Bola 53

1.8K 244 44
                                    

CHAPTER 53

HAWAK na muli ni Rommel ang bola. Hindi nga niya nagustuhan ang mga nangyari sa nakaraang possession nila rito. Natirahan siya nang harapan at pagkatapos ay nagawa pang i-block ang kanyag tira. Lahat din iyon ay ginawa sa kanya ng kuya niya. Napatingin nga kaagad siya sa pwestuhan ng bawat kakampi niya. Ganoon pa rin, walang nagbago.

Dito nga ay nagsimula na siyang gumalaw para lituhin ang defender niyang si Mendez, ngunit bago pa man iyon ay bigla na lang naglaho mula sa kanya ang bola. Napatingin na lang siya kay Mendez na biglaan siyang nilampasan.

Isang steal mula kay Ricky ang nagpatahimik sa home crowd. Kasunod din noon ay ang mabilis na pagtakbo nina Kier at Macky para suportahan ito. Ang CU team ay naging mabilis din naman sa pagdepensa. Kaso, medyo lamang ang unang tatlong players ng CISA sa pwestuhan dahil mabilis din ang mga ito.

Si Rommel nga ay hahabulin pa sana si Mendez ngunit bigla siyang bumangga sa katawan ng isa pang CISA player. Binigyan nga ni Reynan ng help-screen si Ricky upang hindi ito kaagad maabutan ng kanyang kapatid.

Seryoso ngang pinagmasdan ni Ricky ang basket. Nakasunod din nga sa kanya sina Macky at Kier na sinusundan ng mga taga-CU.

Alam din ni Ricky na walang bumabantay sa kanya, kaya naisip na rin niyang oras na raw siguro para pumuntos siya. Doon nga ay tumalon na siya at kalmadong ginawa ang isang malinis na lay-up.

20-38 ang naging score matapos iyon, dahil din doon kaya ang crowd ng CISA supporters ay bahagyang nag-ingay. Alam naman nilang malaki pa rin ang lamang ng CU pero hindi pa rin sila nawawalan ng pag-asa lalo't hindi pa natatapos ang oras.

Pagkatapos nga noon ay mabilis na nagsibalikan ang team ng CISA para sa kanilang depensa na lalong ikina-ingay ng mga supporters nila.

"Nice lay-up, marunong ka na," winika pa ni Reynan kay Ricky bago ito tuluyang pumwesto sa ilalim ng basket.

"Nagkataon lang na walang bantay Captain," nangingiting winika naman ni Ricky, dahilan upang mapatapik sa balikat niya si Reynan.

"Mabuti't bumalik na ang pokus mo..." Huli pa ngang nasabi ni Reynan nang mga oras na iyon.

Nasa kamay naman muli ni Rommel ang bola, pinakalma nga niya ang sarili dahil sa mga nangyayari. Naisip nga niyang masyado raw siyang na-frustrate sa ginawa ng kanyang kuya. Kung iisipin niya iyon, ay baka raw maapektuhan ang buong team, kaya bago pa man mangyari iyon... Kailangan na raw niyang ayusin ang kanyang laro kagaya kanina.

Muli na naman ngang nagulat ang crowd nang biglaang tapikin ni Ricky ang bola mula sa kamay ni Rommel. Seryosong dinampot kaagad iyon ni Mendez at isa lang ang nasa isip niya nang sandaling iyon, sa pagdepensa raw ay dapat advanced siyang mag-isip. Isa pa, alam niyang bawat point guard ay nag-iisip muna ng gagawin bago gumawa ng play. Naisip nga niyang iyon ang advantage niya kay Rommel. Bilang isang magaling na defender, ay kailangan daw niyang unahan ito bago gawin ang iniisip nito.

Napangiti na lang si Reynan nang makita iyon. Alam niyang magaling si Rommel, pero habang dumarami raw ang nagagawa ni Ricky, ay unti-unti rin daw na mag-i-improve ang abilidad nito. Kilala niya si Ricky bilang isang magaling na defender, kaya alam niyang habang tumatagal, ang instinct nito sa pag-agaw ng bola ay mas magiging accurate... Hanggang sa ang bawat depensahan nito ay magugulat na lamang na wala na pala sa kanilang mga palad ang iniingatan nilang bola.

"Bilang magaling na defender, dapat magkaroon ang team ng opensa..." sambit din ni Reynan sa sarili. Napangisi na lang siya dahil magmula nang sumali si Ricky sa team at matapos niyang mapanood ang pagtatyaga nito, ay doon na rin siya nagsimulang palakasin ang sarili.

Palagi siyang tumatakbo ng ilang kilometro sa umaga bago pumasok, naisip niya kasing kadalasan kapag center ang position, ay sila ang pinakamabagal sa court. Isa pa, may height din kasi siyang pwede sa guard position, kaya tama lang daw na mas maging mabilis siya. Dahil din doon, kaya pinalakas ni Reynan ang mga binti niya. Walang nakakapansin ng kanyang improvement dahil sa bawat laro nila ay bibihira naman siyang mapansin ng crowd dahil sa mga scorers na kasama niya. Pero naisip niya... na siguro ay oras na raw para ipakita rin niya ang kanyang mga natutunan sa CISA sa pagpasok niya rito, sa varsity team. Kasama na rin nga ang improvements na nagawa niya sa paglalaro.

KINBEN I (Basketball Story) - CompletedWhere stories live. Discover now