Bola 11

2.3K 151 22
                                    

CHAPTER 11

NANGINGINIG na ang mga binti ni Ricky dahil sa pagod matapos niyang makabalik ng bench. Pakiramdam nga niya ay hindi na niya kayang maglaro muli. Napansin nga rin iyon ni Coach Erik at batid nga talaga niyang baguhan talaga ang kanyang player na ito. Tama ang narinig niya rito na ni minsan ay hindi pa ito naglaro ng basketball bago sumali rito. Halata rin naman iyon sa estilo ni Mendez, pero ang nagpahanga kay Coach Erik ay ang kakaibang determinasyon nito na maglaro na para bang mas daig pa nito ang kanyang mga regular na players. Wala siyang ideya sa pinagmumulan noon, pero, isa lang ang alam niya. Dahil kay Ricky, ay tila nagkaroon ng kaunting pag-asa na manalo sila sa game na ito.

Kahit nga practice game lang ito, gusto ni Coach Erik na makitang pursigido ang kanyang mga players. Isa pa, ang ginawa ni Romero na pagsampal nito sa sarili ay parang isang bagay na sa tingin niya ay nagpagising dito.

"Mendez! Magpahinga ka muna... ako muna ang magbabantay kay Rio!" seryosong sinabi si Macky Romero na ikinagulat ng kanyang mga kasama. Ni minsan kasi ay walang naging pakialam ang kanilang ace player sa mga kakampi nito. Kahit nga si Alfante, na kanilang team captain ay hindi nakarinig ng ganoong klaseng mga salita mula rito.

"Tama Ricky! Magpahinga ka muna! Magaling ang ginawa mo... Hindi ako nagsising ipinasok ko ang tulad mo sa team na ito," dagdag pa ng kanilang coach. Ang ilan nga sa mga players nila ay hindi maisip kung ano ang magandang ginawa ni Ricky. Iyon ay sa kadahilanang nasa isip na nilang sila ay matatalo.

"Romero... kaya mo bang bantayan si Rio? Hindi ko sinasabing mas magaling ang Mendez na ito pagdating sa depensa kumpara sa iyo... pero--" biglang winika ni Cunanan na may konting pagngisi pa matapos tingnan si Romero.

Doon nga ay ngumiti naman na tila may ibig-sabihin si Romero at nagbanat din siya ng mga hita at bisig.

"Kung makalusot siya sa akin... nandiyan ka naman, hindi ba? Mr. Back-up?" sagot ni Romero at sandaling nagtitigan ang dalawa. Tila ba may masamang mangyayari pero sa hindi inaasahang pagkakataon ay wala ng sinabing mapang-asar si Cunanan para rito.

"Hayaan mo, papalitan kita sa position mo kapag dumating na ang CBL." Halata ngang hindi pa pagod si Cunanan na dinampot pa ang bola na dala nila at nag-practice dribbling pa sa bench.

"Ngayong second half, gusto kong makita sa inyo ang depensa na ginawa ng player nating si Ricky!" wika ni Coach sa kanyang mga players. Karamihan nga sa mga ito ay napaismid na lang dahil hindi nila nakikita ang ginawa ng baguhang si Mendez.

Alam din nilang hindi nila magagawa iyon. Halos iilan lang kasi sa mga players ng CISA ang handang mabugbog o mapagod nang sobra sa laro. Karamihan sa mga nasa team ay sumali lang upang makatakas sa klase. May ilang para lang maging sikat. May ilan ding sumali lang dahil marunong silang maglaro.

Nasa CISA sila, at para sa kanila ay hindi nila kailangang manalo! Ang makapaglaro lang ay sapat na para masabing isa silang team. Ito nga ang dahilan kung bakit kulelat ang kanilang team. Iyon ay dahil iilan lang sa team nila ang gustong manalo.

"Tama si Coach! Kaya nating talunin ang SW. Kahit practice game lang ito-- Talunin natin sila," seryosong wika pa ni Alfante at malambot na "Yes captain!" ang isinagot ng kanyang mga kasama.

"Asa pa kayo CISA!" May napasigaw pa ngang ilang mga manonood dahil medyo may kalakasan ang sinabing iyon ni Alfante. Pinagtawanan tuloy sila dahil doon.

"Asa pang manalo kayo!"

"Oo nga!"

Normal na ang mga ganitong bagay sa bawat laro, lalo't nasa court sila ng kalaban.

Napakuyom na nga lang ng kamao si Alfante. Ramdam niyang walang determinasyon ang kanyang mga kakampi. Tanging si Romero, Alfante at Mendez lang ang nakikita niyang may kagustuhang manalo at seryosohin ang ganitong game. Subalit para sa kanya ay sapat na iyon para magkaroon ng kaunting pag-asa ang kanilang koponan.

KINBEN I (Basketball Story) - CompletedWhere stories live. Discover now