3rd Holymancer general : Maria Makiling

634 91 2
                                    

Author's note : Naganap ang istoryang ito matapos magapi ni Clyde ang grupo nina Alexander at bago s'ya magtungo sa isang boxing gym.

...

Tahimik at payapa.

Iyan ang normal sa pang-araw-araw na buhay sa loob ng Holymancer realm.

Maaliwalas ang kalangitan.

Sa himpapawid, sa tapat ng isang burol ay may kung anong bagay na nakalutang.

"Hmm!"

"Kahit anong obserbasyon ko ay nakamamangha pa rin ang artipisyal na mundong ito." Turan ng kamumulat lang ng mata mula sa pagkakapikit na si Maria Makiling.

Yumuko si Maria.

Tumambad sa paningin ng diwata ang malawak na kalupaang hindi masaklaw ng mga mata n'ya o kapangyarihan ang hangganan.

Sa ilalim n'ya ay nakita n'ya ang kanyang teritoryo, isang burol na napalilibutan ng kapatagan.

Birhen pa ang burol na kanyang bagong panahanan.

Hindi gaya ng sa mundo ng mga tao, ang Holymancer Realm ay paraiso para sa kalikasan.

Gaya na lang ng burol ni Maria. Hindi ito makikitaan ng anumang parteng nakalbo sa iligal na pagpuputol ng puno.

Nanunuot sa pagkaberde ang burol.

Habang masiyang minamasdan ang kanyang teritoryo napansin n'ya sila.

Nagsisipaglakbay ang mga punong binigyan n'ya ng buhay pababa sa paanan ng burol.

Doon sa kapatagan sa paanan ng burol ay naglilinis ang mga treant.

Binalik n'ya ang paningin sa harapan. Doon tinitigan n'ya sa may distansya ang kulay pilak na tore.

Kung may pinakanamamanghaan s'yang bagay sa Holymancer realm, itong tore sa harapan n'ya 'yun.

Naglalabas ito ng enerhiyang humihingi ng pagsamba.

Maliban pa roon, base sa obserbasyon n'ya gamit ang mataas na perception, ang toreng ito ang responsable sa pagpapanatili ng balanse ng mundong ito.

Sa tuwing nag-eexpand ang realm, naglalabas ng mas malakas na kapangyarihan ang pilak na tore.

At kahit anong paghihinuha ng diwata, hindi maarok ng isip n'ya kung papaano nabuo ang isang kamangha-manghang artipisyal na mundo para sa Holymancer.

Isa lang ang nasisiguro ni Maria, kung sinumang gumawa ng mundong ito ay tiyak na makapangyarihan.

Pumagaspas ang gawa sa mga dahong pakpak ng diwata.

Sumibasib pababa si Maria nang maramdaman n'ya ang isang pamilyar na presensyang papalapit sa kanyang teritoryo.

Bumulusok si Maria na una ang ulo.

Sa paglapat ng kanyang mga paa sa lupa ay nasa paanan na s'ya ng burol. Doon hinintay n'ya ang paparating na bisita.

Maya-maya lang ay narinig n'ya na ang malalakas na yabag ng pagtakbo ng isang kabayo.

Hindi nagtagal, lumitaw sa paningin n'ya ang batang mangkukulam na nakasakay sa isang kulay pilak na kabayo.

Ang mga bagong rating ay sina Eba Demaloca at ang kabayo n'yang si Sylvester.

"Ate Maria!" Masiglang hiyaw na may kasamang pagkaway na bati ni Eba nang makita n'ya ang naghihintay na diwata.

"Kinagagalak kitang makita, Eba." Bungad ni Maria sa pagbaba ni Eba kay Sylvester.

Holymancer : Unang AklatTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon