Bola 33

2.4K 213 35
                                    

CHAPTER 33

NAPAHINGA nang maluwag si Ricky nang makaupo na sila ni Andrea sa may gilid ng gymnasium sa CCC dahil ang dami ng manonood sa loob. Halos puno na nga at maswerte silang may nakita pa silang bakante. Sa pinaka-itaas na baitang nga silang dalawa napapwesto. Ayos na rin daw doon dahil kitang-kita nila ang buong court.

Maingay, maraming sumisigaw at maraming nagtitilian. Ito ang atmospera sa loob ng gym nang mga sandaling iyon. Isama pa nga ang mga masasayang kalalakihang nanonood sa mga naggagandahang cheerdancers ng City College of Calapan.

Samantala, si Andrea naman ay mabilis na kinuha ang kanyang bolpen at notebook mula sa dala niyang bag. Sandali rin nga siyang sumulyap kay Ricky na kasalukuyan namang iniiikot ang tingin sa buong gym ng school. Doon na nga siya pasimpleng nagpapuslit ng pabango sa kanyang leeg at ibaba ng kanyang kamay. Kasunod din noon ay bilisan niyang itinago ang pabango sa loob ng bag niya na tila ba walang nangyari.

Napatingin naman nga si Ricky sa bench ng CU at doon ay may isang tao siyang namukhaan. Nasa likuran nga ito ni Ibañez, at si Mika iyon. Napangiti na nga lang siya nang pilit dahil doon. Naalala nga niya bigla ang pagtatapat niya kahapon dito at medyo masakit pa rin 'yon. Pinilit niya na nga lang na maging okay kahapon nang makita niya ang masayang ngiti ng kanyang mga ka-team nang puntahan siya ng mga ito.

Si Andrea naman nga ay napasulyap pa kay Ricky at napansin niyang nag-iba ang timpla ng binata. Doon nga ay hinanap niya ang tinitingnan nito at nakita nga niya iyon.

Tumikhim nga si Andrea at tinapik ang balikat ni Ricky.

"Ricky... Panoorin mong mabuti ang laro ng CCC at CU. Pag-aralan mo kung paano ang galawan nila," wika ni Andrea, dahilan para si Ricky ay mapaayos ng upo at napatingin sa mga nagpa-praktis sa loob ng court.

Dito na nga ipinakilala ni Andrea ang ilan sa magaling na players ng City College of Calapan.

Si Marcus Perez, ang Center na may number 4 sa likod ng jersey, at may taas na 6'9. Matangkad itong player, malakas kumuha ng rebound, malakas ding dumipensa at ang pinakadelikado sa isang ito... ay may outside shooting ang player na ito kahit sa ilalim ang trabaho. Isa nga ito sa sinasabing malakas na katapat ni Marwill Rojas na starting Center ng CU.

Si Marwill Rojas, 7'0 ang height at isang malakas at malaking center na nangunguna sa pagkuha ng rebounds at blocks sa CBL. Malakas itong dumipensa at isa sa big 3 ng CU. Kahit naman walang outside shooting ang isang ito ay hindi matatawaran ang lakas nito sa ilalim ng ring.

Isa rin nga sa ipinakilala ni Andrea na malakas na player ng CCC ay si Arman Zuñiga (#21), ang Small Forward ng team. All-around naman ang laro nito at may mga laro nga ito na kung saa'y nakakagawa ng triple-double. May passing ability at shooting ability din ito. Hindi rin nga matatawaran ang galing nito sa pagnanakaw ng rebound sa ilang pagkakataon.

Ang isa pa ngang magaling sa CCC team ay ang pure Point Guard na si Mark Rey Binay (#3). Madalas na nakakagawa ito ng maraming assists at siya ang number 1 sa CBL sa pagkakaroon nito. Bihira lang itong pumuntos dahil madalas ay gumagawa siya ng plays para sa mga kasama niya. Kung may offensive game lang daw ito, ay baka may kakompetensya na si Rommel Alfante sa pagiging pinakamagaling na Point Guard sa CBL.

"Sino ang babantayan mo sa CCC kapag nagkaharap kayo?" tanong nga ni Andrea matapos niyang ipakilala ang key players sa kalaban ng CU.

Napatingin naman si Ricky sa mga players na sinabi ni Andrea. Wala pa nga siyang ideya. Magkaka-ideya pa lang daw siya kapag napanood na niya kung paano lumaro ang mga ito.

"Hihintayin ko munang matapos ang game," sagot ni Ricky at doon na nga tumunog ang buzzer. Hudyat iyon na magsisimula na ang game.

Doon na nga rin lumakas ang cheer ng mga supporters ng home team. Kanya-kanya na rin ng paghampas sa mga dalang tambol ang ilan, mula sa iba't ibang lugar sa loob ng gym. Tila nga wala rin munang klase sa oras na ito ang CCC dahil halatang full support ang lahat para sa koponan nila.

KINBEN I (Basketball Story) - CompletedWhere stories live. Discover now