Chapter 32

41.5K 1.2K 135
                                    

Konting Tiis

Sa sumunod na mga araw ay inasikaso ko ulit ang enrollment ko.

"Pre tingnan niyo, ang ganda oh!"

"H'wag yan. Kapatid iyan noong nanloko sa Buenaventura na si Rici kaya nagpakamatay. Madadamay ka sa kamalasan niyan."

"Ay sayang! Ganda sana. Sila pala iyon..."

Hindi ko na nilingon ang dalawang lalakeng pinag-uusapan ako nang madaan ako sa kanilang gawi. Mag-isa akong pumunta lalo na't may ginagawa rin iyong tatlo. Balik trabaho iyong dalawa habang si Cecille ay may lakad para bumili ng gamit.

Mahaba ulit ang pila at nasa dulo pa ako. May iilan na napapatingin sa akin at mabilis agad ngumingiwi. Para silang nakakakita ng kasuklam suklam.

Buong akala ko ay makakapag-enroll na ako pero noong ako na ulit ay bigla nalang nagbago ang pakikitungo sa akin. Ayaw nilang iproseso ang aking enrollment sa kadahilanang cut-off na daw at mamaya ulit hapon.

Kahit maghintay ulit ako mamayang hapon ay alam kong may panibago ulit silang rason na sasabihin sa akin. Alam ko naman eh... Alam kong dahil sa nangyayari kaya ganoon sila sa akin. Hindi naman ako batang paslit na kung uutuin ay mabilis na mauuto at kaya mo lang paniwalain basta may candy na kapalit.

"Bumalik ka nalang ulit mamaya," aniya.

Akma niyang ibababa iyong pangharang kaya mabilis agad akong nagsalita.

"Pero Ma'am... unfair naman po diba kung di niyo ako tatanggapin dahil lamang sa issue na biktima lang po ako? Di po namin ginusto ni Kuya ang pagkamatay ni Rici. Di naman po kami ganoon kasamang tao para hilingin ang isang bagay na makakasakit sa ibang tao. N-Nandito po ako dahil gusto ko pong mag-aral kaya sana po... asikasuhin niyo rin po ako katulad noong pag-aasikaso niyo sa ibang estudyante."

Kitang kita ko ang yumakap na gulat sa kanyang mukha. Pero kalaunan ay bumalik din ang galit doon at mas malala pa ngayon.

"Ako sa'yo maghanap ka ng ibang paaralan! Iyong malayo dito! Galit na galit ang mga Buenaventura sa pamilya niyo at baka madamay pa kami! Oo at di niyo nga pinatay pero kayo ang rason kaya ba't nagpakamatay si Rici! Pinerahan niyo pa at pinakinabangan saka niyo tinapon! Nakakasuka kayong magkapatid! Lumayas kana! Nasisira mo ang araw ko!" Marahas niyang ibinaba iyong pangtakip noong bintana na ikinaatras ko nalang.

Nakagat ko ang pang-ibaba kong labi. Saan naman ako mag-eenroll eh ito lang ang publikong paaralan dito? May scholarship naman ako pero kung lilipat ako roon sa isa pang eskwelahan dito ay may kamahalan doon at baka dagdag gastos lamang.

Wala akong nagawa noong araw na iyon. Nagtungo ako sa bayan at tinulungan nalang si Mama.

"Oh? Nakapag-enroll kana?" tanong niya agad.

Hinubad ko ang maliit kong bag at tinabihan ito.

"Uh... Bukas babalik pa ako Mama kasi ano ang raming estudyante kanina." Nag-iwas ako ng tingin sa kanya.

"Tracey, umamin ka nga? Eh iyong tatlo mong kaibigan nakapag-enroll agad kahapon ah? Ginigipit ka ba roon?!" Tuminis agad ang kanyang boses sa huling pangungusap.

Nag-angat ako ng tingin kay Mama at akmang iiling nang itinuro niya ako.

"Kilala kita! Kahit ginagawan kana ng masama ay binabalewala mo! Umamin ka!"

"Ayaw po nilang tanggapin ang enrollment ko, Mama..." sumbong ko.

"Aba't mga hayop na iyan!" Napatayo pa ito sa sobrang galit kaya mabilis ko siyang hinila paupo.

"P-Pero bukas babalik ulit ako! Susubukan ko ulit baka makulitan sila sa akin at sa huli ay tanggapin rin nila ang mga requirements ko."

"Talagang bukas ay maeenroll kana! Sasama ako sa'yo bukas. Makakatikim sa akin ang mga hudas na iyan!" gigil na sabi ni Mama na ikinalunok ko ng laway.

Shade of Love (Buenaventura Series #4 Ineryss' Version)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon