Bola 85

390 40 0
                                    


Bola 85

"GUSTO kong maging pinakamagaling na point guard!" wika ng isang batang nasa edad walo sa katabi nitong kaedadin din nito. Nakaupo sila sa isang malaking gulong sa ilalim ng isang puno ng mangga. Sa tabi nila ay may isang bola at kasalukuyan silang umiinom ng palamig na kulay dilaw na nakalagay sa plastic at may nakalagay na straw.

Pawisang-pawisan ang dalawa dahil kakatapos lang ng kanilang pakikipaglaro sa mga bata sa kabilang barangay.

"Kung ikaw ang point guard. E de ako naman ang kasama mo. Sisiguruhin ko na sa bawat pasa mo sa akin ay iiskor ako. Ang saya noon!" masayang wika ng kasama ng batang si Martin at pagkatapos ay nagkwentuhan pa ang dalawa tungkol sa mga gusto nilang gawin sa paglalaro ng basketball. Hindi rin mawawala ang mga kalokohan at makikitang masayang-masaya ang dalawa sa kung ano-ano na pinag-uusapan nila.

Sa murang edad, basketball ang nagpapasaya sa dalawa... at ang isa't isa ang itinuturing nilang pinakamalakas na kakampi sa oras na sila ay maglaro na sa loob ng court hanggang sa sila ay unti-unting magka-edad.

*****

"AKO na ang magiging point guard simula ngayon!" seryosong winika ni Martin matapos niyang tapikin sa balikat si Ricky na nakikita niyang may kaunting pagod na. Mula nang maglaro ito sa team nila ay inoobserbahan na niya ang playmaking skills nito bilang ball handler at natutuwa siyang makitang may talento ito. Pero, kasabay rin noon ay ang pagbabalik ng sa kanyang memorya ng isa sa mga pangarap niyang mangyari sa kanya sa loob ng court.

Hindi talaga siya magaling na shooter noon, lalong wala siyang lakas na pumuntos kapag ginusto niya dahil may isa siyang kasama na pumupuntos sa bawat pasa niya. Pero sa paglipas ng panahon ay naging offensive player na siya at nawala siya sa position na dapat ay sa kanya. Nasanay na siya sa pagiging shooting guard. Pero ngayong laban nila sa Camilmil, parang kailangan muna niyang maging playmaker. Iilan lang ang nakakaalam nito at maging ang mga kakampi niya sa Panthers ay hindi siya sigurado kung alam pa ba ng mga ito ang kanyang galawan noon bata pa siya at wala pa sa edad na bente pataas.

"K-kuya Martin?" Ito na lang ang naibulalas ni Ricky nang lingunin si Martin. Isang minuto na lamang ang natitira sa first half at sa score na 73-49 ay napakahirap na para sa kanila ang makahabol lalo na't ang defending champion ang kanilang kalaban.

Huminga nang malalim si Martin. Ayaw niyang magpakita ng ganito sa sinuman dahil hindi niya ito ugali, pero kailangan nilang makahabol. Nakita niya si Ricky na parang hindi talaga dapat ito point guard, may shooting ito at mautak. Ito ang dapat shooting guard, at sa tulong ng isang magaling na passer na bilang siya raw ay baka magbago ang ihip ng hangin ng larong ito.

"Hindi pa tapos ang oras... Bago matapos ang quarter na ito... Mapupunta sa atin ang momentum!" nakakuyom na sinabi ni Martin at isang kalmadong ngiti ang ipinakita niya sa binatang nagulat sa kanyang ipinakita.

"Kuya Martin!" masayang wika ni Ricky at lumiyab ang mga mata nito habang sa likuran nila ay naroon si Baron na pasimple lang silang nilampasan.

"Sige kuya! Ikaw na ang point guard... hahanap ako ng pwestong maayos para mapasahan mo... At ito ang sinisiguro ko sa iyo kuya!"

"Sa bawat pasa mo sa akin ay sisiguruhin kong iiskor ako! Hindi ba ang saya noon?" nakangiting wika ni Ricky at natigilan nang bahagya si Martin nang marinig iyon. Mula naman sa unahan nila ay bahagya ring nagbago ang kaseryosohang imahe ni Baron dahil doon.

NASA PANTHERS na muli ang possession at nagulat ang lahat nang si Martin na ang nagdala ng bola. Sumeryoso si Mover at napatingin siya kay Ricky na kasalukuyan nang binabantayan ni Clemente. Hindi niya alam kung dapat ba siyang makipagpalit dito o si Suarez ang kanyang tatapatan.

KINBEN II (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon