Bola 9

2.2K 133 30
                                    

CHAPTER 9

NAGPATULOY ang laro sa pagitan ng Flamers at Knights. Medyo nag-iba na rin nga ang ihip ng hangin para sa CISA mula nang pumasok si Cunanan. Hindi na lang kasi sila naka-pokus sa opensa ni Romero dahil nagkaroon pa silang isang option para makapuntos. Hindi man nakalamang ang CISA, naidikit naman nila ang score ng laban bago matapos ang 1st quarter.

Nakatulong sa laro ang pag-double team nina Romero at Cunanan sa star player ng SW sa tuwing ito ang magdadala ng bola.

21-25 ang score, at nasa SW pa rin ang kalamangan. May natitira na rin lamang na isang minuto sa quarter na iyon at nasa CISA na ngayon ang possession ng bola. Nang mga sandaling iyon, si Romero na ang nagdala ng bola at dinidepensahan nga siya ni Rio Umali. Halos bantay-sarado siya rito at ayaw palampasin.

"Hindi ko akalaing lilipat ng school ang isang taga-CU," mahinang wika ni Rio habang nasa harapan ang nagdi-dribble na si Romero.

"Mukhang may magiging bagong star player ang CISA ah," dagdag pa nito na biglang nagpaiba ng timpla sa itsura ni Romero.

Sadya ngang may ganitong ugali si Rio sa paglalaro ng basketball, ang pasimpleng asarin ang kalaban. Isa itong mabisang paraan para sa kanya upang mawala sa pokus ang isang player.

"Ako lang ang star player ng team na ito Rio," mahina namang sambit ni Romero na mas sumeryoso ang itsura.

"Panoorin mo ngayon kung paano kita ilalampaso," dagdag pa nga ni Romero at isang biglaang galaw ang kanyang ginawa. Tinalikuran niya si Rio at unti-unting inilapit papunta sa ilalim ng basket.

Pinopostehan niya si Umali! Ang mga manonood naman ay agad na napa-cheer sa kanilang player na si Rio.

Doon na rin nagsimulang umikot ang mga players ng CISA sa kanilang side. Binigyan nga nila ng espasyo si Romero at pinagbigyan nila ang isolation play na plano nito.

Nilabanan naman ni Rio ang pwersa ni Romero. Mas tinigasan niya ang kanyang mga binti para hindi mapaatras at matalo nito.

"Pasa!" sigaw naman ni Cunanan na makikitang nakalusot mula sa bumabantay rito. Ngunit hindi iyon pinansin ni Romero. Bagkus ay isang mabilis na dribbling na sinundan ng pag-atras sa katawan ni Rio patungo sa defender ang ginawa ng ace player ng CISA. Kasunod noon ay biglang humarap siya at tumalon palayo habang nasa porma ng pagtira. Sandaling nabigla naman si Rio sa mga nangyaring iyon.

Ang mga manonood ay nabigla sa nakita. Isang fade-away jumper! Ang ganda rin ng porma ng tirang iyon. Napatalon din nga si Rio upang i-block iyon ngunit ang laki na ng agwat ng kamay nito mula sa bola.

Binitawan nga ni Romero ang isang pambihirang jumpshot na iyon na tila sa TV lang napapanood ng mga nandoon.

"Pagmasdan mo ang galing ko Rio!" sambit pa ni Romero na napaupo na lang matapos lumapag sa court. Si Rio naman ay napatingin na lang sa bola na dumidiretso sa basket.

Napatayo nga kaagad ang mga nasa bench ng CISA nang pumasok sa ring ang bola. Wala iyong kasabit-sabit at lumikha pa ito ng napakagandang tunog nang mahalit ang net.

Swishh!

Isang malakas na hiyaw nga rin mula sa CISA bench ang nagpabalik sa reyalidad sa lahat ng mga manonood. May ilang mga taga-SW din kasi ang napabilib sa ginawang iyon ni Romero.

"A-ang galing..." bulalas naman ni Ricky na nanginginig ang kamay matapos makita iyon. Hindi siya makapaniwala na papakitaan sila ni Romero ng ganoong tira. Maging ang mga taga-SW ay namangha rin doon.

Si Rio naman ay napangisi na lang.

"Gusto mo talaga ng laban?" sabi nito sa sarili at pagkatapos ay iniayos ang nagulo niyang buhok. Doon ay halatang mas naging seryoso lalo ang itsura nito.

KINBEN I (Basketball Story) - CompletedWhere stories live. Discover now