Bola 70

432 37 0
                                    


Bola 70

PINATALBOG ni Ricky ang bola at seryoso niyang pinagmasdan si Mover na nakatayo sa kanyang harapan. Hindi ito gumagalaw, pero nang sinubukan na niyang bumigla ng isang jumpshot at isang mabilis na hakbang palapit sa kanya ang ginawa nito. Susubukan niyang gumawa ng isang fake dito kaso dinikitan lang siya nito na kanyang ikinagulat. Tila alam nito ang kanyang gagawin, pero ikinalma niya ang kanyang sarili at umatras palayo rito para sa isang bwelo.

Ang ilang mga nasa paligid ay kasalukuyan na silang pinapanood. Nasa kabilang tabi naman si Karlo na nagpapahinga habang nanonood sa kanilang dalawa.

Lumunok pa si Ricky ng laway at dito na siya nag-drive ng bola. Nilampasan niya si Mover. Ginamit niya ang kanyang bilis ngunit naramdaman na lang niya ang pagsabay sa kanya ng bantay niya na parang wala lang.

Napahinto siya nang hindi inaasahan at napansin na lang niya na wala na sa palad niya ang bola. Nakita na nga lang niya ito na pinapatalbog na ni Mover. Isang mabilis na steal iyon at hindi niya inaasahan na mangyayari iyon.

"Nice drive Mendez!" nakangiti nitong winika at nakatayo ito sa kanyang likuran. Nakaramdam na rin si Ricky ng kaunting hingal sa nangyaring iyon. Pailang subok na niya ito pero palagi siyang naagawan o nabubutaan ni Mover. Ni isang puntos ay wala pa siyang nagagawa. Ayaw siyang paisahin ng kanyang kalaban at kahit magpumilit siya ay wala siyang magawa laban dito.

Muli na nga niyang dinepensahan si Mover. Maka-ilang beses na rin niyang sinusubukang maagawan ito ng bola pero lahat ng kanyang ginawa ay nabigo. Ilang bagsak at halos matumba na nga siya tuwing makakagawa ito ng isang malinis na cross-over laban sa kanya. Ibang maglaro ito kumpara sa mga nakalaban na niya sa CBL at pati na rin sa mga nakalaban niya nito sa inter-barangay. Ibang lebel ang galaw ni Mover at ito ang hindi niya mahuli-huli.

"Kaya mo pa ba Mendez?" nakangiting tanong ni Mover sa kanya at napangiti na rin siya dahil doon.

"Kaya pa sir!" wika ni Ricky at dito nagsimulang gumalaw si Mover.

Isang mabilis na pagpapatalbog ng bola patungo sa basket ang ginawa nito. Si Ricky ay mabilis itong hinarangan ngunit isang mabilis na paglipat ng direksyon ang ginawa nito. Si Ricky ay napaseryoso na lamang, ganito rin ang ginagawa nito kanina. Bibigla ito ng side-step. May pagkakataong papatalbugin ang bola sa likuran at may pangyayari pa nga na ginamitan siya nito ng bisig para lampasan.

Nakita na niya ang mga cross-over nito kaya gusto ni Mendez na sa pagkakataong ito ay mahuli na niya si Mover. Nakita niya na umiba ito ng direksyon at sinundan nito ang bolang tumatalbog papunta sa kabila nitong kamay. Kaya naman, mabilis na lumihis si Ricky patungo rito subalit nagulat na lang siya nang ang bola ay mabilis na niyakap ni Mover at dumiretso lang papunta sa basket. Hindi ito lumihis ng galaw bagkus ay malinis na pagdiretso ang ginawa nito. Pagkatapos ng dalawang malaking hakbang pauna ay tumalon na ito papunta sa basket at kahit malayo pa ito roon ay isang lay-up ang ginawa nito gamit ang kanang kamay. Ang bola ay umikot sa ere nang napakaganda at iniikot din nito ang net sa pagpasok nito sa gitna ng ring.

Natigilan na nga lang si Ricky dahil matapos ang puntos na iyon ay 11-0 na ang naging score. Natalo siya at wala siyang nagawa laban kay Mover. Lahat ng kanyang nalalaman at natutunan ay sinubukan niya rito pero hindi iyon umubra. Ibang lebel ang galawan ni Flores at kung sa one-versus-one na laro, ay tiyak na hindi siya mananalo rito.

Napangiti na lang si Mover nang mapatingin kay Ricky. "Nice game Mendez! Welcome sa facility ko. Isa itong state-of-the-art facility at nag-iisa sa Oriental Mindoro. Kung gusto mong mag-practice dito ay pumunta ka lang. Ako ang bahala sa iyo."

Huminga nang malalim si Mendez para alisin ang hingal sa kanyang dibdib. Napangiti siya nang marinig iyon mula kay Mover.

"Pwede kang turuan ng mga instructors dito kung ano pa ang dapat mong gawin para maging malakas kang maglaro. I will help you Ricky para mas maging malakas ka pa sa sports na ito!"

KINBEN II (Completed)Where stories live. Discover now