Pahina 11

4K 138 8
                                    

11:

Tahimik akong nagmamasid sa mga kaklase naming nag-aalma at mukhang dismayadong dismayado. Napabuntong hininga na lamang din ako sa isang tabi, kahit ako ay gusto ding magreklamo gaya nila.

"Isang malaking kadayaan ang nangyari." Narinig ko pa ang tinig noong isa naming kaklase at bakas na bakas doon ang panghihinayang at pagkaasar.

"Nakakainis, Claire." Napalingon din ako kay Yana habang nagbibigay ng hinaing. Kanina pa niya binabanggit ang pangalan namin ni Claire dahil hindi din sila makapaniwala sa nangyari.

Talo kami sa sabayang pagbigkas.

Hindi namin lubos maisip kung bakit nangyari ang bagay na iyon. Iyong ibang pangkat nga sa aming lebel, nagtatakha din kung bakit hindi kami nanalo.

Kampanteng kampante pa naman ang buong seksyon namin na maari naming masungkit kahit ikatlong gantimpala man lamang. Ngunit, lahat iyon ay naglaho noong inanunsyo kanina ang mga nanalo.

"Ang laking kadayaan talaga. Ang sabi noong iba ang ganda daw noong sabayang pagbigkas natin. Pati iyong mga nasa ika-sampung lebel, iyon ang opinyon. Ang gara lamang ng nangyari." Rinig kong hinaing pa noong iba.

Napasimangot na lamang ako. Sa pagkakaalam ko kasi kaya kami hindi napasama ang mga nanalo ay dahil sa aming asal kanina. Tss. Dahil daw doon sa sumigaw ng 'yes' pagkatapos namin sa pagtatanghal. Isa daw napakalaking bawas noon sa puntos namin.

Lalo kaming naasar dahil doon. Hindi lamang naman kami ang nag-ingay kanina. Mas maingay pa nga iyong ibang pangkat kahit may nag-tatanghal sa unahan. Hindi ko na alam ang paniniwalaan ko dahil doon. Nakakadismaya.

"Tayo talaga dapat ang nanalo. Tamo, ang yayabang nung ibang mga nanalo, hindi naman sila nararapat doon." May himig ng paniniwaia na sambit naman ni Claire. Nag-apir pa sila ni Yana dahil doon.

"Ang tahimik mo naman." Pansin nila sa akin. Lihim naman akong napa-irap dahil doon.

"Naiinis din kasi ako. Halos mapaos ako pagkatapos... tss." Maikling pahayag ko at saka humalukipkip. Natawa naman silang dalawa dahil doon. Napansin din siguro nila na mas lumagong ang boses ko kaysa normal.

Patuloy ang kwentuhan at pag-aalma namin, subalit ako ay minsan minsan lamang nasagot, dahil kapag ako ang nagsimulang maglabas ng saloobin, baka magkaroon ng away sa pag-itan ng seksyon namin at noong mga nanalo pati na din sa mga guro.

Masyadong presko din kasi iyong mga nanalo. Ang gagara tsk.

Maya maya dumating na iyong guro namin at pinatahimik kami, hindi siya nagsalita tungkol sa nangyari sa sabayang pagbigkas bagkus sinabihan lamang niya kami na mas pagbutihin namin sa mga susunod na pagtatanghal sa paaralan para masigurado namin ang pagkamit sa mga titulo.

Kahit papaano ay kumalma ang mainit at tensyonado naming mga isipin dahil doon. Dahil hapon na din naman, nag-paalis na din siya.

"Babies!" Napalingon kami ni Claire kay Yana dahil doon. Katabi ko pa din si Claire sa ayos ng upuan namin, si Yana lamang ang nakalayo sa amin. "Tara magmimiryenda, gutom na ako." Dugtong pa niya.

"Ako din! Sa taps tayo." Agad na sagot ni Claire. Sa 'taps' o sa tapat. May kainan kasi sa tapat, karinderya. Masarap naman ang luto doon, at hindi naman mapili itong dalawang kikay na ito pagdating sa pagkain.

"Sama ka ha?" Pagtuon naman ng pansin ni Claire sa akin. Tumango naman ako at saka isinakbit ang aking bag sa likudan ko.

"Sama din ako." Napataas ako ng kilay noong marinig ko ang tinig na iyon. At ang nagmamayari noon ay walang iba kung hindi siya. Hindi ko na siya nilingon pero nakita ko sa gilid ng aking paningin ang paglapit niya kay Yana at tinulungan pa niya itong ayusin ang bag ng kaibigan namin ni Claire.

Reminiscence: From Me To YouWhere stories live. Discover now