Bola 11

454 36 0
                                    


Bola 11

NAKATULALA si Ricky sa itaas ng kanyang kwarto habang nakahiga. Gabi na, at pakiramdam niya ay hindi siya dadalawin ng kanyang antok dahil malalim ang kanyang iniisip. Parang napakaraming hindi inaasahang nangyari ngayong araw at hindi niya alam kung paano ito tatanggapin.

"Hindi na ako papansinin ni Andrea kapag niligawan ko siya."

Sa mismong kaarawan ng dalaga, sinabi niya ritong liligawan niya ito. Sinabi niyang kahit tanggihan siya nito o i-reject ay gagawin pa rin niya ito.

Napabuntong-hininga siya at napatingin sa oras na makikita sa screen ng kanyang cellphone. Alas-dose na ng gabi, pero parang ang antok ay napakailap na siya ay dalawin. Naalala rin niya sandali ang mga mata ng mama ng dalaga, nang sandaling kinausap siya nito kanina.

Muli siyang napabangon. Pakiramdam niya ay may kung anong mangyayari rito kaya gustong-gusto niyang makita ang kanyang anak na may kasintahan. Isa pa, may kutob siya na hindi naman niya nagawang itanong dito dahil masyado nang pribado kung gagawin niya ito.

Kung ano man ang bagay na iyon, hiniling na lang niyang huwag sanang tumama ang kanyang kutob dahil sigurado siyang masasaktan ang kanyang kaibigan... at pati na rin si Andrea.

*****

MALIWANAG na at mataas na ang sikat ng araw nang magising si Ricky. Hindi na nga niya maalala kung anong oras ba siya nagising.

"A-ano'ng oras na ba?"

Alas-diyes na ng umaga kaya naman napabalikwas siya at napabangon. Mabilisan niyang niligpit ang kanyang higaan. Pagkalabas niya ng kwarto ay hinanap niya ang kanyang nanay at naabutan niya ito sa likod ng kanilang bahay na naglalaba. Siya na sana ang maglalaba, lalo't bakasyon na, pero mukhang hindi na niya ngayon ito magagawa.

"O, gising ka na pala? Hindi na kita ginising. Pakiramdam ko kasi'y napuyat ka kagabi. Panay ang punta mo ng banyo kahit lampas alas-onse na," wika ng kanyang nanay na kasalukuyan nang nagbabanlaw ng damit. Napangiti na nga lang si Ricky at humingi ng paumanhin dahil sinabi niyang siya na ang maglalaba ngayong bakasyon, pero hindi naman niya nagawa.

"Kumain ka na. Okay lang ito. Bakasyon na pati, mas mabuting mag-relax ka," wika ng kanyang nanay na biglang may naalala.

"Kumusta na nga pala ang paglalaro mo sa Inter-Barangay? Nagsimula na iyon, tama? Bakit hindi kita nakitang pumunta noong isang gabi?" dagdag na tanong ng ginang sa kanyang anak.

Isang ngiti ang isinagot ni Ricky na kumamot pa sa magulo niyang buhok.

"Hindi na ako kasali nay," sagot ni Ricky na ikinatingin kaagad nang seryoso sa kanya ang nanay niya. Sa pagkakaalam kasi nito ay napili siya. Isa pa, hindi pa rin naman niya ito nasasabi rito.

"Huh? Paanong hindi ka na kasali? Si Kap pa mandin ang nag-imbita sa 'yo," ani ng nanay niya matapos pigain ang mga damit na inilagay sa batyang may kalakihan. Dito na nga ikinwento ni Ricky ang nangyari at pagkatapos ay tinulungan niya muna sandali sa pagsasampay ang kanyang nanay bago bumalik sa loob at mag-agahan.

"Si Baron? Siya iyong palaging umuubos ng tinda kong mga kakanin. Kanina nga ay nakita ko siya sa may court. Naglalaro," sabi ng nanay ni Ricky. Napatingin naman ang binata sa ina niya. Napansin niyang masaya itong nagkukwento na tila ba napakabait ni Baron. Ibang-iba ito sa ekspresyon ng mga nakasama niya sa loob ng court na kasali sa barangay team.

"Pinagbubuhat ako minsan niyan kapag nakakaabot ako sa kabilang barangay. Mabait iyan..."

"Pero naririnig ko rin naman ang mga sinasabi ng iba tungkol sa kanya. Na nagdodroga raw. Minsan nga ay kinakausap ako ng mga bumibili sa akin na layuan ko raw kasi baka raw may masamang pinaplano... pero wala naman."

KINBEN II (Completed)Where stories live. Discover now