Bola 73

1.9K 230 51
                                    

LINGGO, tatlong araw bago ang laban ng CISA sa SA, masayang-masaya si Coach Erik dahil sa tagal na niyang coach ng varsity team ay ngayon lang siya nakaabot sa Final 4. Kahit matalo sila sa huli nilang laro ay sigurado na sila sa 4th spot.

Sandaling napatingin si Coach Erik sa may labas mula sa bintana ng kanyang kwarto sa apartment na kanyang inuupahan sa bayan. Naalala niya nang magsimula siyang mag-coach ng CISA. Sa simula ay palaging nakikita niya ang pagpupursige ng kanyang mga players, ngunit pagdating sa CBL-- naglalaho iyon dahil sa katotohanang sila ay nanatiling winless team.

May mga magagaling siyang players dati na lumilipat ng ibang school, at mayroon din na bigla na lang nagba-back-out dahil sa reputasyon ng school pagdating sa CBL. Tuwing pumupunta siya sa ibang school ay nakaakibat na sa kanya ang makarinig ng mga salita sa kanyang koponan. Hindi man niya marinig, alam niyang kinukutya palagi ang kanyang team ng iba. Pinagtatawanan sila ng mga estudyante at minamaliit ng ibang team.

Lumilipas ang mga taon na nasasanay na lang siyang marinig iyon at maramdaman. Tila naging normal na lang sa kanya ang mga pagkatalo ng varsity team. Magko-coach lang siya at hindi na aasa na mananalo. Nakikita niya sa kanyang mga players na naglalaro lang ito para sa extra points sa grades at maka-discount sa tuition. Iyong iba, alam din niyang para magpasikat lang at makatakas sa klase.

Sandaling nag-iba ang kanyang paniniwala na baka may pag-asa pa na makaranas siya ng panalo. Nang makita nga niya ang mga first year na sina Reynan, Macky at Benjo Gado ay may katiting na pag-asa siyang nakita-- subalit nawala rin iyon dahil hindi kaya ng iilan na ibahin ang atmospera sa koponan. Talunan! Ito ang mentality ng majority sa kanyang koponan kaya tuwing may laro sila ay natatalo sila.

After sana ng season na ito ay magre-resign na siya sa pagiging coach ng varsity team. Nakaramdam na siya na hindi na siya masaya sa mga nangyayari sa team. Naisip niyang tumigil na lalo't ga-graduate na sina Reynan at Macky. Isa pa, wala siyang nakikitang papalit sa mga ito kapag nawala na ang dalawa.

Si Reynan, alam niyang palaging ibinubuhos ang galing sa loob ng tatlong taon nitong paglalaro. Kahit matalo ay nakangiti pa rin nitong pinapalakas ang kompyansa ng kanyang mga kasama.

Si Macky, simula pa lang ay alam niyang magaling. Pero hindi sapat na may isang Macky Romero sa CISA na palaging pupuntos. Ang wala sa kanyang team, isa pang player na tutulong dito. Isa pa, walang depensa ang kanilang team.

Kahit isang panalo lang! Ito ang nasa isip niya nang pumasok na ang panibagong season ng CBL, ang iniisip niyang huling taon niya sa pagiging coach.

Nang makita niya si Kier Cunanan ay nakaramdam siya ng kaunting saya dahil may magaling na player na maiiwan sa CISA at pagkatapos noon ay bahala na ang papalit sa kanya na mag-handle dito.

Nang try-out na iyon, nang magpakilala ang limang players na gustong sumali sa kanyang team ay si Cunanan ang sure niyang mapipili niya.

Isa pa, nagulat siya nang sumali si Ricky Mendez. Kilala niya ito dahil naging estudyante niya ito noong first year. Matalino ito at Dean lister.

Palagi niya itong nakikitang pumupunta sa library. Masipag mag-aral at hanga siya sa ganoong klase ng mag-aaral. Ang hindi lang niya maisip ay kung bakit ito nag-try out.

Pero hindi niya inisip na mapipili niya ito dahil wala sa itsura nito ang maglaro. Kumbaga para sa kanya ay isa lang itong partisipante nang araw na iyon.

Napangiti si Erik nang mga sandaling iyon. Kinuha na niya ang kanyang kapeng nasa ibabaw ng kanyang mesa at uminom. Sinong mag-aakala na dahil sa Mendez na iyon ay mapapaiyak siya nang manalo sila sa una nilang game sa CBL?

Masaya siyang nanalo at nakita niya ang saya ng kanyang team nang talunin nila ang CLCC. Sa kanyang pag-uwi nang araw na iyon, sa pagpasok niya at pagsara sa pintuan ng kanyang apartment-- tumulo ang kanyang luha sa saya.

KINBEN I (Basketball Story) - CompletedWhere stories live. Discover now