Chapter 15

44.9K 1.3K 218
                                    

Kumagat ka nalang, Trace...

"Sandali lang!" sigaw ko sa umagang iyon habang naghuhugas ng plato nang may kumatok nang paulit-ulit.

Inalis ko iyong tarangkahan ng aming pinto at binuksan iyon. Laking gulat ko nalang nang bumungad sa akin ang imahe ni Ate Rici at sumalubong pa sa akin ang matamis niyang pabango.

Ngumiti agad siya ng matamis sa akin.

"Magandang umaga, Trace! Ang kuya mo?" tanong niya sa malambing na boses at sumilip pa sa aking likod.

"Magandang umaga rin Ate. Uh... Si Kuya..." Nilingon ko ang pinto ng kwarto nito.

"Tulog pa?" dugtong niya naman kaya bumalik agad ang tingin ko sa kanya.

Tumango ako saka napadpad ang aking mga mata sa suot niyang magandang damit. Hindi pa nakaligtas ang gold na bracelet sa kanyang pulso at ang suot niyang kwintas na may pendant na hugis bulaklak at halatang mamahalin. May slingbag siya na may brand na hugis letrang C at nakabaliktad iyon na ipinagdikit habang may bitbit na kahon.

"Pwede bang sa loob ko siya hintayin?"

Ang kanyang boses ang nagpabalik sa akin sa reyalidad at natigil sa kakapuna sa kanyang itsura.

"Ay sige ate! Nakakahiya pa naman ang bahay namin... Baka manibago ka po..." sabi ko at binuksan ng malaki ang pinto.

Marahan siyang humagikhik at iniapak ang maganda niyang flats sa semento naming sahig. Nakaramdam agad ako ng hiya dahil mukhang masyado siyang presentable para sa aming bahay.

"Okay lang! Hindi naman ako maarte." Ngumiti siya sa akin.

Hilaw na ngiti ang aking naibigay at nagtungo roon sa aming lamesa. Hinila ko ang mahaba naming upuan na gawa sa kahoy.

"Upo nalang po kayo rito. Naghuhugas po kasi ako. Uhm, may gusto po kayong kainin?" alok ko.

Bawat galaw niya ay sinusundan ng aking mga mata. Na kahit iyong paglapag niya noong kahong dala niya at ang pag-upo niya sa dekahoy naming upuan. Kung paano niya pinadaan ang kanyang mga kamay sa kanyang pwetan para hindi masama iyong dulo ng kanyang dress.

"Kahit ano lang, Trace. Salamat," malambing niyang sabi na ikinatango ko.

"Tapusin ko lang po iyong ginagawa ko ate..." sabi ko na ikinatango niya naman.

Napapansin ko siyang gumagala ang tingin at walang makita na disgusto sa kanyang mga mata.

"Baka gusto mo ng cake, Trace... Nagdala ako," sabi niya at tiningnan iyong kahon niyang dala.

"Okay lang po, Ate..."

Nakontento naman siya sa aking sagot. Tumahimik ito ng ilang sigundo at nanatili ang tingin sa akin.

"Uh... May pumupunta bang ibang babae rito maliban sa akin?" bigla niyang tanong.

"Opo ate, meron..." sagot ko at nilingon siya habang binabanlawan iyong mga baso.

"Meron?" gulat niyang tanong at mukhang interesado na.

"Opo... Mga kaibigan ko sila Cecille... Ako po ang sadya nila," sagot ko na ikinakalma rin naman ng kanyang mukha.

"Ah..." Tumawa siya.

Nginitian ko nalang ito lalo na't tahimik nalang siyang nakaupo roon at mukhang hindi naman nabobored. Pero nag-aalala parin ako. Gisingin ko nalang kaya si Kuya? Sabihin ko na nandito si Ate Rici? Sigurado akong magigising ang buong diwa noon.

Bago ko pa man magawa ang pinaplano ko sa aking utak ay bumukas na rin ang pinto ng kwarto ni Kuya. Lumabas itong inaantok pa habang kinakamot ang gilid ng kanyang tiyan at topless na naman. Buhaghag ang kanyang buhok at tila wala pa sa sarili.

Shade of Love (Buenaventura Series #4 Ineryss' Version)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon