020 - She Is Camilla

287 42 9
                                    

She Is Camilla

Pagkatapos ayusin ang mga gamit naming pinurwisyo ni Chocolate ay sabay na kaming nagtungo ni Inay sa ospital. Pagdating doon ay nakita ko ang aking Itay na nagbabantay sa aking kapatid. Mga ilang sandali pa ay nagpaaalam ang mga ito na lalabas daw muna. Umupo ako sa silyang nasa harapan ng kama ng aking kapatid kung saan ito nakahiga.

Siya si Camilla, ang aking kakambal. Magkasama kaming dalawa na lumaki. Masaya, nagkukulitan at nagtatawanan. Siya ang tagapagtanggol ko noon sa lahat ng batang salbahe sa lugar namin. Siya din ang kasabwat ko sa aking mga kalokohan kahit labag sa loob niyang gawin iyon. Masyado kasi itong mabait at nasa katwiran. Para bang laging nasa tama. Sabay kaming naglalaro, natutulog at pumapasok sa paaralan. Masaya naman sana ang buhay namin. Buo ang pamilya, may sariling bahay at may maayos ding trabaho ang aking mga magulang.

Ngunit ang lahat ng iyon ay nagbago ng isang araw habang naglalaro kami ay bigla na lang itong hinimatay. Siyam na taon siguro kami 'non. Mabilis na sinugod siya sa ospital. Doon na nag-umpisa ang lahat. Unti-unting namayat ang kanyang malusog na katawan at nawalan na ng ganang kumain. Para bang bumabagsak na siya. Hanggang sa hindi na siya makalakad, hindi makagalaw,  hindi makapagsalita at dumating na nga sa point na hindi makakita.

Noong nagkasakit ito ay nagsimulang mabago ang aming buhay. Para lang matustusan ang kanyang pagpapagamot ay nagamit ang naipon ng aking Itay sa pagiging OFW para sa mga gamot at bayarin niya sa ospital. Naisanla din nila ang bahay at lupa namin na kalaunan ay narimata na ng bangko dahil hindi kami nakabayad sa takdang oras. Lahat ng mayroon kami ay ibinigay namin para lang gumaling ito. Hindi ako nagre-reklamo sa lahat ng iyon. Handa ako,  handa kaming maghirap,  handa kaming mawala ang lahat sa amin basta gumaling lamang ito. Handa kaming gawin ang lahat kung iyon lang ang tanging paraan para makabangon ito sa kamang naging tirahan na niya sa napakahabang panahon. Pero wala pa din pala. Kulang pa din pala. Kung pwede lang ay kuhanin na namin ang sakit nito. Napakabata pa niya para maranasan ang ganoon.

Minsan hindi ko maiwasang tanungin ang Panginoon. Bakit kami? Bakit ang kapatid ko pa? Napakadaming masasamang tao sa mundo. Matuwid gng kapatid ko. Ni langaw o langgam nga hindi niya kayang makapanakit. Bakit siya? Bakit?

Pero natutunan ko na hindi pala dapat “bakit” ang tinatanong ko sa Kanya kundi “ano”. Ano na ang gagawin namin? Ano ang dapat naming gawin para gumaling ito? Sana ako na lang. Ako ang pasaway. Ako ang makulit. Ako ang takaw-gulo. Dapat ako na lang.

Tuwing Lunes, Miyekules at Biyernes ng gabi ay lagi akong dumadaan sa Baclaran Church para taimtim na manalangin at ihiling sa Kanya ang kagalingan ng aking kapatid. Walang mintis iyon sa loob ng labing-apat na taon. Umaasa ako at alam ko na balang araw ay madidinig din niya ang mga boses ko. Alam kong Siya ang gagawa ng aksiyon. Siya ang nag-iisang mabisang gamot ng kapatid ko mula sa malubhang karamdamang ito.

