Kabanata 56

334 15 1
                                    

Shizuka

          Napapikit na lang ako nang mariin at napasandal sa pader. Binitawan ko ang hawak na espada at napahawak sa ulo. Hindi ito ang unang pagkakataong makaramdaman ako ng ganitong katinding sakit ng ulo, ngunit hindi ko pa rin mapigilang tanungin ang sarili ko kung bakit? Makapangyarihan ako, di'ba? B-bakit... bakit hindi ko magawang pigilan ang sakit? Nagagawa kong pigilan ang ano mang atake, pero bakit hindi ang sakit at hapdi? Bakit hindi ko ito magawang palahuin? At isa pa, si Jewel at ako ay iisa, ibig sabihin ay nararamdaman niya rin ang sakit na nararamdaman ko. Makapangyarihan siya, bakit hindi siya pigilan?

          At bakit... hanggang ngayon.. hindi ko magamit ang kapangyarihan ko? Hanggang ngayon ay pinipigilan pa rin ni Jewel?

          Gusto kong malaman. Dahil ba ito sa tadhana kong kinatatakuan niyang mangyari? O dahil sa posibilidad na ayokong tanggapin... na sa tagal niyang paninirahan sa loob ko, at sa katotohanang siya ang tagapagtanggol ko... wala pa rin siyang tiwala sa'kin? Na hindi ko magagawang pumatay ng mga shin na walang laban? Na hindi ko magagawang sirain ang Nirvana?

          Naibaba ko ang kamay ko at napadilat nang makarinig ng papalapit na mga yabag. Napalingon ako sa kanan at... apat na sorcerer ang bumungad sa'kin. Gulat at galit ang tanging mababasa sa mga mukha nila.

          Hindi ko na kayang gumalaw, ni paghinga ay nahihirapan ako... ngayon, paano ko matatakasan ang apat na ito? Na halata naman sa mukha nila na gustong-gusto nila akong tapusin.

          Napahinga na lang ako nang malalim at napa-ayos ng tayo pagkatapos ay tinignan sila isa-isa. Halos lahat sila ay nakahawak na sa kanilang Zauberstab at tila naghihintay na lamang ng pagkakataong umatake. Ngunit nawala ang galit sa mukha nila at napalitan ng pagtataka... nang itaas ko ang dalawa kong kamay.

          Wala akong laban, wala akong lakas, ano pang magagawa ko maliban sa sumuko?

          Napakunot ang noo ng nasa gitna at matalim akong tinignan. "A-ayos ka lang ba, binibini?"

          Napatitig ako sa kaniya. A-ano...

          "H-harry, ano bang sinasabi mo?" nagtatakang tanong ng isa.

          "Namumutla kasi siya, mukha siyang mahihimatay na."

          Mahihimatay? Pakiramdam ko nga'y mamamatay na ko dahil sa sakit ng katawan.

          "Nanghihina siya, pagkakataon na natin 'to para maipaghiganti ang kasamahang pinaslang niya!" sigaw ng isa pagkatapos ay itinutok sa'kin ang hawak na Zauberstab. Hindi ko narinig ang sunod siyang sinabi ngunit... pakiramdam ko'y nanigas ako sa pwesto ko ng kakaibang ilaw na kulay berde ang ngayon ay patungo sa'kin.

          Napapikit na lang ako at hinintay na tumama sa'kin ang kakaibang atake ngunit... isang sigaw ang siyang dahilan upang mapadilat ako.

          "Harry!"

          Sa pagdilat ko ay walang bumungad sa'kin maliban sa apat na sorcerer na ngayon ay nagtatalo... t-teka...

          "Ano sa tingin mo ang ginagawa mo?!"

          Naglaho ang atake?

          "Hindi niyo ba alam kung sino ang kaharap natin?! May batas sa Fudoshin na oras na labanan ka ng sino man ay wala kang magagawa kundi ang lumaban din. Wala tayong laban sa kaniya. Kaya niya tayong paslangin ng walang kahirap hirap! Gusto niyo bang sumunod sa hukay?!"

          "Itinaas niya ang kaniyang kamay! Ibig sabihin ay sumusuko siya, pagkakataon na natin 'tong tapusin siya!"

          "At kapag lumaban siya? Hindi lang tayo ang tapos kundi ang buong palasyo!"

Nirvana IIWhere stories live. Discover now