Bola 26

477 40 1
                                    


Bola 26

ANG dahilan kaya nag-try-out ako noon sa basketball team ng CISA ay dahil sa babaeng si Mika. Pero... dahil kay Andrea, kaya nagustuhan ko ang basketball. Siya ang nagturo sa akin ng depensa, at siya ang nagpamulat sa akin na masayang maglaro ng sports na ito.

Nakikita ni Rich ang kakaibang kinang sa mga mata ng binata habang nagkukwento ito. Tila musika sa kanyang pandinig ang boses nito at parang ayaw niyang mawala ito rito. Pero habang lumilipas ang mga salitang lumalabas mula sa binata ay nakakapansin siya ng pagsigla sa boses nito nang marinig niyang banggitin nito ang pangalang Andrea. Sandali siyang lumunok ng laway at matapos ang kwento kung paano naging basketbolista si Ricky ay napansin niya ang pagtingin nito sa malayo.

"So, Andrea was your friend?" naitanong ng dalaga at napansin niya ang paglamlam ng mga mata ng binata habang tinitingnan siya matapos iyon.

"Ex-girlfriend. Pero ngayon, humihingi ako sa kanya ng second chance..."

Uminom si Ricky ng iced tea bago tuluyang magsalita muli.

"Nililigawan ko siya at kung ano man ang maging desisyon niya ay tatanggapin ko."

Nakaramdam si Rich ng pagkirot sa kanyang puso nang marinig ang sinabing iyon ni Ricky, lalo na nga nang marinig nito ang second chance na gusto nitong mangyari. Ang lalaking gusto niya ay may ibang gusto.

Lumunok siya ng laway at muling nagtanong. Gusto niyang malaman ang dahilan kung bakit naghiwalay ang dalawa.

"Bakit kayo nag-break?"

Ngumiti si Ricky ng hindi ganoon kaganda.

"Niloko ko siya."

Ang tatlong salitang iyon ang nagpaseryoso sa mga mata ni Rich. Kaya wala pa siyang nagiging boyfriend mula noon ay dahil sa takot na siya ay maloko. Nakikita niya kasi ang iba niyang kaklase na umiiyak kapag niloloko sila ng mga nagiging boyfriends nila. Alam niyang hindi lahat, pero ayaw lang niyang maranasan ito. May mga nanliligaw na sa kanya noon, at lahat iyon ay binasted niya. Maging ang kilalang si Karlo Ibañez ay hindi nagawang mapatalab ang mabulaklak nitong pananalita at diskarte sa tulad niya.

Manloloko pala si Ricky.

Parang nabawasan ang saya niya habang kasama ito. Lalo't naalala niya kung paano umiyak ang kanyang mga malalapit na kaibigan dahil sa niloko sila ng mga inaakala nilang loyal na lalaki.

Akala niya ay naiiba si Ricky, pero ganito rin pala ito.

"Pero kasalanan ko rin ang nangyaring iyon. Masyado akong mahina. Masyado akong maraming doubts sa sarili ko noon. Wala akong kakayahang magdesisyon nang buo..."

"Kaya nga binago ko ang sarili ko. Mas naging seryoso ako sa mga bagay. Ayaw ko na ring magbitaw ng salita. Ang gusto ko ay gagawin ko ito nang walang alinlangan."

"Ayaw ko nang maulit iyon. Ayaw ko nang saktan pa si Andrea. Kaya nga kung hindi man niya ako bigyan ng second chance ay okay lang..."

"Hinding-hindi ako magsisising sinubukan ko ito. Kaysa sa huli ay pagsisisihan kong hindi ko siya sinubukang balikan," seryosong sinabi ni Ricky na biglang nagpakabog ng dibdib ni Rich dahil mula sa kaliwang mata ng binata ay nakita niya ang paglabas ng luha rito.

Kusang sumilay ang ngiti sa labi ni Rich at nginitian niya si Ricky. Kung ano man ang negatibong iniisip niya rito ay mabilis niyang inalis. Isang mabuting lalaki ang kaharap niya.

Isa pa, hindi naman lahat ng lalaki ay manloloko.

"Gusto mo bang maging kayo uli ni Andrea?" nakangiting wika ni Rich sa binata na pinunasan bigla ang luha sa gilid ng kanyang mata.

KINBEN II (Completed)Where stories live. Discover now