Pahina 3

7.2K 237 24
                                    

3: Kaibigan,

"Bakit pa kailangan magbihis? Sayang din naman ang porma. Mayroon din namang sisingit, sa tuwing tayo'y magkasama. Bakit pa kailangan ng rosas? Kung marami namang nag-aalay sa'yo? Uupo na lang at aawit, mahihintay ng pagkakataon..."

Literal akong napalunok noong kumanta ka, para bang sa isang iglap ikaw na lamang ang nakikita ng paningin ko. Bagay na bagay sa dating mo tuwing hawak hawak mo ang gitara na tila ba kabiak na ng buhay mo.

Kitang kita ko sa mukha mo ang purong ngiti na tila ba ang ginagawa mo ang isa sa pinakamasayang bagay sa mundo. Mahal na mahal mo ang pagkanta at paggigitara. Hindi iyon maikakaila, dahil nasasaksihan ko ngayon ang kahulugan ng isang matinding kaligayahan.

Karamihan ng nandito sa silid ay sa iyo nakatingin, tahimik sila at ninanamnam ang lamig at nakakahalinang boses mo. Kahit sino sa kanila, hindi mo nilingon, nakatuon lamang ang pansin mo kay Alyana na nasa gilid mo, habang pinagmamasdan ka niyang maigi sa ginagawa mo.

Dumating sa parte iyong kanta kung saan puro musika lamang mula sa gitara ang iyong maririnig, at sa pagkakataong iyon, doon ka tumingin sa mga nanunuod sa iyo. At sa napaka-ikling sandali, pakiramdam ko nagtama nanaman ang paningin nating dalawa.

Hindi ako umiwas ng tingin, bagaman tila kinabahan ako sa pagtatagpo ng mga mata natin. Akala ko ay lalampasan mo din ako, kagaya ng ginawa mo sa iba, ngunit iba nanaman ang iyong ginawa, tumitig ka sa akin, at saka mo sinimulan ang mga kasunod na linya sa iyong kinakanta.

"Idadaan na lang sa gitara..."

Matapos mong bangitin ang mga katagang iyon ay nag-iwas ka na lamang ng tingin at saka ibinaling muli kay Alyana ang iyong pansin, at saka ka ngumiti sa kaniya. Natapos na din iyong kanta at halos palakpakan ka noong mga kaklase natin dahil sa pagpapakita mo ng talento.

Sakto noong matapos iyon, ay biglang pumasok iyong kasunod na guro na magtuturo sa klase. Natahimik na muling lahat, kahit ang iba ay tuloy pa din ang bulungan. Hindi ko na lamang sila pinagtuunan ng pansin at nakinig sa tinatalakay ng guro sa unahan.

Mataman kong pinag-aaralan ang mga itinuturo, laking pasasalamat ko din noong madali kong naintindihan ang mga iyon ng walang kahirap-hirap. Matapos din ang ilang minuto ay nagpagawa na ang guro ng isang aktibidad. Madali ko lamang natapos iyon dahil nakatuon ako kanina sa diskusyon.

May kaunting oras pa ang natitira subalit wala na akong magawa, kaya't napasandal na lamang ako sa likod ng upuan ko, at saka pinagmasdan ang ilan sa mga kaklase natin na tila nahihirapan at nag-aalinlangan sa mga sagot nila. Napailing na lamang ako. Kasalanan din nila, hindi sila nakikinig dahil pagtsitsismisan ang kanilang inuuna.

Napahalukipkip na lamang ako at saka napadako ang mga mata ko sa katabi ko. Hindi nanaman siya gumagawa ng mga gawain. Palagi ko na lamang siyang nakikitang ganito. Minsan natatanaw ko din ang mga puntos niyang pasang awa, hindi ko alam kung anong mayroon sa kaniya, tahimik naman siya at tila nakikinig kapag nagsasalita ang nagtuturo sa unahan, subalit ganito pa din ang resulta ng mga papel niya.

Napalunok pa ako nang bahagya at saka naglakas loob na magsalita. Gusto ko siyang tulungan. Gusto ko siyang tanungin kung bakit ganoon ang nangyayari sa kaniya. Hindi naman masama ang ugali ko, sadyang ilap lang ako sa mga tao.

Noong tanungin ko siya ay agad siyang lumingon sa akin gamit ang punong puno ng pagtatakha niyang mga mata. Akala niya siguro ay ang wirdo ko, dahil sa lampas isang linggo ko siyang katabi ay ngayon ko lamang siya kinausap.

Sinabi niya sa akin na wala siyang naiintindihan sa mga itinuturo sa klase kaya't hindi siya gumagawa ng mga aktibidad. Marahan naman akong natawa sa kaniyang inusal, noong una kasi ay akala ko nakikinig talaga siya, dahil parang tutok na tutok siya sa klase madalas, iyon pala ay lumulutang din ang utak kapag nagsasalita na ang guro namin.

Hindi ko alam kung anong nagtulak sa akin na turuan siya. Marahil siguro ay ayaw ko na may alam nga ako sa mga aralin, hindi naman ako nakakatulong sa iba. Pagmamagandang loob na din siguro sa kaniya, dahil mukhang mabuti naman siyang mag-aaral.

Tuwang tuwa siya matapos ko siyang turuan. Nakakatuwa pa ang sinabi niyang ang dali dali naman daw pala noong paksa, noong ako na ang nagturo. Sumaya naman ang kalooban ko dahil may natulungan ako.

Personal pang nagpakilala si Claire kahit alam ko nanaman ang pangalan niya.

Noong labasan na nagulat na lamang ako noong hilahin na lamang niya ako bigla papunta sa kaibigan niyang si Alyana na nasa likod na bahagi ng silid kasama ang misteryosong lalaki na magaling mag-gitara—kasama ka nanaman ni Alyana.

Nagulat ako sa ginawa ni Claire, lalo noong ipakilala niya ako sa iyo at kay Alyana. Kahit medyo hindi ako mapalagay ay nagpanggap akong walang interes. Tutal normal naman sa mga mata ko ang magbigay ng mga maling pahiwatig. Kahit interesado ako sa mga bagay bagay, wala pa ding reaksyon ang mukha ko, dahil madalang akong magpakita ng ekspresyon.

Medyo nakita ko na nailang si Alyana ngunit pinawi niya ang pagkailang niya at nagpakilala sa akin. Natuwa din siya dahil sa ginawa kong pabor kay Claire. Kahit naman papaano ay ngumiti ako ng tipid at nakipagkilalanlan din.

Noong pagkakataong iyon, hindi man ako sa iyo nakatingin, ramdam na ramdam ko ang matatalas mong mga mata na nakatitig sa akin na para bang hinuhukay noon ang buong pagkatao ko. Ngunit, ipinagsalawang bahala ko na lamang iyon.

Hindi ko akalain na matapos ang hapon na iyon, naging kaibigan ko si Claire at Alyana... pati na din ikaw.

***

Reminiscence: From Me To YouWhere stories live. Discover now