng lumaban... iyun ay dahil sa aking kaartehan.

          "B-binibining Shizuka."

          Napalingon ako kay Juanito, kakaiba kasi ang tono ng pagsasalita niya. Nagtaka ako nang makitang namumutla siya at hindi inaalis ang tingin sa isang--- h-halimaw? Nakatingin sa'min ang isang halimaw na tila isang dinosaur pero nag-iisa lang mata at... tatlo ang buntot.. at may kaliskis siya na pang-isda.

          Wohhh.

          "N-nakikita niya tayo."

          Napamura ako sa isip ko nang biglang tumakbo palapit sa'min ang halimaw pagkatapos ay umikot. Agad kong hinila si Juanito dahilan upang mapahiga kami at hindi tamaan ng tatlong buntot ng halimaw. Mabilis kong kinuha ang espada ni Juanito na nakasabit sa kaniyang tagiliran. "Pahiram muna ah."

          Hindi na siya nakasagot at sinundan lang ako ng tingin. Agad akong tumayo at sumugod sa halimaw. Lumusot ako sa pagitan ng dalawa nitong paa at hiniwa ang ilalim na parte ng katawan niya. Gumawa ng malakas na ingay ang halimaw dahil dito. Agad akong tumakbo palayo nang maglikot ang halimaw. Dumiretso ako sa halimaw na tinataguan namin ni Juanito kanina. Nilagpasan ko lang ang tulalang si Juanito at inakyat ang patay na halimaw na mas malaki sa kalaban ko ngayon.

Nirvana IIWhere stories live. Discover now