Bola 87

369 31 0
                                    


Bola 87

ANG MALAKAS na cheer para sa Red Lions ay nananatiling nangingibabaw sa loob ng venue. Ngunit ang maliit na bilang ng sumisigaw para sa Panthers ay hindi naman naglalaho kahit pa madaig ito. Katulad ng kanilang koponan na kahit tinambakan ng kalaban ay makikitang hindi pa nawawalan ng pag-asa sa larong ito.

Napaseryoso si Mover nang makitang nakaupo sa bench si Mendez. Ang line-up ng Panthers na ipinasok ay sina Suarez at Semeron. Narito rin si Torres, at Albañez na sa pagkakaalam niya ay hindi ganoon kalakas maglaro. Sa sentro ay si Karim pa rin. Kung titingnan ang line-up na ito ay parang dehado ito dahil mas maliit na players ang nasa loob.

"Small ball ba Kap?" sambit ni Mover na nasa likuran naman si Ibañez, Flores, Honasan at Javier.

Ang crowd ay nabigla rin sa line-up na ipinasok ng Panthers. Kaya ba nilang makahabol sa mga players na ito? Ito ang tanong ng karamihan dahil kahit saang anggulo tingnan ay hindi nila makita kung ano ang magagawa ng ganitong mga players sa mga 6'11 na front courts at sa magagaling nilang backcourts.

"Kap..." nasambit na nga lang ni Ricky sa kanilang coach na nakatayo at kalmado sa harapan ng bench.

"May tiwala ako sa mga players ko... Makakahabol tayo! Manood ka lang Ricky."

"Sa quarter na ito, nararamdaman ko ang pagbalik ng laro mula sa Killer Duo na iyon," winika ni Kap na tila may mga eksenang naaalala habang nakatingin sa tila ba nag-aapoy na katawan nina Suarez at Semeron. Naramdaman niya na sa pagpasok ng dalawa sa court ay may kung anong presensya siyang naramdaman nang makita niya ang pagtitig ng mga ito sa kalaban.

"Ang mga batang sina Martin at Baron! Tinalo raw ang mga highschool sa kabilang barangay sa 2v2 na laban."

"Nasa court na naman ang dalawang iyon. Nagpa-practice at mas nagpapagaling sa paglalaro."

"Paano pa kaya kapag lumaki ang dalawang iyan?"

"Dinala namin iyang dalawa sa Silonay! Tinalo nila ang lahat ng mga humamon sa kanila. Hanep! Halimaw sa court ang mga iyan. Hindi napapagod at parang galit sa bola."

"Ang lakas magbasketball ng dalawang ito. Sigurado akong kapag lumaki-laki pa ang dalawang ito... gagawa sila ng pangalan sa larangang ito."

Bata pa lang ang dalawa ay nakikita na niya ang mga ito na naglalaro nang magkasama. Walang araw na hindi niya nakikita ang dalawang ito na hindi naglalaro. Sila ang pinakamalakas na manlalaro sa barangay court na pati mga mas matanda sa kanila ay hinahamon nila. Ang dalawang ito ang madalas pag-usapan noon dahil sa kanilang paglalaro. Ang playmaker na si Martin, at ang mala-ace player kung gumalaw na si Baron... Dahil sa pagmamahal ni Kap sa basketball ay nabibigyan siya ng ngiti ng mga ito habang pinapanood ang mga batang ito. Nakita niya kung paano lumaki sa loob ng court ang magkasanggang-dikit na sina Martin at Baron.

Ang paglaki ng dalawa ay mas lalo niyang sinubaybayan, hanggang isang araw... nang nasa edad na labing-pito ang dalawa ay hindi na niya nakitang magkasamang maglaro ang mga ito. Ibang grupo na ang sinasamahan ni Baron at ganoon din si Martin. Nakikita na nga lang nila na nagyayabangan ang dalawa sa loob ng court at naglalaban kung sino ba ang mas magaling.

"Hindi na namin nakita ang dalawa na maglaro na parang iisa."

Nakalimutan na ng karamihan na minsan ay may dalawang bata na malakas maglaro ng basketball.

Nakalimutan na rin ng karamihan na ang dalawang iyon ay sina Semeron at Suarez.

Kahit gaano pa kalakas ang koponan ni Mover, sa oras na ang dalawang player na iniisip ni Kap ay magka-isa... Ang pagkapanalo ay posibleng makuha na nila dahil walang makakapigil sa dalawa sa oras na mangyari iyon.

KINBEN II (Completed)Where stories live. Discover now