Bola 25

2.4K 155 43
                                    

CHAPTER 25

NAPANSIN kaagad ni Ricky na tila may karamihan ang mga manonood sa kanilang covered court. Siguro ay dahil na rin iyon sa unang panalo na nakuha nila sa kanilang unang game. Parang nagkaroon nga ng interes ang mga taga-CISA na panoorin ang laban nila dahil doon.

Napatingin nga rin bigla si Ricky sa kanyang sapatos habang papalapit sa court. Naririnig na kasi niya ang mga usapan ng ilan. May ilang mga estudyante nga ang pinagtinginan siya sa kanyang pagdating. Tila bumalon sa sarili niya ang pagka-ilang pero biglang may tumapik sa kanyang likod bago pa man siya makapunta sa kanyang mga kasama sa team.

"P're! Goodluck! Full support pa rin kami sa iyo..." wika ni Mike na kasama pa ang dalawang tropa niya. Sandali rin siyang napatingin sa babaeng nasa likuran ni Andrei. Nag-wave ito ng kamay sa kanya at ngumiti.

"Goodluck!" masayang winika ni Andrea sabay kurot sa tagiliran ng kapatid na umismid sa kanya.

"Ate! Ang sakit! Hayop ka!" Napangiwi na nga lang si Andrei habang nakahawak sa tagiliran. Napatawa tuloy sina Ricky at bago siya pumunta sa bench nila ay nagpasalamat pa siya sa mga ito.

Napasulyap din nga siya nang hindi inaasahan kay Andrea. Naalala niya bigla ang kanyang sinabi rito na pupuntos siya sa game na ito. Pagkatapos nga ay naglakad na siya patungo sa kanilang bench. May mga sumasayaw na nga sa gitna ng court, ang cheerdancers ng CISA.

Napangiti pa nga siya nang makita si Mika. Mamaya, pagkatapos ng game... ay sasabihin na niya ang gusto niyang sabihin dati pa. Ang kanyang pagtingin na matagal nang nasa puso niya. At pagkatapos noon... Kakalimutan na niya ang nararamdaman niya para sa dalaga. Nang marating nga ni Ricky ang bench nila ay agad siyang binati ng kanilang team Captain na si Alfante. Nginitian din siya ng mga players, maliban kina Cunanan at Romero.

"Ricky? Ready ka na?" tanong ni Coach Erik.

Huminga muna nang malalim si Ricky at pagkatapos ay tinapik-tapik niya ang kanyang hita. Nginitian nga niya ang kanilang coach.

"Yes coach! Mananalo tayo!" malakas na winika ni Ricky na naging dahilan para ipagtinginan siya ng mga nasa likuran nilang mga manonood.

Napayuko tuloy bigla si Ricky at mabilis na umupo para maalis ang hiyang naramdaman niya. Inayos din nga niya kaagad ang tali ng kanyang sapatos. Pagkatapos ay biglang may mga players na naka-yellow ang pumasok na sa loob ng court. Nagpalakpakan nga ang mga manonood at may ilang cheer din sa dulo ang umalingawngaw sa loob.

May mga manonood din nga na mula sa Minscat ang naroon, na handang suportahan ang kanilang team.

"Coach! Goodluck po sa game!" Isang taga-Minscat nga ang biglang lumapit sa bench ng CISA. Si Coach Erik naman ay napangiti nang makita kung sino ito.

"Benjo! Goodluck din!" masayang wika ni Coach at nagkamayan ang dalawa. Tila natahimik naman ang mga players ng CISA nang makita ang number 30 na si Gado. Parang last year lang ay kakampi nila ito, tapos ngayon ay makakalaban na nila bigla.

"Macky. Reynan! Goodluck sa game!" dagdag pa ni Benjo. Ni isang sulyap naman ay walang ipinakita ang dalawang tinawag nito. Patunay iyon na walang pakialam ang dalawa sa player na ito. Napansin nga rin iyon ni Ricky at ni Kier. Kilala kasi nila na approacheable ang kanilang captain, ngunit iba ang nakita nila rito nang sandaling iyon.

Bigla namang tumayo si Kier at nilapitan si Benjo. Naaalala nga ni Gado kung sino ito. Halos lahat ng mga magagaling na players sa CBL ay hindi niya kinakalimutan. Alam din niyang magaling ito kaya, gusto niyang ipakita rito mamaya sa laro na mas magaling siya.

"Yow! Benjo Gado!" nakangising bati ni Kier at hinarapan niya si Benjo at tinapik ang balikat.

"Hindi ka kawalan sa CISA dahil narito na ako. Tandaan mo, pagkatapos ng game nating ito. Ang school na iniwanan mo ang panalo!"

KINBEN I (Basketball Story) - CompletedWhere stories live. Discover now