Sa labing-apat na taon nitong pakikipaglaban sa sakit ay hindi ko na mabilang ang ospital na napuntahan namin. Hindi ko na din mabilang ang mga sakit na sinabi ng mga doktor na mayroon ito. Iba-iba ang paliwanag nila. Pero sa iisang bagay lang sila nagkatugma, na tanging mga aparato na lang ang nagbibigay buhay dito. May mga nagsasabi pang ibigay na lang namin siya sa Kanya pero hindi kami pumayag. Buhay ng kapatid ko ang pinag-uusapan. Kakambal ko siya. Magkarugtong ang lahat sa amin. Nararamdaman kong lumalaban siya. Sa ganoong isipin ay mas lalong dapat na lumaban kami at hindi kami papayag na basta na lamang siya mawala. Kahit abutin pa ng ilang taon basta ilalaban namin siya hanggang sa huling hininga namin.

Hindi ko matatanggap iyon. Buhay ang kapatid ko at alam kong lumalaban pa siya.  Isang luha ang tumulo sa aking kaliwang mata habang iniisip ang kalagayan ng aking kakambal. Dito na siya sa ospital lumaki. Buto't balat na siya. Napakatagal na panahon na simula noong makapagsalita siya. Matagal na noong masikatan siya ng araw. Napaka-haba na din ng buhok nito. Sobrang putla. Masakit mang sabihin at tanggapin ay para na itong isang bangkay.

Miss ko ng makipag laro sa kanya. Miss ko na ang sabay naming pagkain. Miss ko na ang sabay naming pagpasok sa paaralan. Sobrang haba na ng panahong ninakaw sa amin ng sakit na ito na para sana sa masasayang alaalang bubuuin pa naming buong pamilya.

Hinawakan ko ang kamay nito. “Pangako, Camilla. Hinding-hindi kita susukuan. Sabay tayong lalaban sa sakit mong ito. Gagaling ka. Malakas ka,  hindi ba?”

Pinunasan ko ang aking mga luha. Hindi ako dapat maging mahina. Kailangan kong maging malakas para sa pamilya ko... para sa aking kapatid.

*******


Third-Person POV

“Ano????????!!!!!” Sa sobrang galit sa ibinalita ng aking kanang-kamay ay binato ko sa kanya ang isang itim na enerhiya. Talsik ito sa hindi kalayuan. “Mga bobo! Paanong nawala na lang parang bula ang tatlong babaeng 'yon!?”

Tumayo ito at muling lumapit sa akin. “Kamahalan,  may kumuha po sa kanila. Nakita na po namin sa mga surveillance camera kung sino.”

Nabaling ang tingin ko sa kanya habang naka-upo sa aking trono. “Sino ang lapastangang gumawa nito?” Madiing tanong ko dito.

“Ang The Four.” Sagot nito.

Naningkit ang aking mga mata dahil sa galit. Muli ay isang enerhiya ang ibinato ko sa kanya. “Mga inutil! Paano kayo naunahan ng mga bubwit na 'yon?!” Huminga ako ng malalim. Tumayo ako habang hawak ang aking makapangyarihang tungkod. Ngayon,  naudlot ang aking mga balak. Pero sisiguraduhin kong panandalian lamang iyon. Hindi ako makapapayag na ang mga ito lamang ang sisira sa aking plano. Matagal kong hinintay ang panahong ito at hindi pwedeng basta na lang mabalewala dahil sa mga pakielamerong iyon.

“Pero pwede pa naman po kaming humanap ng iba pang magagandang babae sa tatlong nasyon kapalit ng mga nawala.”

Tinignan ko siya ng masama. “Tonta! Hindi ko kailangan ng kung sinong babae! Ang gusto ko ay sila! Sila ang pinakamaganda sa lahat at hindi magiging perpekto ang aking seremonya kung segunda-mano lang ang ibibigay mo sa akin! Gusto mo bang ikaw ang palitan ko?!” Halos lumabas na ang aking litid dahil sa kakasigaw sa bobong ito.   “Hindi na bale. Makukuha ko din sila. Siguro ito na ang oras para magkakila-kilala kami ng bagong apat na hinirang. Ipapakita ko sa kanila kung anong klaseng kalaban ako.”

First Stand *CompletedWhere stories live. Discover now