Bola 41

446 37 1
                                    


Bola 41

PAGKATAPOS pumila sa gitna ng magkabilang team ay kaagad nang tumunog ang buzzer. Ito na ang hudyat na magsisimula na ang laban ng dalawang koponan. Ang mga manonuod ay nagsimula nang mapaseryoso at ilan sa mga ito ay hindi maiwasang kabahan. Malinaw na malakas ang Lalud, subalit pwedeng may milagrong gawin ang Canubing.

"Mas malalaki ang Lalud, kita mo naman, nagmumukhang maliit ang Canubing."

"Pero maliliksi ang Canubing, 'yun nga lang halos lahat ng players ng Lalud ay malakas maglaro."

"Malakas din naman ang Canubing, nakaabot sila ng top 4 dati. Pero parang swerte naman sila sa bunutan sa tuwing mangyayari iyon. Napapansin ko na nalalayo sa kanila iyong malalakas na team sa eliminations."

"Panuorin na lang natin. Ayan, magsisimula na. Go Lalud!" sigaw naman ng isang babaeng nakasuot ng puti.

Naririnig ni Andrea ang mga sinasabi ng nasa paligid niya. Lahat naman ng iyon ay tama, at sa tingin pa lang ay parang mahihirapan ang Canubing. Pero, kahit na ganoon, ang bola ay mananatiling bilog. Hangga't ang huling buzzer ay hindi tumutunog, may tsansa sina Ricky Mendez na manalo sa larong ito.

"Galingan ninyo Panthers! Lalo ka na Mendez!" sigaw ni Andrea sa kanyang isipan habang nakatingin sa binata. Mahigpit din ang pagkakahawak niya sa kanyang cellphone bago pa man magsimula ang laro.

SA LOOB ng court, naroon na ang starting line-up ng magkabilang team at kanya-kanya na sila ng pagpwesto sa kanilang mga babantayan. Sa gitna ng court ay naroon na ang dalawang center na sina Karim at Johnson.

Napalunok pa ng laway si Florante dahil parang ganitong mga player ang napapanuod niya sa NBA. Mas mataas ito sa kanya ng isang pulgada at mas malapad ang pangangatawan. Pakiramdam niya nga ay parang lalamunin siya nito sa ilalim ng basket. Isama pa nga rito ang seryosong mga mata ng foreigner na ito. Makikitang naka-pokus lang ito sa laro na siyang mas dapat niyang paghandaan lalo.

Tinapatan rin ni Manong Eddie si Gregorio Garong. Nagbatian pa ang dalawa at nagkamay. Matapos ang kaunting ngitian ay naging seryoso ang mga mata ng dalawa at inihanda na ang mga sarili para sa jump ball.

"Good luck Eddie," nakangising winika ni Garong na nagpaseryoso lalo sa player ng Canubing.

"Sa iyo rin, Greg. Tatalunin na kita sa pagkakataong ito," winika ni Manong Eddie at napatuon na ang mga mata nila sa gitna ng court.

Nakataas naman ang noo at matikas na nilapitan ni Baron si Morris Serna. Pinagmasdan niya ang player ng Lalud na may pulang buhok at pagkatapos ay inismiran niya ito. "Morris Serna, alam kong malakas ka... pero ito na ang huling game ninyo sa inter-barangay sa taong ito."

Napangiti naman si Morris at dinikitan na niya si Baron. "Iyon ay kung hindi mo na gagawin ang ginawa mo dati sa kakampi ko," winika naman nito na nagpaseryoso sa manlalaro ng Canubing.

"Pero, pakiramdam ko naman ay hindi na iyon mangyayari. Natutuwa akong makitang nagbago ka na Bartholome Semeron," ani pa ni Morris dahil nakita niya si Baron na hindi na katulad ng dati na palaging mahaba ang buhok.

"Nagbago na talaga ako, mas malakas na ako kumpara dati. Tss," winika naman ni Baron at humanda na ang dalawa dahil naglakad na ang referee na dala ang bola patungo sa gitna.

"Hindi kita papupuntusin, Suarez," ani naman ni Almazan kay Martin na hindi naman nagsalita noong marinig iyon.

Si Rommel at Ricky naman ay nagbantayan na rin. Isang nakangiting pagbati ang ibinungad ni Mendez habang ang kapatid ni Reynan ay isang pagngisi ang ipinakita rito.

KINBEN II (Completed)Donde viven las historias. Descúbrelo ahora