1st Holymancer general : Alejandro

726 95 5
                                    

Author's note : Naganap ang istoryang ito ilang araw lang makalipas gapiin ni Clyde ang unang batch ng mga taong-lobo.

...

Sa gitna ng isang kakahuyan ay may isang natatanging panahanan.

Sa harapan ng payak na tahanan na 'yon ay ang isang simpleng natural na hardin. Ang lapag ay nagkulay luntian sa kapal ng mga damong-ligaw. Sa harding 'yon ay may nasasalit na mangilan-ngilang kulay rosas na mga bulaklak.

Ang tahanan kahoy ay simple ang pagkakagawa. Sadya lang may kakaiba sa kahoy na tahanan. Masyado itong maliit sa normal na laki ng bahay para sa mga tao.

Ang tahanang nasa liblib at payapang kakahuyan ay aakalain mong abandunado, kung hindi lang sa manaka-nakang tunog ng nagkikiskisang mga bakal na nagmumula sa tahanang kahoy. Ngunit kung masigasis na pakikinggan, mapapansing ang tunog ay mas tamang sabihing pag-uumpugan ng mga bakal.

...

May kainitan sa loob ng kahoy na bahay. Roon matatagpuan ang isang maliit na pigurang nakaharap sa kung anong bagay. Paminsan-minsan ay kumikislap ang kung anumang nasa harapan n'ya.

Kung oobserbahan ang pigura ay mapapansing nagtataas-baba ang kanang kamay nitong may hawak na isang bakal na martilyo.

Ang kaliwang kamay naman n'ya ay nakahawak sa kung anong bagay.

Kung pagmamasdan sa malapitan ang maliit na pigura, mapapansin mong may pagkabato-bato ang katawan nitong hindi angkop para sa isang bata. Maging ang katangi-tanging mga buhok nito sa mukha. Doon madali mo ng mapagtatantong hindi isang bata ang pigura kundi isang duwende.

Ang duwendeng 'yun ay si Alejandro, ang kauna-unahang summon ng Holymancer na si Clyde. Seryosong-seryoso ang itsura niya.

Ano nga ba ang pinagkakaabalahan ng unang heneral ng Holymancer?

Sa harapan ni Alejandro ay isang nagbabagang bakal na pandayan. Ang hawak ng kaliwa n'yang kamay ay isang pampanday na sipit.

Ang sinisipit ng panipit ay isang pulang-pulang bakal na nakababad sa apoy. Paulit-ulit at buong lakas na hinahampas ni Alejandro gamit ang bakal na martilyo ang bakal na sinisipit ng panipit.

Ang duwendeng si Alejandro ay malinaw na nagpapanday.

Huminto sa pagpukpok si Alejandro.

Inangat n'ya gamit ang sipit ang bakal.

Nilipat n'ya 'yon sa anvil. Doon sinumulan n'yang pagpupukpukin ang nagbabaga pa ring bakal.

Pinihit n'ya 'yun at pinukpok sa ibang anggulo. Matapos makuntento sa pagpukpok ay muli n'ya itong pinihit at pinukpok sa anggulong 'yon.

Pihit! Pukpok!

Ilang beses ginawa 'yan ni Alejandro.

Hanggang sa nagkamali sa ginagawa n'ya ang duwende. 

Bigla na lang n'yang ibinato ng pagkalakas-lakas ang hawak na bakal na martilyo.

Bang!

Sa sahig ng kanyang kahoy na tahanan ay makikita ang marami-raming palinghadong gawa.

Napasuntok na lang sa hangin ang duwende sa pagkainis sa mga palpak na gawa.

Pulang-pula ang mukha n'ya sa galit sa sarili.

"Ano bang mali sa ginagawa ko? Ginagaya ko namang mabuti ang mga nakita ko noon sa ibang mga duwende sa dungeon ni master Red." Paangil na hiyaw ng duwende.

Sumuko na lang kaya ako? Tanong ng duwende sa sarili.

Matinding pag-iling ang sinagot ng duwende sa sariling tanong.

Holymancer : Unang AklatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon