Bola 68

2.1K 267 56
                                    

NAPATINGIN si Rio sa natitirang oras. 90-73 ang score at may natitira pang anim na minuto bago matapos ang laro. Napakuyom na lang nga siya ng kamao at inakbayan si Kurt Asinas.

"Hindi pa tayo talo..." seryosong sinabi ni Rio.

Ngumisi naman si Asinas.

"Hindi pa... hangga't hindi tumutunog ang buzzer, may pag-asa pa," wika ni Kurt habang nakatingin sa team ng CISA.

Si Rio, kumalma para makapag-pokus. Ibang-iba na nga ang CISA. Ibang-iba na kumpara sa CISA na madalas na pinagtatawanan nila noon.

"May karapatan na kayong pagtawanan ang mga team na tinalo ninyo... Ang mga teams na dati'y tinatawanan kayo..." wika ni Rio sa sarili at humanda na para sa kanilang possession.

Sinambot ni Asinas ang bola mula sa inbound ni Aquino. Pagkatapos noon ay seryoso niyang pinagmasdan ang pwestuhan ng bawat isa. Kailangan nilang pumuntos nang mabilis para makahabol.

Sa pagkakataong ito, wala siyang pakialam kung sino man ang player na ipasok ng CISA. Ayaw niyang maliitin ang bawat isa sa mga ito.

Mabilis nga siyang dinikitan ni Mendez na tila naging agresibo. Mas naging maiingat si Asinas na napapaatras sa pagdadala ng bola.

"Ang higpit ng depensa nila..." sabi nito at tiningnan si Rio kung nasaan. Nakita niyang tumatakbo ito at pinipilit takasan si Sy na ayaw itong iwanan.

"Masyadong makulit ang defender niyang iyon..." sabi niya kaso biglang nakaramdam siya na parang papalapit sa bola ang kamay ni Mendez kaya napaatras na naman siya.

Hindi ito maganda, wala siyang mapasahan ng bola. Napatingin siya kay Aquino at nagkaintindihan sila.

Binigyan ni Aquino ng screen si Asinas. Bumangga si Mendez sa katawan ng center ng SW at walang ibang paraan si Reynan kundi si Asinas ang bantayan.

Si Ricky, tila alam ang binabalak ni Asinas. Napansin niya ang mabilis na pagtakbo ni Aquino patungo sa basket.

Isa itong pick-en-roll play.

Naiwanan si Ricky ni Aquino at doon nga ay mabilis na ipinasa ni Asinas ng bola rito. Sinubukan pang habulin ni Mendez ito pero huli na rin.

Muling kinalampag ng SW crowd ang buong lugar nang maipasok ni Aquino ang isang lay-up.

90-75.

Napatingin naman si Ricky sa oras. Naisip niyang mas mabuting bagalan lang nila ang play para unti-unting lumiit ang chance ng kalabang makahabol.

Pagkasambot ni Ricky sa bola ay bahagya siyang nagulat dahil nakatayo kaagad sa harapan niya sina Asinas at Umali. Ang home crowd nga ay bigay-todo na sa pagsigaw para sa kanilang koponan.

Napahawak nang mahigpit si Ricky sa bola dahil maagawan siya. Napatingin siya sa paligid at bantay-sarado rin ang mga kasamahan niya. Isa itong Full-court Press defense.

Si Benjo, napatakbo para hingiin ang bola, pero masyadong madikit sina Rio at Kurt kaya nahihirapan siyang magpasa. Napangisi na lang nga si Ricky, ganito pala ang mapagdalawahan ng kalaban. Napakahirap lusutan kapag hindi napaghandaan.

Si Reynan tumakbo para lapitan si Mendez pero nakadikit sa kanya si Aquino. Isa pa, pinipilit nang abutin nina Rio at Kurt ang bola mula sa kamay ng binata.

Nauubos na rin ang walong segundo na kailangan para maitawid sa side nila ang bola.

Napatigil na lang ang mga nasa loob ng court nang tumunog na nga ang silbato ng referee. Tinawagan ang CISA ng 8-second violation.

Hindi naitawid ni Ricky ang bola sa loob g walong segundo kaya awtomatikong babalik sa SW ang bola.

Nakangiting nag-apiran sina Rio at Kurt matapos iyon. Si Ricky, napabuntong-hininga na nga lang at nilapitan ito ni Reynan.

KINBEN I (Basketball Story) - CompletedWhere stories live. Discover now