Kabanata 13

337 13 0
                                    

Shizuka

          "Shizuka. Sa tingin mo ba makakaya natin sila?"

          Nilingon ko si Noah. "Hindi. Pero hindi masamang subukan." Hindi siya nakasagot at napaiwas nalang ng tingin.

          "Sigurado ka ba diyan?" tanong ni prinsesa Dalia.

          Tumango ako dahilan para mapangiti siya. "Kung gayon, may plano ako."

          KAHIT na nasa gitna palang kami ng bayan ng Zenshin... kitang kita na ang halimaw na Flamatos. Tulad ng sabi ni prinsipe Liam, mayroon itong bilog na ulo at labindalawang galamay na sampu ang nag-aapoy.

          Tulad ng plano ni prinsesa Dalia. Hindi makaalis sa kanilang pwesto ang mga Flamatos dahil sa nagtataasang mga lupa na inilagay nila. Tila ito ay isang harang para hindi makapasok ang mga Flamatos sa bayan. Sa likod ng mataas na lupa ay may mga nakaabang na mga kawal na Zenshin.

          Pero... hindi lalaban ang mga kawal na iyon kundi magbabantay lamang. Sisiguraduhing walang makakalagpas na mga halimaw sa ginawa nilang lupang harang.

          At kami... kami ang lalaban sa mga Flamatos at sa iba pang halimaw na magbabalak na lumabas sa kagubatan.

          Nakasuot ng armor si Noah, prinsipe Liam at Layla. Samantalang kami naman ni prinsesa Dalia ay walang pamprotekta.

          Ang bigat kaya ng armor nila. Sinubukan ko ngang buhatin pero nabitawan ko agad, paano pa kaya kapag sinuot ko baka hindi na ko makalakad. Parehas lang kami ng dahilan ni prinsesa Dalia, hindi niya rin kaya yung armor kaya ayaw niyang mag-suot. Bilib na ko kay Layla dahil nakakaya niyang suotin ang mabigat na bagay na yun. Parang komportable nga lang siya at parang wala lang sa kanya ang bigat nun.

          Nakasakay kami sa mga kabayo, tig-iisa. Nauuna sa prinsesa Dalia, kasunod ang magkatabi na sina Layla at prinsipe Liam habang nasa likod naman kami ni Noah.

          Sarado ang mga pinto ng mga bahay ng Zenshin at walang makikitang mamamayan sa daan. Tanging kami lang at ilang kawal na kasama namin. Ramdam namin ang tingin ng mga Zenshin na nakasilip sa kanilang mga bintana.

          Natatakot man sila dahil sa mga halimaw. Ngunit sa tuwing napapatingin sila sa grupong Shinizu ay mababakas ang pagkamangha sa kanilang mukha, at pagtataka naman sa tuwing napapatingin sa amin ni Noah.

          Walang nakakaalam na naririto kami. Wala ring kahit na sino na namumukhaan kami ni Noah lalo na ako. Bihira lang daw bumisita dito si Noah kaya hindi pamilyar ang mukha niya sa mga Zenshin. Lalo na ako dahil unang punta ko lang naman dito.

          Ramdam ko rin ang tingin ng mga kawal na Zenshin na nakasunod samin. Nagtataka rin marahil kung sino kami.

          Napalingon ako at nakita ang isang tahanan na may bukas na bintana at nakasilip ang isang pamilya. Nanay, tatay at dalawang anak.

          Nakakunot ang mga noo nila habang nakatingin samin ni Noah. Ngunit nang ngitian ko sila ay tila nahawa sila. Ang dalawang anak naman nila ay nakataas ang kamay na tila inaabot kami.

          "Ganyan talaga ang mga Zenshin, Shizuka."

          Napalingon ako kay Noah.

          "Sa galaw nila tinitignan ang ugali ng isang shin. Mahilig din silang mag-obserba at kumilatis. At dahil ngumiti ka sa kanila, paniguradong iniisip nila na mabait ka."

          Napakunot ang noo ko. "Bakit parang sa tono ng pananalita mo ay hindi talaga ako mabait?" tanong ko.

          "Bakit mabait ka ba?"

Nirvana IITahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon