Bola 84

1.3K 189 49
                                    

SA PAGPASOK ni Ricky sa loob ng court ay siyang pag-ingay ng mga manonood na hinihintay siya. Sa nakalipas na mga performance ni Ricky sa regular games ng CBL-- may mga manonood na humanga sa kanyang ipinakita. Sino ba naman ang hindi hahangaan ang isang player na kahit magkandasugat o magkaroon ng galos ay hindi nag-aalinlangang habulin ang bola? Matangkad man o kahit ang pinakamagaling na player ng koponan ay walang takot nitong binabantayan.

"Idol! Ricky Mendez!" Bulalas ng ilan sa mga taga-CISA.

"Galingan mo Mendez! Ikaw ang dahilan kaya kami nanood kahit laglag na ang school namin!" Sigaw naman ng mga taga-ibang paaralan.

Tumakbo si Ricky sa pila ng kanyang koponan. Ipinagtinginan na siya ng mga kalabang team at tila isa siyang kaaway na dapat supilin nang mga oras na iyon. Napapangiti na lang ang binata sa pagdating nito sa mga kasama. Hindi pa rin siya sanay sa ganitong pakiramdam. Hindi siya sanay na may mga sumisigaw ng kanyang pangalan. Hindi siya sanay na may nagsasabing magaling siyang maglaro.

"Masanay ka na Mendez! Hindi ka na lang isang normal na player sa team natin. Kilala ka na! Sikat ka na!" Nakangiting winika ni Reynan dito na nagawa pang akbayan.

"Dapat na nga siguro akong masanay captain-- Ganito na ako ngayon," sabi ni Ricky na pinagmasdan ang loob ng court. Ibang-iba ang atmospera rito kumpara sa school gymnasiums. Sa loob nito, nakakakaban, nakaka-excite. Mapapanood siya ng marami at maging sa telebisyon ay ganoon din.

Papanoorin daw siya ng kanyang mga magulang sa bahay.

Huminga nang malalim si Ricky at kinalma ang sarili. Iginalaw-galaw niya ang kanyang paa at pinakiramdaman ang bagong suot niyang sapatos. Nang mga oras na iyon-- ang isip ni Ricky ay nasa basketball na lamang. Kung ano ang mga nangyari sa kanya sa labas nito ay kakalimutan niya raw muna.

"Maglalaro ako para sa sarili ko-- maglalaro ako dahil gusto kong manalo."

"Maglalaro ako dahil gusto ko ang larong ito!"

Kinuyom ni Ricky ang kanyang kamao at pagkatapos ay tumingin sa malayo.

Bago magsimula ang unang game ay nagpakitang-gilas muna ang mga cheering squads ng apat na school. Sinamahan din iyon ng opisyal na pagpapasimula nina Mayor at Governor ng Final 4 semis ng CBL.

Nag-ingay nga ang buong crowd nang sinabing magkakaroon ng 500 000 pesos ang magkakampeon. Mula kay Gov at sa Mayor, sa kabuuan ay bukod sa aktwal na panalo ay makakakuha ng isang milyon ang school at ang mga players ng mananalong koponan.

Napangisi ang mga taga-CISA nang marinig iyon. Napakagandang premyo noon. Hindi lang iyon basta panalo-- isang maliwanag na pera iyon para sa kanila at sa kanilang maliit na paaralan.

Nang matapos iyon ay pinag-warm-up na ang unang koponang maglalaban. Pumunta na sa kani-kanilang bench ang DWCC at CISA. Ang CU at SA naman ay nasa magkabilang gilid ng court para panoorin ang unang larong hindi rin nila pwedeng palampasin.

Nagsipagtanggal na nga ng varsity jacket ang magkabilang team. Si Ricky, nararamdaman ang kalamigan sa paligid, ito ay dahil maganda ang ventellation ng pasilidad. Isa pa, napakakintab ng sahig sa loob ng court. Nakikita lang niya ito sa TV at sa CU at DWCC. Ito ang tipo ng court na talagang tutunog ang sapatos ng sinumang naglalaro rito.

"Ricky!" Tawag ni Coach Erik sa binata na kasalukuyang tumatalon-talon.

"Yes po coach?" Ani ni Ricky.

"Hindi ka starting five... Gusto kong maging 6th man ka sa larong ito. Okay lang ba?" Wika ni Coach Erik at si Ricky naman ay mabilis na umayon sa gusto nito.

"Good!" Nakangiting wika ni Coach Erik. Nakikita rin niyang handang-handa na si Mendez para sa game na ito. Hindi niya ito makitaan ng kaba. Ibang-iba ito kaysa noon. Tila nasanay na ang binata sa paglalaro sa harap ng maraming tao at para sa kanya ay maganda iyon dahil may kompyansa ito.

KINBEN I (Basketball Story) - CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon