Pahina 13

3.2K 123 14
                                    

13:

Presentasyon.

Isa na ata iyan sa pinaka ayaw kong salita sa buhay estudyante ko. Hindi ako sanay umimik sa unahan. Hindi din ako sanay na mag-iimik tungkol sa kung ano man, habang nakatingin ang halos lahat sa akin. Hindi ako iyong tipo na magaling sa salita. Kung tatanungin, isa nga ata ako sa pinakatahimik sa klase.

"Isa ka sa mag-prepresent ngayon, hindi ba?" Napasimangot agad ako dahil sa tanong ni Claire. Handa naman ako ang kaso, ayaw ko lamang talaga. Nakakakaba.

"Ikaw ba?" Balik tanong ko. Tumango naman siya, at biglang naging balisa. "Kinakabahan nga ako." Imik pa niya. Napabuntong hininga na lamang ako. Ang hipoktrita ko naman kung sasabihin ko na kaya niya iyon o kung ano mang mga tatamis na salita, habang nasa sitwasyon ako na kinasusuklaman ko din.

"Saglit, ireview ko lang ulit 'yung irereport ko." Nag-aalinlangang sambit ko kay Claire, tumango naman siya.

Pumunta si Claire kay Yana, napansin kong nag-usap iyong dalawa. Hanga din ako sa dalawang iyon minsan hindi naaapektuhan nang sobra sa ganito. Iyong tipong kinakabahan nga sila pero parang wala lang din. Para bang kapag nandyan na, saka na lang sila mag-aalala kasi wala pa namang nangyayari sa kasalukuyan.

Napabuntong hininga na lamang ako at saka pinagtuunan ng pansin iyong mga notes na ginawa ko. Paulit ko iyong binasa at sinaulado. Ang tanging hiling ko lamang ay huwag akong mataranta sa unahan, dahil paniguradong lahat ng ito ay mawawala sa isip ko.

Habang nakatuon ako nang mabuti sa binabasa ko ay nagsibalikan na sa kani-kaniyang upuan ang mga kaklase ko. Marahil ay parating na din iyong guro namin. Pakiramdam ko kumabog nang malakas ang puso ko.

Ilang saglit lang, pumasok na nga iyong guro namin sa Sibika. Iyong maiingay naming mga kaklase ay naging tahimik na at bumalik na sa kani-kaniyang upuan.

Bumati sa amin iyong guro nang paunang bungad, pagkatapos ay nagsalita siya tungkol sa patakaran at criteria para sa reporting namin. Kinabahan naman ako dahil pang-apat ako sa pupunta sa unahan para magtanghal ng mga impormasyon.

Tahimik din akong humiling na sana habaan pa ni Miss Sibika ang mga sinasabi niya para naman abutin na kami ng hudyat para magpalit ng klase at kinabukasan na lamang ako mag-report.

Bakit ba naman kasi noong nagbunutan kahapon ay nabunot ako? Napakadali talagang kuhanin sa bunutan ang G-2 o girl number 2. Nagsisimula kasi sa "A" ang apelyido ko kaya naman mas lalo akong kawawa kapag alphabetical ang usapan. Ang kaso bunutan na lahat lahat ang nangyari nakuha pa din pangalan ko.

Matapos ang ilang paalala pumunta na sa unahan iyong unang magprepresinta. Nakinig ako nang maayos dahil paniguradong sa dulo ng linggong ito ay may magaganap na maikling pagsusulit.

Tamad akong mag-review kaya naman iyong mga natatandaan ko kapag nakapokus ako sa klase ay iyon ang ginagamit ko para tumaas ang marka ko. Kapag pati nagklaklase ay lagi akong nakikinig at nagsusulat ng mga importanteng bagay dahil hindi kaya ng konsensiya ko na makipagdaldalan kahit kanino, kahit kay Yana o Claire pa.

Seryoso akong nakatingin sa unahan, paminsan minsan ay nararamdaman ko din ang pag-kunot ng noo ko dahil sa pakikinig nang mabuti. Hindi din nagtagal ay natapos iyong una at pinalakpakan namin siya.

Hindi na nag-aksaya ng oras iyong guro at pinapunta agad iyong kasunod sa unahan. Hanggang sa ako na ang mag-prepresinta. Tumayo ako at kinuha ko iyong manila paper para idikit sa black board.

Kaso nag-kaaberya pa. Hindi kasi ako katangkaran kaya naman nahirapan akong abutin iyong medyo taas ng black board. Mabuti na lamang at may tumulong sa akin na kaklase kong lalaki para mailagay iyon.

Reminiscence: From Me To YouTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon