Bola 85

1.5K 179 23
                                    

KINALAMPAG ng lahat ng mga manonood na sumusuporta sa CISA Flamers ang buong coliseum nang pumasok ang tres ni Romero. Sa kabila naman noon ay kalmadong ipinasa ni Williams ang bola papunta kay Troy Agoncillo.

"Masyado pang maaga bago mag-celebrate," wika ni Troy na biglang dinipensahan ni Kier. Doon na nga napatingin sa mga kasamahan niya ang point guard ng DWCC.

"Full-court press," sambit ni Troy na maingat na pinatalbog ang bola. Si Kier naman ay naging madikit kaagad ang ginawang depensa upang mapilitang mas maging maingat ang kanyang binabantayan.

Alam ni coach Erik na may kakayahan ang DWCC na tumira ng tres sa malayo at ang nakikita niyang paraan ang ganitong pangyayari ay ang depensahan kaagad ang mga ito pagkapasa pa lang ng inbound pass.

"Pero kaya ba ninyo kaming sabayan? CISA Flamers?" mahinang sinabi ni Troy na biglang tumalikod na sinundan ng isang biglaang pagharap kay Kier.

Isang malaking hakbang gamit ang kanang paa nito. Isang mabilis na pagpapatalbog ng bola gamit ang kanang kamay. Sa kaliwa siya ni Kier dumaan at ginamit niya ang kanyang height advantage upang malampasan ito.

Isang pasimple ring pagsagi ng kanyang katawan sa kanyang defender ang kanyang ginawa. Napaatras si Kier dahil doon ngunit ang isa sa mga paa niya ay mabilis na sinuportahan ang kanyang pag-atras at biglaang napahabol kay Troy sapagkat nagkaroon siya ng buwelo.

Hinarangan niya si Troy na kakalampas pa lamang sa half-court line.

"Nice defense--" sambit ni Troy na biglang binabaan ang dribbling at yumuko nang bahagya. Sinalubong niya si Kier na nakaabang sa kanya nang mga sandaling iyon.

Sa paglapit ni Troy kay Kier ay siyang pag-iba sa direksyon ng kanyang dribbling. Mabilis niya iyong pinalipat sa kanyang kanang kamay sa pamamagitan ng pagpapadaan nito sa kanyang likuran. Isang biglaang pagtakbo sa kanan ni Kier ang kanyang ginawa.

Napakabilis ng drive na iyon na nagdala sa dalawa palapit sa basket.

Tumutunog din ang ilalim ng kanilang sapatos sa makintab na sahig ng court na sinasabayan ang malakas na cheer ng crowd.

Si Williams ay biglang lumayo sa ilalim ng basket nang mga sandaling iyon. Ganoon nga rin si Comia. Tila pinag-iisip ng dalawa ang kanilang mga bantay kung tutulungan ba nila si Kier sa pagbabantay kay Troy o hindi.

Si Trey naman ay umiikot lamang sa labas habang si Xi ay ganoon din na tila humahanap ng tiyempo para mapasahan.

Si Coach Rhodora naman ay napangisi nang mga sandaling iyon.

"Don't rely on your outside shooting. CISA's main weakness was their height-- so, I want you to focus on scoring inside. If the ball rolls out--" napatingin pa si Coach Rhodora kina Comia at Williams.

"Get the offensive rebound. We'll definitely win the rebounding battle in this game!"

Napangisi si Troy sa paglapit niya sa basket. Bigla siyang huminto dahilan upang mapahinto si Kier. Doon na nga biglang sumeryoso si Troy Agoncillo-- isang biglaang paghakbang pakaliwa ang ginawa nito habang hawak-hawak ang bola.

Si Kier, mabilis na napatingin dito, ngunit nasa ere na si Troy na kasalukuyan nang ilalagay ang bola sa basket. Pero naging mabilis si Rodel sa pagresponde sa gagawing iyon ng kalaban.

Tumalon si Rodel at sinabayan si Troy Agoncillo.

Pagkakita ni Troy sa ginawang iyon ni Zalameda ay gumuhit ang isang biglaang pagngiti sa labi nito. Si Kier naman ay naalarma nang mapansin iyon, mula sa likuran ng dalawang nasa ere ay ang biglaang paglitaw ng higanteng si Williams.

KINBEN I (Basketball Story) - CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon