Bola 64

1.7K 231 63
                                    

NATAPOS ang unang quarter ng laro sa score na parehong 25. Ang mainit na suporta ng home crowd sa SW ay hindi matinag ng ilang taga-suporta ng CISA. Magkaganoon man, nanatiling solid ang maliit na crowd ng CISA para sa mga manlalaro nila.

Kapwa nga ayaw magpatalo nina Macky at Rio sa pagpuntos nang quarter na iyon. Napapangisi na nga lang ang starplayer ng SW na si Umali dahil ito ang unang beses na makalaban niya si Romero na ganito katinding maglaro.

Aminado si Rio na medyo nakakaungos ito sa kanya, pero hindi siya nagpatalo kahit na ganoon. Kada puntos ni Romero, pinipilit niyang makasabay rito. Isa pa, inspirado siya sa larong ito. Nanonood is Andrea at sinabi niyang para rito ang laro niyang ito.

Naalala niya nga nang una silang magkita ni Andrea, iyon ay ang una niyang laro kontra sa CU. First year siya noon at kagaya ng inaasahan, natalo sila.

Nakaramdam si Rio ng lungkot matapos iyon. Wala silang talo bago nila kalabanin ang CU, pero tinambakan sila nito nang walang kahirap-hirap.

"Kaasar!" naibulalas ni Rio na naiwan sa loob ng gymnasium ng CU. Tila na-down siya nang subukan niyang tapatan si Ibañez, hindi niya akalaing mas magaling pa pala itong maglaro kaysa sa inaasahan niya.

Napatingin siya sa court at nakita ang bola sa hindi kalayuan.

Kinuha niya ang bolang nasa ilalim ng basket. Tumingin siya saglit sa paligid, wala na ang mga players ng CU at ang mga manonood ay unti-unti nang lumalabas ng gym.

Gusto lang niyang alisin ang inis na naramdaman niya nang mga oras na iyon. Kaya nga, pumunta siya sa may three point arc at pinagmasdan ang basket. Doon ay tumakbo siya nang mabilis papunta sa basket at nang maramdaman niyang nasa tamang lokasyon na ang kanyang mga paa... doon ay buong lakas siyang tumalon at pagkatapos ay isang malakas na dunk ang kanyang ginawa.

Napatingin nga ang ilang mga hindi pa nakakaalis sa gymnasium sa ginawa niyang iyon. Pagkatapos noon ay lumapag na sa ibaba si Rio. Bumuntong-hininga siya at tila nabawasan ang frustrations niya dahil sa pagkatalo.

Nang sandaling itunghay na ni Rio ang mata niya sa kanyang harapan... Doon ay nakita niya ang isang nakauniporme ng CU na babae. Hawak-hawak nito ang bola nang sandaling iyon.

Tila isa itong anghel habang umuulan ng mga puting balahibo mula sa itaas na mas nagpatingkad ng maamong mukha nito. Iyon ang nakikita ni Rio nang mga sandaling iyon.

Mabilis na ngumiti si Rio. Mabilis niyang nilapitan ang dalaga at mabilis na nakipagkilala rito. Para sa kanya, tila sinadyang mangyari ito. Tadhana!

Siya si Andrea. Magmula nga nang araw na iyon, sinimulan na kaagad niyang ligawan ang dalaga. Malakas ang loob ni Rio lalo't marami sa mga diniskartehan niya noon ay mabilis niyang napasagot.

Pero iba si Andrea, hindi niya agad mahuli ang kiliti nito. Hindi niya makuha ito sa bulaklak at chocolates. Pero hindi pa rin siya sumuko, wala siyang tigil sa paghihintay sa labas ng CU kapag lalabas ito. Wala siyang tigil sa pag-aabang dito kahit abutin pa ng gabi.

Lumipas ang isang buwan na hindi niya pagtigil sa panliligaw. Kasabay noon ay ang pagpapatuloy ng CBL. Tuwing laro niya ay naroon si Andrea na sinabi niyang manood. Isa pa, nalaman niyang isang fan din si Andrea ng sports na ito.

Kagaya niya, gusto rin ng dalaga ang basketball.

Pursigido si Rio sa bawat laro. Makikita ang kagustuhan nitong manalo at ang competetiveness sa loob ng court. Kahit mas malalakas ang nakakalaban, hindi ito sumusuko na makasabay sa mga ito. Isa pa, may sportsmanship ang binata.

Ang attitude ni Rio sa loob ng court at ang puso niya sa laro ang naging dahilan para sagutin siya ng dalaga. Hindi maalis sa labi niya ang labis na saya nang maging sila. Halos araw-araw ipinapasyal niya si Andrea. Palagi niya itong isinasama sa practice at sa bawat laro ay nasa likod niya palagi ito.

KINBEN I (Basketball Story) - CompletedWhere stories live. Discover now