Chapter 36

45.8K 1.7K 570
                                    

Trigger Warning: Death

Dilim

"Kuya! Anong nangyari sa'yo?!" Natataranta ko siyang nilapitan lalo na't nakikita ko sa kanyang tinatakpang palad ang umaagos na dugo. Ang buong mukha niya ay namimilipit pa sa sakit.

Kinuha ko ang isa niyang kamay at isinabit ko ito sa aking balikat para alalayan ito.

"Pumunta tayo sa hospital, Kuya!" Umiiyak ko siyang kinarga kahit na sobra niya ng bigat.

"Tuma... Tumakas..." Mariin siyang napapikit at putlang putla na, halos hindi narin ito makapagsalita ng maayos.

Umiling iling ako habang tinitingan siya sa nanlalabo kong mga mata at pilit itong binubuhat. H'wag naman sanang ganito!

"Isusugod kita sa hospital!" Kahit hinang hina ay sinikap kong maglakad palabas.

"Hwag kang matulog Kuya! Pumunta tayo sa hospital! H-Hindi p-pwede!" Mas naglakad ako at sinikap na kargahin ang buong bigat niya kaso kapwa kami natumba sa sahig dahil sa unti-unting panghihina niya.

Mabilis akong lumuhod sa kanyang harapan at niyugyog ang kanyang balikat.

"G-Gumising ka! Isusugod kita sa hospital! Kuya!" sigaw ko at gusto siyang kargahin ngunit sa panghihina ko, kahit man lang maitayo siya ay hindi ko kaya.

"S-Sinong m-may gawa nito sa'yo?! Kuya!" Mas inalog ko pa ito pero ang aking kapatid ay hindi na dumidilat.

"H-Hindi... K-Kuya..." ang aking boses ay mas nanliit pa.

Gumala agad ang aking tingin sa madilim na bahagi kaya tumayo agad ako para makahingi ng tulong. Malapit lang dito ang bahay nila Rudy!

Tumakbo ako habang umiiyak sa gitna ng daan. Ang aking suot na puting bistida ay namamantsahan na ng dugo pero di ko iyon alintana.

"Tulong! A-Ang kuya ko! T-Tulungan niyo!" sigaw ko habang tumatakbo sa madilim na kalsada. Ni isang tao roon ay wala akong maaninag. Tago ang lugar na ito at medyo malayo pa sa bayan kung nasaan ang hospital.

Tinitingala ko ang Langit at nananalangin na sana ay hindi niya pabayaan ang aking kapatid. Na sana ay h'wag niya muna itong kunin. Minsan lang ako humiling sa'yo kaya kahit ito man lang... kahit ito man lang ay pagbigyan mo ako!

May narinig akong yabag ng kabayong nasa dulo ng kalsada pero noong mapagtanto kong marami iyon ay kinutuban agad ako. Mabilis akong tumakbo pabalik sa bahay at nilapitan agad si Kuya na wala ng malay doon.

"Kuya! G-Gumising ka! H'wag namang ganito!" Inalog alog ko siya habang naririnig ang yabag ng mga kabayong mas malapit na at dito papunta.

Paglingon ko, nakapaligid na sila sa aming bahay. Nanlumo ako nang mapagtantong mga tauhan nga iyon ng mga Buenaventura.

"A-Anong ginawa niyo sa Kuya ko?!" sigaw ko at hindi na makita isa isa ang kanilang mga mukha dahil sa mga luha kong patuloy parin sa pagbuhos.

Sila rin iyong pumunta sa aming bahay para hanapin si Kuya. Imbes matakot na baka kung ano ang gagawin nila sa akin, mas nanaig ang kagustuhan kong makakuha ng sagot kahit alam ko namang sila talaga ang gumawa nito.

Tiningnan nila si Kuya at mukhang iyon lamang ang kanilang pakay.

"Mukhang patay na. Tara," sabi lamang noong isa saka sila nagsialisan.

Bakit...bakit kailangan nila itong gawin sa kapatid ko? Bakit?

Halos manginig ako nang tingnan ang katawan ng kapatid ko. Sinuri ko ang kanyang pulso, at kahit ang kanyang dibdib, kaya halos manlumo nang...nalagutan siya ng hininga habang umuuwi.

Shade of Love (Buenaventura Series #4 Ineryss' Version)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon