Bola 67

1.9K 246 54
                                    

NAPATINGIN si Coach Nate sa ginawa ni Mendez. Napaseryoso siya at napatingin sa bench ni Coach Erik.

"Ano ang ginawa mo sa Ricky Mendez na iyan at ngayon ay may shooting na rin?" tanong ni Coach Nate sa sarili na hindi natutuwa sa nangyayari.

"Ayusin ninyo ang paglalaro ninyo!" sigaw ni Coach Nate sa kanyang mga players sa loob ng court. Walang puwang sa larong ito ang humanga sa kalaban dahil may kakayahan ang kanyang mga players na pumuntos lahat.

Ngayon, gusto niyang makita ang magagawa ng SW kapag wala ang dalawang scorer ng mga ito. Katulad din ni Coach Erik, gusto rin niyang makita kung ano ang kaya ng kanyang team kapag wala ang kanyang dalawang scorers na sina Cunanan at Romero.

"At kung ano ang magagawa mo Ricky," winika pa nito habang seryosong pinapanood ang laro.

Sa SW ang possession ng bola at si Herrera ang nagdadala nito. Maingat siya sa pagdi-dribble dahil si Mendez ang bumabantay sa kanya. Napapaatras na nga lang siya dahil sa pakiramdam na parang makukuha nito ang bola niyang hawak.

Pero nilabanan niya iyon at mabilis na ipinasa sa isang kakampi niya.

Sinambot ni Armin Corbin (SG) ang bola na kasalukuyang binabantayan ni Benjo Sy. Mabilis na hinarapan ni Corbin ang bumabantay sa kanya.

"Hindi mo ako kaya... Napanood ko ang laro mo sa CU..." biglang nagsalita si Corbin at hindi iyon nagustuhan ni Benjo.

"Buong game kang nasa bench... Tss."

Biglang nilampasan ni Corbin si Sy nang nag-drive siya pakaliwa nito. Kampante siyang malulusutan niya ito lalo pa't sa SW ay isa rin siyang scorer at magaling na handler ng bola.

Tinapik ni Sy ang bola na ikinagulat ni Corbin. Hindi lang iyon, nang tumalsik iyon ay hinabol pa iyon ni Sy.

Kalmadong tinalon ni Benjo ang bola at buong-lakas na kinuha iyon bago pa man lumabas ng court. Pagkatapos ay ibinato niya iyon sa kakampi niyang tumatakbo na para sa fastbreak.

Naalala ni Benjo ang dahilan niya para sumali sa CISA. Ang magpapogi at ang magpakitang-gilas sa mga babae. Kaso, dahil palaging hindi nananalo ang CISA, hindi iyon nangyari.

Tinatamad siyang maglaro tuwing may laban sila sa CBL at kung maglaro man siya, ito ay para magpapogi lang at magpakitang-gilas na sa huli ay tinatawanan lamang dahil sa kapalpakan.

Pero iba ngayong season! Nang makita niya kung paanong maglaro si Ricky Mendez, isang baguhan na kung tutuusin ay mas magaling siya, ay nagbago ang pananaw niya.

Simula nang manalo sila sa CLCC at nakita ang impact na ginagawa ni Ricky kahit hindi pumupuntos ay bahagyang nagbago ang pananaw niya para sa team. Lalo na nga nang laban nila sa CU, kung noon pa lang daw ay nag-practice siya nang nag-practice... baka may naitulong siya nang larong iyon.

Doon ay nangako siya sa mga kasama na sa muli nilang pakikipaglaban sa CU ay makakalaro na siya. Gusto niyang makatulong sa team kahit bench player.

Depensa! Ito ang isang bagay na gusto niyang gayahin kay Ricky Mendez. Ang walang katakot-takot na pagbantay nito sa kahit sinong player. Isa pa, nakakapuntos din siya kaya tiyak na isa rin iyong advantage sa laro at nagpupursige rin siya na mas maging magaling ang shooting niya. Ayaw niyang maging pabigat! Gusto niyang tulungan ang CISA para manalo.

Bumagsak si Benjo sa harapan ng crowd matapos iyon. Naramdaman niya ang sakit, pero, masaya siyang may naiambag sa larong ito.

"Salamat..." seryosong sinabi ni Ricky na mabilis na pinatalbog ang nasambot na bola. Naiwanan nito si Herrera na hindi makapaniwala sa bilis na ipinakita nito.

KINBEN I (Basketball Story) - CompletedWhere stories live. Discover now