Pahina 8

4.4K 167 6
                                    

8: Masama,

Pinaikot-ikot ko ang lapis na hawak hawak ng kanang kamay ko habang nag-babasa ako noong paksa kung saan magkakaroon ng pagsusulit. Napapakunot noo din ako dahil wala talaga ako sa wisyo upang mag-balik aral, at idagdag mo pa ang ingay noong mga kaklase namin, dahil may meeting iyong mga guro ngayong umaga, kaya't walang nagbabantay sa amin.

Hindi na talaga sila natinag, araw araw na lamang. Hindi ba sila naririndi sa sarili nilang ingay?

Napabuntong hininga na lamang ako, at saka muling binalingan ang inaaral ko. Ngunit, kahit ilang beses ko pang ulit-ulitin ito ay wala talagang pumapasok sa utak ko. Naiinis na ako, kaya't padabog kong sinarhan iyong kwaderno, at saka lumingon sa paligid.

"Claire." Tawag ko sa kaniya, habang nakikipag-kwentuhan kay Alyana sa likudan ko.

"Sabi ko naman sa iyo, huwag ka na mag-aral dyan. Samahan mo na lang kami ni Yana dito." Nakangiti niyang paanyaya, pero napanguso na lamang ako. Wala din kasi ako sa ulirat upang makipagkwentuhan, dahil kung makikisali sa ako sa kanila, panigurado lutang lamang ako at wala ding maiintindihan.

Napa-iling na lamang ako at saka ko kinuha ang cellphone ko at earphones, upang makinig na lamang ng musika, mas maganda iyong pakinggan kaysa iyong walang kwentang tsimis noong mga nandito.

Isinaksak ko na agad iyon sa tainga ko at inilagay sa pinakamalakas na volume. Kahit papaano ay naging magandang ideya iyon dahil mas naririnig ko na iyong mas gusto kong pakinggan. Tumungo na lamang ulit ako sa lamesa at saka marahang pinakinggan ang kanta.

Natutuwa na ako sa pinapakinggan ko at damang dama ko na ito, at laking pagtatakha ko na lamang noong tumigil ito sa pagtunog, senyales na may isang mensahe akong natanggap. Nakasimangot kong binuksan iyong mensahe at agad akong napatingin sa kabilang dako nitong silid.

Tinaasan kita ng kilay dahil sa text na natanggap ko mula sa iyo. Ngumiti ka lamang at saka kumuha nang isang notebook. Napa-iling iling na lamang ako noon ngunit hindi mo iyon pinansin. Tumayo ka sa upuan mo at lumapit sa akin.

Ang sabi mo doon sa text mo, lumabas ako sa corridor at dalhin ko doon ang notebook ko dahil gusto mong magpaturo.

"Tara." Mahinang sambit mo noong makalapit ka sa kinauupuan ko. Hindi ko alam kung bakit ko sinunod iyong sinasabi mo, kahit medyo labag sa loob ko. Sa isang iglap ay naglalakad na ako palabas nitong silid.

Paanong? Tss. Hindi ako sanay na may naguutos sa akin ng ayaw ko at sinusunod ko. Napa-buntong hininga na lamang ako. Paanong napasunod ako nito nang ganoon kadali?

Noong nandoon na tayo sa labas, agad kang umupo at sumandal sa pader. Napasunod naman ako doon at umupo din. Kahit papaano ay mas tahimik dito sa labas, kahit rinig mo pa din iyong ingay.

"Bakit?" Tanong ko agad sa iyo habang nakataas ng kilay.

Agad mo naman akong binigyan ng isang ekspresyon na hindi ko mawari, pagkatapos ay natawa ka. "Tulungan mo akong, mag-aral." Sambit mo na lamang matapos mong tumawa nang marahan. Marahil pinagtawanan mo iyong inasta ko.

"Bakit ko gagawin iyon?" Balik tanong ko naman sa iyo.

"Dahil gwapo ako." Nakangiting pahayag mo at saka mo ako binigyan ng pagkalaki-laking ngiti. Agad naman akong napa-ngiwi dahil doon.

"Baka bumagyo." Pahayag ko.

Natawa ka na lamang sa sinabi ko. Pagkatapos ay nagsimula akong magturo sa iyo. Ganito naman lagi, sanay na akong nagtuturo sa iyo man o kayna Alyana. Sa tuwing may gaganapin na pagsusulit ay lagi tayong mayroong group study.

Samantalang ngayon ay tinatamad iyong dalawa, kaya't ikaw lamang ang nagpapaturo. Habang nagrereview tayo at nagtatanungan. Hindi ko maiwasan mapatitig sa mukha mo. Tss. Daig pa ang kutis ng babae. Masyadong alaga ang balat mo.

Maya maya natahimik tayong dalawa dahil patapos na din naman iyong inaaral natin. Hindi ako nagsalita gaya ng nakasanayan, sanay ka naman na ganoon ako sa araw araw na kasama mo ako at iyong dalawa.

Kadalasan ay hinahayaan mo akong ganoon, ngunit paminsan minsan ay gumagawa ka nang usapan. Samantalang kapag sina Alyana at Claire, hindi pwedeng matatahimik lamang dahil makwento iyong dalawa.

"Anong tingin mo kay Yana?" Tanong mo noong muntik na akong kumawala sa reyalidad dahil sa mga iniisip.

"Hmm?" Patanong na sabi ko at saka tumingin muli sa notebook ko. Muli mong inulit nang marahan iyong tanong mo. Napa-isip ako saglit doon, at saka ako sumagot. Ang sabi ko sa iyo isa isa siyang masiyahin at tunay na kaibigan.

Napangiti ka naman ng matunog dahil doon. Tapos tinanong mo ako kung anong tingin ko sa iyo. Doon ako napakunot noo. Subalit, sinagot ko pa din iyon.

"Ikaw? Isa kang masamang lalaki."

Tandang tanda ko pa noon kung paano mo ako binatukan at inaway nang pabiro dahil sa sinabi ko. Natawa naman ako noon dahil sa reaksyon mo. May ugali ka talaga na hindi naghihintay ng paliwanag.

Babawiin ko na sana iyong sinabi ko ngunit dumating si Alyana at Claire na nagpapaturo na din, kaya't wala akong nagawa kung hindi ipagsawalang bahala na lamang iyong winika ko at turuan sila.

Hindi kinalaunan at dumating na din iyong guro natin, kaya't pinapasok na tayo sa loob.

Nagsimula na din ang klase, at habang nag-tuturo ng leksyon iyong guro ay naramdaman ko na nag-vibrate iyong cellphone ko, kaya't patago ko iyong inilabas. At halos matawa ako noong mabasa ko ang text mo.

From:
Tss. Masamang lalaki? Grabe ka.

Nakalimutan ko, may ugali ka nga din palang isip bata, na napakadalang mong ipakita. Napalingon ako sa kinauupuan mo noon ng pasulyap, at nakita kitang nakatingin sa akin na parang sinasabi na, mag-uusap pa tayo.

Lihim naman kitang nginisian dahil doon.

Tss. Idiot. Naniwala ka naman sa sinabi ko? Ni hindi ko alam kung bakit ko sinabi iyon. Nasabi ko na lamang iyon ng hindi nag-iisip. Bakit nga kaya?

Marahil ay kahit hindi ko alam sa isipan ko ay may pakiramdam ako at nababatid ko, na magiging masama ang dulot mo sa sistema ko.

***

Reminiscence: From Me To YouWhere stories live. Discover now