Chapter 7

47.3K 1.5K 306
                                    

Subo

"Mama bukas... Pupunta ka ba sa bayan? Magtitinda ka ng mga bulaklak?" tanong ko sa aking ina habang nasa lamesa kaming dalawa. May mga hinihiwa siyang gulayin.

"Oo. Mas mabenta ang bulaklak tuwing linggo. Sa hapon, puntahan mo ulit ako doon para may maiwanan ako sa paninda pag namalengke ako," sabi niya habang nanatili ang tingin sa hinihiwa niyang kalabasa.

Tumango ako sa kanya. Oh ayan Trace... May gagawin ka bukas kaya h'wag ka nalang pumunta sa lupain ng mga Buenaventura. Pero ang sabi niya ay maghihintay siya. Paano kung isang buong araw siyang naghintay? Paano kung magalit iyon?

"Hindi na ba pumupunta si Rici rito, Trace?" tanong ni Mama sa akin at nag-angat agad ng tingin. Ang mga mata ay masyadong matalim at naghihinala.

Kumurap ako at dumako ang aking mga mata sa iilang hibla ng buhok niyang nalalaglag sa pagkakatali. Hindi agad ako makasagot.

"H'wag na h'wag mong pagtakpan ang kapatid mo kundi kayong dalawa talaga ang makakatikim sa akin!" may diing sabi ni Mama at nanggigigil na ang boses.

"Hindi ma... Sila Cecille lang ang pumupunta rito," paliwanag ko at nalaglag ang tingin sa kalabasang marahas niyang hinihiwa.

"Pagsabihan mo iyang kapatid mo, Trace! Malaki na sana pero hindi nag-iisip ng tama! Ipapahamak lamang siya ng pag-ibig na iyan!"

"Pero ma, nagtatrabaho naman si Kuya-"

"Trabaho niyang 300 ang sweldo sa isang araw?! Tingin mo makokontento ang pamilya ni Rici niyan? Iyong isa niya ngang kapatid na babae ay pinagkakasundo sa mayaman roon sa syudad tapos mauuwi lang si Rici sa kapatid mong walang maipagmamalaking negosyo? Kahibangan!" Nailing si Mama, ang kilay ay nagkakasalubong na dahil sa inis.

Alam ko ang bali-balitang iyon tungkol sa isa pang babaeng kapatid ni Israel na nasa syudad kaya hindi nakikita rito. Ipinagkasundo daw iyon sa mayamang pamilya na may malaki ring negosyo sa syudad. Ang naiwan lamang rito ay ang ama nila na namamahala ng lupain habang iyong ina naman nila ang namamahala sa negosyo nila sa syudad.

"Hindi pahihintulutan ni Facundo na malalaglag lamang sa pobreng lalake ang kanyang bunsong anak, Trace. Ang mga mayayaman ay gustong palaguin ang kanilang negosyo para mas yumaman pa. Hindi nila mapapakinabangan ang Kuya mo," nanggagalaiti niya paring sabi na kahit ang paghihiwa ay tumutunog na dahil sa lakas noon.

Humilig ako sa aming mesa at namungay ang mga mata.

"Malay mo Mama... Magugustuhan ni Don Facundo si Kuya para kay Ate Rici..."

Umiling iling agad si Mama kahit na hindi pa ako tapos sa pagsasalita. Kinuha ko ang iilan niyang nahiwa at ipinasok sa bowl habang iyong panibagong gulay naman ang kanyang binabalatan.

"Napakaimposible..."

"Bakit naman? Masama ba ang ugali ni Don Facundo, Mama? Noon po ba... Noong binata palang siya... Ano pong ugali niya?" Napatitig ako kay Mama na ngayon ay natigilan na.

"Matapobre. Mapagmataas. Masungit. Manyaki- Basta... Matabas ang dila noon at akala mo kung sino!" Umirap pa si Mama na ikinakunot ng aking noo.

Alam ko namang masusungit talaga ang mga Buenaventurang lalake at mararahas pero parang sobra naman ata ang pagkakalarawan ni Mama.

"Pero guwapo rin po ba siya noon?" tanong ko at inilagay sa magkabilang pisngi ang aking mga palad.

Natigilan muli si Mama at nakita ko ang tinatago niyang namumulang pisngi sa kabila ng inis niyang mukha. Napakurap ako roon.

"Hindi 'no! Mayabang lang talaga!" Padabog na inilapag ni Mama iyong petsay at sinimulang hiwain.

"Huh? Eh ang kisig nga ni Israel-"

Shade of Love (Buenaventura Series #4 Ineryss' Version)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon