Simula

30.2K 726 63
                                    

Simula,

Naaalala mo pa ba ako? Natatandaan mo pa ba kahit pangalan ko? Ang mga panahong napapangiti at nakakausap kita, bumabalik pa rin ba sa ala-ala mo? Kahit ba katiting na imahe ng mukha ko nasasariwa mo pa mula sa nakaraan? Nanunumbalik pa ba ang mga simpleng ngiti at salita na nasabi ko sa iyo noon? Nagugunita mo pa ba ang mga pinagsamahan natin na buhat ng kahapon?

Mukhang hindi na... dahil nakikita kita ngayon, masayang masaya sa piling ng taong bumubuo sa araw mo, nagpapangiti sa iyo ng totoo at nagpapaalala na kahit gaano kahirap ang buhay magagawa mo pa ring mangarap at higit sa lahat... magmahal.

Masaya akong nakikita kang masaya, natutuwa akong nakikita kang kumpleto, ngunit bakit nasasaktan ang puso ko? Marahil ay hindi pa ako nakakalimot sa nakaraan na dulot mo, marahil ay nanatili ako sa kahapon na matagal mo nang iniwan.

Ngunit, kung magkakaroon ako ng lakas ng loob na tanungin ka...

Naaalala mo pa ba? O hindi na?

Ano kaya ang isasagot mo? Ano kaya ang magiging reaksyon mo? Subalit... kung hindi na... Ayos lamang, huwag ka na sana pang bumalik doon. Huwag mo na sana pang gayahin ang aking isipan na ginugunita ang mga nakaraang ala-ala na iyong ibinigay.

Masaya ka na sa kaniya.

Samantalang ako ay masaya na, sa simpleng panunumbalik nang masayang nakaraan sa aking isipan —ang mga kwento ng kahapon na aking pinahahalagahan...

...sa mga lumang pahina ng kahapon kung saan ako pinaka naging masaya dahil ikaw at ako ang magkasama.

* * *

Reminiscence: From Me To YouOpowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz