Bola 80

358 36 1
                                    


Bola 80

HABANG hindi magkasundo ang dalawang main players ng Panthers ay ito na nga ang ginamit na pagkakataon ni Karlo upang makalamang sa mga ito. Dahil sa angking galing niya sa basketball ay nagawa niyang tambakan ang kalaban. Sinumulan niya ito sa pagsira ng kompyansa ng mga players sa ilalim ng Panthers sa pamamagitan ng pagdakdak sa mga ito. Kasunod din noon ay ang pagpapakita niya ng bilis kontra kay Semeron na nakikipagkompetensya sa kanya.

"Malakas si Baron, pero ang style niya... Wala itong panama sa akin," ani naman ni Ibañez matapos uminom ng tubig.

Isa namang ngiti ang ibinigay ni Mover nang marinig iyon. Sa ipinakita ng Panthers ay tila ba mas lalong naging mahinang koponan ito kumpara sa una nilang paghaharap. Kaso, hindi pa rin pinapalaro si Mendez at gusto niyang malaman kung kailan ito ipapasok ng coach ng mga ito.

"Good job team. Ipagpatuloy ninyo ang ipinakita ninyo. Habang ganyan silang maglaro... Make it as an advantage. Depensa kung depensa at puntusan ninyo nang puntusan."

"Huwag kayong magdalawang-isip! We will end their winstreak in this game!" seryosong winika ni Mover at ang mga players niya ay napangiti at napangisi dahil dito. Nagsitayuan muli ang mga ito at nagbigayan ng mga nakakatakot na tingin sa bawat isa. Lahat sila ay seryoso sa pagtalo sa kalaban, at bilang defending champion ay kanila itong bibigyan ng isang hindi malilimutang pagkatalo.

Sa muli nilang pagbalik sa loob ng court ay siya ring pagkawala ng malakas na cheer para sa kanila. Kung may lakas lang ang mga sigaw na iyon, baka napayanig na nito ang buong venue.

"Umayos kayong dalawa. Magtulungan kayo!" bulalas naman ni Kap kina Suarez at Semeron na hindi na nag-iimikan matapos maligo sa mga salita ni Kap. Hindi na nga nagdalawang-isip na pangaralan ang mga ito ng kanilang coach.

"Bente mahigit na kayo, pero para kayong mga bata kung umasta. Basketbolista ba talaga kayo?" pahabol pa ni Kap sa dalawa bago pa man muling magtayuan ang mga ito.

"Martin, magpasa ka ng bola. Pasahan mo mga kasama mo!"

"Baron, dumipensa ka nang maayos. Parang hindi ikaw iyan. Oo, malakas ang Ibañez na iyon... Pero mas magaling ka sa batang iyon."

"Wilberto! Huwag kang tamad sa court! Gumalaw ka!"

"Kaloy at Florante... Oo matatangkad at malalaki ang mga binabantayan ninyo, pero gumamit kayo ng utak sa pagkuha ng bola. Parang bago pa kayo sa basketball. Gulangan ang kailangan."

"Isa pa! Huwag kayong magpadaig sa mga kalaban ninyo! Hindi pa naglalaro si Mover pero parang ipinapakita ninyo na kaya kayong matalo ng team na iyan nang wala siya!"

"Hindi ito ang una nating game na tinalo tayo basta-basta. Tinalo na ninyo ang mga koponang dapat mas malakas sa atin... Kaya ipakita ninyo na deserving kayo na talunin ang mga iyon!"

Pagtayo ng mga players ng Panthers ay pinagpapalo ni Kap ang pwetan ng mga ito. "Go! Go! Go! Ayusin ninyo ang laro ninyo. Huwag ninyong pahirapan ang si Ricky kapag pinaglaro ko na siya!"

Napasulyap na nga lang sina Martin at Baron kay Ricky matapos marinig iyon. Nginitian sila nito.

"Parang sinasabi mo Kap na siya ang tatapat kay Mover?" sambit bigla ni Baron na sinundan ng pagsulyap kay Kap.

"Parang ganoon na nga... Kung hindi mo magagawang pigilan si Karlo Ibañez," nakangiti pero may lamang sinabi ni Kap at doon na siya tinawanan ni Semeron.

"Pinapatawa mo ba ako Kap? Manood ka... Ako ang magpapapasok sa Mover Flores na iyan!" seryosong sinabi ni Baron at napangiti nang palihim si Kap nang marinig iyon. Si Martin naman ay napatingin din sa bench ng kalaban at napaseryoso na rin.

KINBEN II (Completed)Where stories live. Discover now